KRISTIYANONG SWITIK : Reflection for 25th Sunday in Ordinary Time Year C - September 23, 2007

Isang lalaki ang pumasok ng simbahan at nagdasal kay Santiago Apostol.
"Poong Santiago, bigyan mo ako ng isang malaking kabayo at ipagbibili
ko. Ang pagkakakitaan ay paghahatian natin ng pantay. Kalahati sa ‘yo
at kalahati sa simbahan. Laking pagkagulat niya ng pag-uwi niya sa
bahay ay nakakita siya ng malaking kabayo sa harap ng kanyang bahay.
Nilapitan niya ito at sinakyan at kataka-takang hindi ito umalma. "Ito
na nga ang kabayong kaloob ni poong Santiago!" Kayat dali-dali niya
itong dinala sa palengke. Sa daan ay nakakita siya ng isang manok na
pilay. Hinuli n’ya ito upang ipagbili. Pagdating sa palengke ay
nilagyan niya ng presyo ang kanyang mga paninda. Ang lahat ng nakakita
ay tumatawa. Nakasulat: Manok = 100,000 pesos, Kabayo = 20 pesos.
Pero may pahabol na PS. Puwede lang bilhin ang kabayo kung bibilhin
din ang manok! Isang mayaman ang nagkainteres sa kabayo kaya’t
naplitan din itong bilhin ang manok. Dali-daling bumalik sa simbahan
ang lalaki. Dumukot sa kanyang wallet ng pera at sabay sabing: "Poong
Santiago… na ang parte mo!" At naglabas siya ng 10 piso at inilaglag
sa collection box! May tawag sa ganitong uri ng tao… SWITIK!
Magaling dumiskarte! Matalino! Tuso! Ganito rin ang kwento ni Hesus sa
talinhaga. Ngunit wag tayong magkakamali. Hindi pandaraya ang
itinuturo ni Hesus sa ebanghelyo. Ang nais niya lang sabihin ay dapat
tayo rin bilang mga Kristiyano ay matalino pag dating sa mga
espirituwal na gawain. Kung kaya nating mag-aksaya ng oras sa gimik at galaan, sa computer at pagtetext, sa harapan ng tv o sinehan, dapat kaya rin nating maglaan ng oras para sa pagdarasal, pagbabasa ng Biblia, pagsisimba… Sana ang pagkaswitik natin ay itaas natin sa "next level!" Habang may panahon pa tayo ay umiwas tayo sa mga gawaing masama at pairalin ang paggawa ng mabuti. Gamitin ang ating angking galing at talino upang maging mga tunay na "switik" na tagasunod ni Kristo! Carry mo?