HULING HABILIN: Reflection for the 5th Sunday of Easter Year C - May 6, 2007

Isang lalaki ang nasa bingit ng kamatayan. Tinawag niya ang kanyang
maybahay upang makausap sa huling pagkakataon. "Mahal, nais kong
sabihin mo sa akin ang totoo. Ngayong malapit na akong mamatay ay nais
kong mapayapa ang aking sarili at maalis ang lahat ng anumang pagdududa
tungkol sa ating dalawa. Tapatin mo ako… itong bang bunso natin ay tunay
kong anak? Malayo kasi ang itsura niya sa akin…" Sagot ng babae:
"Ano ka ba naman! Bakit pinagdududahan mo ako. Anak natin yang
bunso… yung panganay ang sa kumpare mo!" Inatake sa puso ang lalaki!
hehehe. Napakahalaga ng huling pamamaalam. Ang huling salita na
ating maririnig sa isang taong malapit ng mawala sa mundong ito ay
dapat pagtuunan ng pansin. Nilalaman nito ang kanyang buong
buhay…ang kanyang sarili. Bago umalis si Jesus ay binitiwan niya sa
mga alagad ang mga salitang ito: "Mag-ibigan kayo! Kung paanong inibig
ko kayo, gayon din naman, mag-ibigan kayo…" Walang kasing linaw ang
mga salitang ito ni Jesus. Ngunit bakit kaya patuloy pa rin ang
patayan at pamamaslang sa mundo? Bakit patuloy pa rin ang panlalamang
at pang-aabuso sa kapwa? Bakit patuloy pa rin ang pagsasawalang kibo
ng mga mayayaman sa mahihirap at hinihayaan silang mamatay sa gutom?
Bakit hindi pa rin tayo makapagpatawad at matigas pa rin ang puso sa
ating mga kagalit? Kung tunay na mahal mo S’ya… susundin mo ang Kanyang "huling habilin"…. magmahalan kayo!