KATOLIKO… katok na liko pa! : Reflection for the 20th Sunday in Ordinary Time Year C - August 19, 2007

Madali ba ang maging Kristiyano? Sabi ng isang text na natanggap ko: "Ang edukasyon ang pintuan ng tagumpay… ang pangongopya ang susi!"
Para sa maraming estudyante, ang pangongopya ay isang natural na bagay
na at kung di mo gagawin ay o.p. ka sa kanila! Napakahirap magpakatotoo
bilang isang Kristiyano kung napapalibutan ka ng mga taong hindi na
malaman ang pagkakaiba ng tama sa mali. Ngunit ito naman talaga ang
tadhana ng buhay na nakalaan kay Kristo… ang maging tanda ng
kontradiksiyon! Kaya nga tama si Jesus sa ating Ebanghelyo ngayong
Linggo. Ang kanyang pagdating ay magdudulot ng pagkakahati-hati.
Pagkakahati-hati ng mabubuti sa masasama… ng tama sa mali… ng
baluktot sa diretso… Saan ka papanig bilang isang Kristiyano?
Minsan may lumapit sa aking isang estudyante, "Fadz, di ko alam ang
gagawin ko… ngayong nais ko ng magbago ay parang lalong sumasama ang
pagtingin sa akin ng mga barkada ko. Tinatawag akong bakla, duwag,
traydor… di marunong makisama." Ang sabi ko sa kanya, "Ganyan
talaga ang pagiging isang mabuting Kristiyano… maraming hindi
makakaintindi sa iyo. Pero ‘wag kang mawawalan ng pag-asa. Sa
kaloob-looban ay alam ng mga kabarkada mong tama ka at mali sila…
hindi lang nila matanggap ang pagpili mo sa tama." Siguro, ito nga ang ibig sabihin ng pagiging "Katoliko". May KATOK na… LIKO pa!" Ok lang yun! Sabi nga ni San Pablo: "We are fools for Christ’s sake!" Ok lang na maging katok at liko basta para kay Kristo!