MARIA TULONG NG MGA KRISTIYANO: Reflection for the Feast of Mary Help of Christians - May 24, 2007
Mayroong
isang kuwento na minsan daw sa langit ay naglalakad ang Panginoong Hesus at nakakita
siya ng mga di kilalang kaluluwa na gumagala sa Kanyang kaharian. Agad
niyang tinawag si San Pedro upang tanungin kung sino ang mga bagong
"migrants" na iyon. Walang masabi si San Pedro kaya’t
katakot-takot na sermon ang inabot niya sa Panginoon. "HIndi ba sabi
ko na sa iyong isarado mong mabuti ang pinto upang walang makakapasok dito na
hindi natin nalalaman?" Sabi ni Hesus. Tugon ni San Pedro:
"Sinasarado ko naman po… kaya lang ang nanay ninyo binubuksan naman ang
bintana at doon ipinupuslit ang mga migranteng ito!" hehehe… Marahil
isang kuwento lamang ngunit kapupulutan natin ng aral tungkol sa ating Mahal na
Birhen. Tunay ngang siya ay "tulong ng mga Kristiyano" o
"Help of Christians". Ang kasaysayan ang ating patunay na
si Maria ay laging tumutugon sa pangangailanan ng Simbahan. October 7,
1571 ng magapi ng mga mandirigmang Kristiyano ang mga turko sa
malamilagrong "Battle of Lepanto. May 24, 1814 ng nakalaya si
Pope Pius VII sa pagkakabihag ni Napoleon at nawala ang pagtatangkang sirain
ang Simbahan. Noong panahon ni Don Bosco (1815-1888) ay talamak at
hayagan ang pagbatikos sa Simbahan ng mga "Anti-clericals". Lahat ng pagsubok na yan ay nalagpasan ng
Simbahan sa pamamagitan ng pamimintuho at debosyon sa kanya. Kaya
nga’t hindi nagdalawang isip si Don Bosco upang kunin siyang patron ng kanyang
gawain. Hanggang ngayon ay patuloy ang paggawa ni Maria ng himala at
namamagitan siya sa pangangailangan ng Simbahan. Marami pa rin ang sumisira at tumutuligsa sa ating
pananampalataya. Hingin natin ang makapangyarihang pamamagitan (intercession) ni
Maria… ang Tulong ng mga Kristiyano!
