Hmmmmp! Sila na lang! : Reflection for 16th Sunday in Ordinary Time Year C - July 22, 2007

"Pare, Linggo ngayon… magsimba ka naman!" Sabi ng kumpare nya
sa kanya. "Hmmp…! Dami kong gagawin, mga anak at misis ko na lang!"
Sinabihan din sya ng kanyang mga kasama sa trabaho: "Simba tayo bukas
ha?" Ang kanyang sagot: "Hmmmp…! Ang misis at ang mga anak ko na
lang! Me pupuntahan pa ako." Pinaalalahanan din sya ng kanyang kura
paroko: "Anak, Linggo bukas. Magsimba ka." Sagot n’ya: "Padre, wala
naman mawawala sa parokya kung di ako pupunta. Hmmmp! Ang misis at ang
mga anak ko na lang!" Nagkataong namasyal minsan ang pamilya. Sa
kasamaang palad ay nadisrasya ang kanilang sinasakyan. Nakita na
lamang nila ang kanilang sarili sa harapan ng pintuan ng langit. Sabi
ni San Pedro: "Pamilya Dimagiba… pasok sa loob!" Nang s’ya na ang
papasok ay hinarang sya ni San Pedro. "Oooops… san ang punta mo?"
"Sa loob! Kasama ng pamilya ko!" Sagot n’ya. Sabi ni San Pedro"
"Hmmmp… ang misis at anak mo na lang!" Marahil isang kwento lamang ngunit kapupulutan ng mahalagang aral: Walang oras ang Diyos para sa mga taong walang oras sa kanya!
Marami tayong ginagawa araw-araw. Kinakailangan nating magtrabaho para
kumita. Kinakailangan nating mag-aral. Kinakailangan nating gawin ang
mga gawain sa bahay. Ngunit hindi naman tayo parang mga makina sa
pabrika na 24 na oras kung magtrabaho. Hindi naman tayo katulad ng
7-11 store na walang pahinga. Kailangan din nating pahingahin ang
katawan… ang pag-iisip ang kaluluwa. Mahalaga ba ang Diyos sa akin? Kung oo ang ating sagot ay isa lang anga dapat gawin… maglaan ng panahon para sa Kanya.
Ito ang pagkakamali ni Marta. Mahal pareho ng magkapatid si Jesus.
Ngunit nakalimutan ni Marta ang maglaan ng sandali upang makinig sa
Panginon. Sa ating buhay, marami tayong ginagawa. Hindi tayo
mauubusan ng dapat gawin. Huwag sana nating ipagpalit ang ilang
sandali na dapat ay para sa Diyos. Sa loob ng isang araw ay may 24 na
oras. Sa isang Linggo ay 168. Ang sabi ng Diyos kunin mo na ang 167 at
yung isa… ibigay mo naman sa akin. Ang "suwapang" mo naman kung di
mo ito maibigay sa Kanya! Baka magulat na lang tayo at marinig din sa
Kanya" "Hmmmp…! Sila na lang!"