PRAKTIKAL NA PANANAMPALATAYA: Reflection for the 19th Sunday in Ordinary Time Year C - August 12, 2007

"Panginoon… iligatas mo ako! Sumasampalataya ako sa ‘yo!" Sigaw ng
isang lalaki sa itaas ng bubong ng kanilang bahay sa kasagsagan ng
bagyong Dodong. Dumaan ang isang bangkang padala ng Red Cross.
Tumanggi lamang ang lalaki at sinabing: "Mauna na kayo, ang Panginoon
ang magliligtas sa akin." Dumaan din ang isang "amphibian" ng PNP.
Pinasasakay siya ngunit umiling lamang at sinabing: "Iba na lang ang
inyong isakay. Hindi ako pababayaan ng Panginoon." Sa wakas ay
dumating ang isang helicopter na padala ng AFP. Ayaw pa rin ng
matandang sumakay. "Malakas ang pananampalataya kong hindi ako
pababayaan ng Panginoon kaya yumao na kayo!" Para matapos na ang
kwento, namatay ang matanda at ng humarap na sa Panginoon ay hindi
naitago ang kanyang pagkadismaya. "Panginoon, bakit mo ako pinabayaan?
Malakas naman ang pananampalataya ko sa ‘yo?" Sagot ng Panginoon,
"Anung pinabayaan kita? Tatlong beses akong nagpadala ng tulong sa ‘yo
pero tinanggihan mong lahat! Kung naging praktikal lang sana ang pananampalataya mo…" Kailan natin masasabing praktikal ang isang pananampalataya? Alam natin ang kahulugan nito: paniniwala… pagtitiwala. Pero kalimitan ay nakakaligtaan natin ang ikatlong katangian ng praktikal na pananampalataya at ito ay ang… pagsunod! Kaya nga’t madalas ay nakakakita tayo ng mga "doble-karang Kristiyano", magaling sa salita ngunit kulang naman sa gawa. Saulado ang kapitulo at bersikulo ng Bibliya ngunit hindi naman isinasabuhay ito… Ano ba ang nais ng Diyos sa atin? Simple lang… isabuhay mo ang pinaniniwalaan mo! Maging tulad tayo ng aliping laging handang naghihintay sa pagdating ng Panginoon. Hindi patulog-tulog, tamad, walang ginagawa, nagsasamantala sa kapwa. Ipakita natin ang isang pananampalatayang buhay! Pananampalatayang hindi lamang laman ng mga isinaulong panalangin o kaalaman sa katesismo, ngunit isang pananampalatayang nakikita sa ating pagsaksi bilang mga tagasunod ni Kristo. Huwang lang nating ipangaral ang pag-ibig, pagpapatawad, pagtulong sa mahihirap… isagawa natin ito… Tandaan natin na sa ating pinagkalooban nito ay mas higit ang inaasahan sa atin ng Panginoon. Buhay ba ang pananampalataya mo?