PROYOUTH 1

Gospel Reflections for Young People and the Young at Heart

Archive for September, 2007


PAKIALAMERO! : Reflection for 26th Sunday in Ordinary Time Year C - September 30, 2007

Per1023
"Non tocca a me!"
Di ko alam kung tama ang italian ko pero isa ito sa mga nadikit sa isip ko nung ako ay nasa novitiate o antas ng paghahanda upang maging isang Salesiano.  Ang tawag namin dito ay "Salesian Blasphemy" kaya pilit na ipinasaulo sa amin ng aming Novice Master! Ang ibig sabihin: "It’s none of my businness!"  Sa Tagalog mas direkta… "Wala akong pakialam!"  Madalas nating marining ang mga salitang ito kapag may pinupuna tayo sa ibang tao.  "Pakialam mo!" ang isasabad nila upang pagtakpan na ang kanilang pagkakamali.  Totoo, dapat nating respituhin ang "privacy" ng ating kapwa.  May mga bagay na hindi natin dapat panghimasukan.  Ngunit kung ang nakasalalay ay ang ikasasama nila at naroroon lamang tayong nakatayo na walang ginagawa eh may malaki tayong pagkukulang.  Kalimitan sa kumpisal ang sinasabi natin ay mga nagawang kasalanan o "sins of commission".  Ngunit kung ating iisipin, may mga kasalana din na ang tawag ay "sins of omission", mga kabutihan na dapat ay nagawa natin ngunit hindi natin ginawa.  Dito natin makikita ang pagkakamali ng mayaman sa talinhaga ng ating Ebanghelyo.  Marahil, mabuti siyang tao: Hindi nagnanakaw. Hindi nangangalunya. Hindi naninira ng kapwa.  Pero meron sya’ng nakaligtaan… yung taong nasa labas lang ng kanyang pinto na namamatay sa gutom.  Maaari n’yang ibsan ang paghihirap ni Lazaro ngunit mas pinili n’ya ang "wag makialam."  Sayang! Nakagawa sana s’ya ng mabuti!  Sa kahuli-hulihan ay nabaliktad ang kanilang kapalaran pagdating sa kabilang buhay.  Nabulid ang mayaman sa "apoy ng kapahamakan."  Magsilbi sana itong babala sa ating lahat!  Maging pakialemero tayo sa ating kapwa kapag ang nakasalalay ay ang kanilang kapakanan. Sapagkat ang Diyos mismo ay nakialam sa ating kalagayan noong siya ay nagkatawang-tao upang iligtas tayo sa kasalanan. Tayo ay magkakapatid sa pananampalataya.  Ang kabutihan ng isa ay kabutihan ng lahat at ang kapahamakan ng isa ay kapahamakan ng lahat.  Ang tunay na Kristiyano ay PAKIALAMERO!

KRISTIYANONG SWITIK : Reflection for 25th Sunday in Ordinary Time Year C - September 23, 2007

Cat1022
Isang lalaki ang pumasok ng simbahan at nagdasal kay Santiago Apostol.
"Poong Santiago, bigyan mo ako ng isang malaking kabayo at ipagbibili
ko.  Ang pagkakakitaan ay paghahatian natin ng pantay. Kalahati sa ‘yo
at kalahati sa simbahan.  Laking pagkagulat niya ng pag-uwi niya sa
bahay ay nakakita siya ng malaking kabayo sa harap ng kanyang bahay.
Nilapitan niya ito at sinakyan at kataka-takang hindi ito umalma. "Ito
na nga ang kabayong kaloob ni poong Santiago!"  Kayat dali-dali niya
itong dinala sa palengke.  Sa daan ay nakakita siya ng isang manok na
pilay.  Hinuli n’ya ito upang ipagbili.  Pagdating sa palengke ay
nilagyan niya ng presyo ang kanyang mga paninda.  Ang lahat ng nakakita
ay tumatawa.  Nakasulat:  Manok = 100,000 pesos,  Kabayo = 20 pesos.
Pero may pahabol na PS.  Puwede lang bilhin ang kabayo kung bibilhin
din ang manok!  Isang mayaman ang nagkainteres sa kabayo kaya’t
naplitan din itong bilhin ang manok.  Dali-daling bumalik sa simbahan
ang lalaki.  Dumukot sa kanyang wallet ng pera at sabay sabing: "Poong
Santiago… na ang parte mo!"  At naglabas siya ng 10 piso at inilaglag
sa collection box!
May tawag sa ganitong uri ng tao… SWITIK!
Magaling dumiskarte! Matalino! Tuso!  Ganito rin ang kwento ni Hesus sa
talinhaga.  Ngunit wag tayong magkakamali.  Hindi pandaraya ang
itinuturo ni Hesus sa ebanghelyo.  Ang nais niya lang sabihin ay dapat
tayo rin bilang mga Kristiyano ay matalino pag dating sa mga
espirituwal na gawain. 
Kung kaya nating mag-aksaya ng oras sa gimik at galaan, sa computer at pagtetext, sa harapan ng tv o sinehan, dapat kaya rin nating maglaan ng oras para sa pagdarasal, pagbabasa ng Biblia, pagsisimba…  Sana ang pagkaswitik natin ay itaas natin sa "next level!"  Habang may panahon pa tayo ay umiwas tayo sa mga gawaing masama at pairalin ang paggawa ng mabuti. Gamitin ang ating angking galing at talino upang maging mga tunay na "switik" na tagasunod ni Kristo!  Carry mo?

ANG SIRANG-TULAY : Reflection for 24th Sunday in Ordinary Time Year C - September 16, 2007

Cat1025_4
Ang "Bario Sirang-Tulay" ay kilala sa isang tulay na sira na iyong
daraanan bago ka makarating sa lugar na yon.  Kilala rin ito sa
"kasalanang" palasak o karaniwan ng ginagawa ng mga tao sa lugar na
yon… ang pangangalunya o adultery.  Sa kumpisalan, karaniwan ng
maririnig ang "Padre, ako ko ay may number 2.  Padre ako po ay may
kerida, Padre ako po ay nagtaksil sa aking asawa…"  Kaya’t minsan
nasabi ng pari sa mga tao: "Mga minamahal kong parokyano, kung ang
kasalanan n’yo ay pagtataksil sa inyong asawa sabihin n’yo na lang na
kayo ay nalaglag sa tulay. Magkakaintindihan na tayo!"  Sa kasamaang
palad ay agad napalitan ang pari.  Ang bagong paring pumalit na
ganadong-ganado ay agad nagpakumpisal.  Ang kanyang narinig: "Padre,
patawad po… ako po ay nalaglag sa tulay."  Laking gulat ng pari.
Halos lahat ng nagkumpisal ay nalaglag sa tulay.  Lalo na ng
magkumpisal ay ang asawa ng Mayor.  Nalaglag din sa tulay… dalawang
beses pa!  Hindi na n’ya ito matiis kaya’t nagpunta sa munisipyo upang
magreklamo sa Mayor na kasalukuyang nagpapameeting sa kanyang konseho.
Banat ni Father: "Mayor, wala na ba tayong magagawa sa ating tulay?
Aba… marami nang nalaglag!" Nagtawanan ang lahat pati na si mayor.
Pagalit na sigaw ng pari: "Aba, mayor, ang asawa n’yo… dalawang beses
nalaglag sa tulay!"  Namutla ang kawawang mayor…
  Ang bad news:
Marami tayong tulay na kinalalaglagan, tulay ng pagkamakasarili,
pagkagahaman sa materyal na bagay, mga masasamang bisyo, pandaraya,
kawalang karatarungan… ng kasalanan.  Ang goodnews:  May Diyos tayo na laging handang sumagip sa atin sa pagkalaglag. Ang sabi nga ng mga Pariseo kay Jesus: "This man welcomes sinners and eats with them!"
Ang Diyos ay nagkatawang-tao upang ibalik ang naputol na ugnayan natin sa Kanya.  Siya ay nag-alay ng Kanyang buhay sa krus ipang iligtas  tayo sa ating mga kasalanan.  Kaya magalak ka kapatid kung ikaw ay isang makasalanan… Welcome ka
kay Lord!  Hindi lang yon… kasalo ka pa n’ya sa hapag kainan! (Sa
bibliya ito ay tumutukoy sa kaharian ng Diyos.)  Kaya next time na
daraan ka sa sirang-tulay ay isipin mong may Diyos na nagmamahal sa ‘yo… handang magpatawad sa ‘yo…

FORESIGHT O POORSIGHT? : Reflection for 23rd Sunday in Ordinary Time Year C - Sept. 9, 2007

Cat1126
Nangyari na ba sa ‘yo ang pumunta ka ng Mall para manood lang ng sine pero paglabas mo ay ang dami mo ng bitbit?  Me bago ka ng rubber shoes, bagong damit, gadgets, vanity kit, etc…  Ang tawag namin d’yan kapag nagmamalling ay "creating needs!"  Kung minsan ay di naman kailangan pero ang laging bukang bibig kapag may natipuhang bilhin ay: "Kelangan ko n’yan!"  Kaya napakahalagang sa buhay ay "focus" tayo sa ating gagawin.  Dapat "foresight" at hindi "poorsight" ang ating pina-iiral!  Tingnan mo ang mga ginagawang kalye.  Kung minsan magugulat ka.  Kakaespalto lang last year, ngayon binubungkal na naman!  Ang Avenida na pinaggastusan ng napakalaki sa paglalagay ng tiles sa daan… binaklas! Para "daw" lumuwag ang traffic.  Bakit hindi naisip yun bago pa gawin ito?  Mahalaga rin sa ating buhay ang magkaroon ng "foresight." Maliwanag ang aral ng talinhaga sa Ebanghelyo, magplano ng mabuti bago sumuong sa mahalagang gawain! May plano rin ba ako sa aking buhay-Kristiyano? O baka naman masyado akong "focus" sa buhay-makamundo at wala na akong oras para magdasal, magbasa ng Bibliya, tumulong sa kapwa, etc…  Dapat pinag-iisipan din yan kung talagang mahalaga sa ating ang pagiging Kristiyano!  May "foresight" ka ba?  Baka naman "poorsight" ang meron ka? 

KAYABANGAN : Reflection for the 22nd Sunday in Ordinary Time, Year C - September 2, 2007

Cat1029_1
Isang turistang hapon ang umarkila ng taxi at nagpalibot sa Metro Manila.  Dinala siya ng driver sa gawing Shaw Boulevard at idinaan sa Shangrila. "This building is big! How long did you build this buidling?"  "More or less one year!"  Sabi ng driver. "One year? Too slow! In Japan, 6 months… very, very fast!" Payabang na sagot ng hapon."  Dumaan naman sila sa Mega Mall at sabat uli ng hapon: : "Ah… this building is very big!  How long did you take to build it?"  "5 months!" sabi ng tsuper.  "5 months??? very slow!  In Japan, only 3 months… very, very fast!"  Payabang na sabi ng hapon.  Medyo napikon na ang driver kaya idiniretso niya sa Pasay… sa Mall of Asia.  "Wow! This building is very, very big!  How long did you build it?"  Payabang na sagot ng driver: "Only 2 months!"  Sigaw ang hapon: "2 months??? Very slow… in Japan only 1 month… very, very fast!"  Napahiya na naman ang Pilipino.  Natapos din ang paglilibot at ng bayaran na ay sinabi ng driver. "Ok Mr. Japanese, pay me 10 thousand pesos!"  Sagot ang hapon: "10 thousand? Very expensive!"  Sagot ang driver: "Look sir… my taxi meter… made in Japan… very, very fast!" hehehe…
nakaganti rin!  Nakakaasar ang mga taong mayayabang!  Ang sarap nilang yakapin… yakapin ng mahigpit hanggang mamatay! hehe.  Marahil, isang katangian na dapat nating matutunan bilang mga Kristiyano ay ang "kababaang-loob."  Malinaw ang tagubilin ni Sirac: “Ang bagay na lubhang mataas ay huwag
hanapin…"  Sa ebanghelyo ay malinaw na sinabi ng Panginoon na ang "nagpapakataas ay ibababa at ang nagpapakababa ay itataas."  Ang kababaang-loob ang nagsasabi sa ating ang lahat ng ating kakayahan ay galing sa pagpapala ng Diyos  kaya wala tayong maipagmamalaki. Hindi ito ganang atin kaya hindi dapat natin ipagkait sa ating kapwa. Ang kadakilaan sa mata ng mundo ay hindi kailanman tugma sa pagtingin ng isang Kristiyano.  Hindi kung anung meron tayo ang siyang nagpapadakila sa atin.  Ang tunay na kadakilaan ay nasusukat sa kababang-loob… sa paglilingkod.  Kailan ako huling tumulong sa isang kapwang nangangailangan?  Baka naman puno ako ng kayabangan, kasakiman at pagiging makasarili. Suriin natin ang ating mga sarili…