PROYOUTH 1

Gospel Reflections for Young People and the Young at Heart

Archive for October, 2007


STAND TALL… ‘TOL! : Reflection for the 31st Sunday in Oridinary Time Year C - November 4, 2007

Bib1083
"Sa hirap ng buhay ngayon… pandak lang ang hindi tumataas!"  Totoo
nga naman.  Mapa-kuryente, tubig, upa sa bahay, tuition fee sa eskwela,
pamasahe sa sasakyan… halos lahat ata tumataas - pandak lang ang
napag-iiwanan!  Minsan,
tinanong si Dagul: "Dagul… bakit ka pandak?"  Sagot si Dagul: "Kasi,
naulila ako ng maaga."  Sagot sa kanya: "Teka… anung koneksyon nung
pagiging ulila mo sa pagiging pandak mo?"  Sagot ni Dagul: "Tanga ka
ba?  Ulila nga ako kaya WALANG NAGPALAKI SA AKIN!" 
Talagang
kawawa ang mga taong pandak… karamihan sa kanila ay "walang
nagpapalaki."  Sa katunayan, mas lalo pa nga silang "pinapaliit"  ng
lipunan.  Ito ang sitwasyon ni  Zacheo  sa Ebanghelyo: maliit na
s’ya… minamaliit pa siya ng kanyang mga kababayan. Marahil dahil na
rin sa kanyang trabaho na taga-kolekta ng buwis.  Isang traidor sa
kanilang bayan ang turing sa kanya sapagkat kinukuhaan n’ya ng pera ang
kanyang mga kababayan upang ibigay lamang sa mga dayuhan (mga Romano)
na sumakop sa kanila.  Kasama na rin siguro ang maraming "kickbacks" sa
kanyang mga nakolekta.  Dahil dito sinadya ng mga taong hindi
pasingitin si Zacheo sa kanilang hanay.  Echepwera s’ya sa kanila! Mas
lalong naging pandak sapagkat walang nais tumanggap sa kanya… walang
"nagpapalaki."  Ngunit nagbago ang lahat ng matagpuan s’ya ni Hesus.
Take note:  Si Hesus ang nakakita sa kanyang nasaa itaas ng puno.
Laking tuwa ni Zacheo ng sabihin ni Hesus na tutuloy s’ya sa Kanyang
bahay.  At iyon na ang naging simula ng kanyang pagbabagong buhay.  Ang
dating pandak ay tumangkad! Naging mataas, siguro hindi sa pagtinging
ng tao… ngunit sa paningin ng Diyos.  Tayo rin ay maypagkapandak kung atin lamang susuriin ang ating sarili.  Mabuti na lang ay may Diyos na laging handang tumanggap sa atin at palakihin tayo sa Kanyang paningin. Anuman ang ating mga nagawang pagkakamali at pagkukulang ay wag sana tayong masiraan ng loob… may Diyos na nagmamahal sa atin at nakakaunawa sa ating kahinaan. Kaya’t magsumikap tayo na umahon sa ating "pagkapandak".  Malaki tayo sa mata ng Diyos dahil mahal Niya tayo! Kaya nga mula ngayon… "stand tall… ‘tol!"

 

THE DOCTOR IS UP! : Pagninilay para sa Kapistahan ng Lahat ng mga Banal - November 1, 2007

Cat1001_1
Isang matandang duktor na nagretiro na sa kanyang propesyon at nag-iisa
na sa kanyang buhay ang nagdesisyong gugulin ang nalalabing taon ng
kanyang buhay upang pagsilbihan ang mga mahihirap.  Nagpunta siya sa
isang liblib na pook na kung saan ay walang nakakakilala sa kanya.
Naghanap s’ya ng lugar na maari n’yang gawing klinika ngunit sa
kahirapan ng lugar ay isang maliit na kwarto lamang na nsa itaas pa ng
isang apartment ang kanyang nakuha.  Dahil nasa itaas, ang nakasulat sa
ibaba ng bahay ay "The doctor is up!"
sa halip na "the doctor is in."  Di naglaon ay marami ng dumalaw sa
klinika at lahat ng bumababa sa apartment ay masaya at nakangiti
sapagkat hindi sumisingil ang duktor ng bayad at nagbibigay pa ng
libreng gamot.  Sa kasamaang palad ay hindi tumagal ang buhay ng
duktor. Ang mas masama pa ay wala ni isa sa kanyang mga natulungan ang
nakakilala sa kanya.  Kaya’t sila-sila na lamang ang gumawa ng paraan
upang mabigyan ng magandang libing ang mabuting duktor.  May nagbigay
ng lupa, ataol, bulaklak… ngunit may isang problema ng ililibing na
s’ya: Ano ang ilalagay nila sa lapida ng duktor?  May isang nakaisip ng
paraan.  Bumalik s’ya sa klinika, kinuha ang sign board sa labas ng
bahay at inilagay sa lapida.  Ang lahat ng dumadaan sa sementeryo ay
napapangiti kapag nababasa ang nakasulat: "The doctor is up!"

Tunay ngang nasa itaas ang duktor dahil sa kanyang kabutihan.  Katulad
ng duktor na di kilala at walang pangalan ay ipinagdiriwang din natin
ang maraming santo at santa na nasa "itaas" na ngunit marahil ay hindi
kilala. Hindi natin matatagpuan sa "official list" ng mga banal ang
kanilang mga pangalan ngunit alam natin na ang kanilang mabuting
pamumuhay ang nagsisiguro na naroon na sila sa kalangitan at nagdarasal
para sa atin.
Hingin natin ang kanilang pamamagitan.  Magdasal tayo
sa kanila na sana tayo rin ay mabilang isang araw sa kanilang hanay.
Sapagkat ito naman talaga ang ating "bokasyon" o pagtawag sapul pa ng ating pagsilang… ang magpakabanal!  Sana ay masabitan din tayo ng karatulang katulad ng nasa duktor: " (pangalan mo) is up!" 

MAYKAPAL HINDI MAKAPAL! : Reflection for 30th Sunday in Ordinary Time Year C - October 28, 2007

Cat1129
Lahat ba ng panalangin ay kinalulugdan ng Diyos?  Ang sagot ay hindi!  Ang panalangin ng MAKAKAPAL ay walang puwang sa MAYKAPAL!  Minsan
may taong nagdarasal na palaging ibinibida ang kanyang sarili. Ganito
parati ang laman ng kanyang  panalangin:  "Panginoon, maraming salamat
po at ginawa mo akong mabuting Kristiyano hindi katulad ng iba d’yan na
maraming bisyo at hindi nagsisimba…"  Laking gulat n’ya ng sumagot
ang Diyos: "Mapalad ka anak… mapalad ka!"  "Anung ibig mong sabihin
Panginoon?"  Sagot ng mahiwagang tinig: "Mapalad ka at nakapako ang mga
paa ko, kung hindi ay tinadyakan na kita!"
hehehe… Kuwento lang
naman ngunit may laman  ang sinasabi.  Inis ang Diyos sa panalangin ng
mga palalo at mayayabang.  Sapagkat ang  panalangin ng mga palalo ay
hindi kumikilala sa kapangyarihan at kabutihan ng Diyos.  Hindi bida
ang Diyos sa kanilang panalangin bagkus ang sarili ang itinataas! Ang pagpapakumbaba ay mahalagang kundisyon sa tunay na pagdarasal.  Tanging
ang mga taong katulad ng publikano sa talinhaga, na handang umamin ng
kanyang pagkakamali ang kinalulugdan ng Diyos sa kanilang panalangin.
Ang mapagpakumbabang panalangin ay nagpapakita ng ating pangangailangan
sa awa ng Diyos at nagpapahayg ng Kanyang kapangyarihan at kabutihan.
Paano ka ba magdasal?  Bawal ang makapal sa Maykapal!

MAKULIT KA BA? : Reflection for 29th Sunday in Ordinary Time Year C - October 21, 2007

Cat1024
May kuwento ng isang bata na gumawa ng sulat sa Diyos na humihingi ng pera upang ipambili ng gamot para sa kanyang nanay na may sakit.  "Dear Papa God,  sana naman po ay bigyan ninyo ako ng limandaang piso upang may pambili ako ng gamot sa aking nanay na maysakit… ang iyong mabait na anak, Nene."  Nilagay niya ito sa isang letter envelope at isinulat ang address na pagdadalhan: "To Papa God, Heaven…" , nilagyan ng selyo at ipinadala sa Post Office.  Nang makita ito ng mga trabahador ng Post Office ay kanilang tinawanan at minarkahan lamang ng "Return to Sender".  Hindi nasiraan ng loob ang bata. Muli niya itong ipinadala.  Muli rin itong ibinalik.  Ipinadala uli.  Ibinalik uli.  Hanggang sa nainis na ang mga taga Post Office at binuksan na ang sulat.  Nang mabasa nila ito ay napaluha sila… Agad-agad naglabas sila ng cash mula sa kanilang mga wallet.  May nagbigay ng 50, 20, 10… at umabot ang halaga sa 450 pesos.  Di man nakumpleto ay nagdesisyon silang ipadala na lang ito sa address ng bata na nakalagay ang salitang from "Papa God…"  Laking tuwa at gulat ng bata ng matanggap ang sulat na naglalaman ng  450 pesos.  Kaya’t  kumuha uli siya ng papel at gumawa ulit ng sulat na ipinadala n’ya agad sa Post Office.  Binasa ito ng mga taga-roon. Ganito ang nilalaman ng sulat: "Dear Papa God, thank you sa ibinigay mong pera para sa aking nanay na may sakit. Pero sana next time, wag mo ng padaanin sa Post Office… nagkulang tuloy ng singkwenta pesos!"
Kahanga-hanga ang bata sa kanyang pagtitiyaga!  Katulad din ng babaeng balo sa ating Ebanghelyo.  Ang Diyos ay laging handang magkaloob sa ating mga kahilingan kung tayo ay matiyaga sa ating panalangin.  Gaano ka ba kadalas magdasal?  Kung minsan ang Diyos ay nagtatagal sa pagsagot sa ating panalangin upang tingnan kung tayo ba ay may tiyaga.  Ang bisa ng panalangin ay nasa ating pagtitiyaga.  Nais ng Diyos na kinukulit natin Siya! Kakaiba sa atin na inis sa mga taong makukulit. Ngunit nasa kakulitan ang bisa ng ating panalangin…  Tulad ng isang bata na kinukulit ang kanyang nanay upang ibili siya ng laruan, ganun din dapat ang ating pagdarasal sa Diyos.  Sapagakat alam na naman ng Diyos ang ating pangangailan bago pa natin ito hingin sa kanya.  Ang gusto Niya lang makita ay kung may tiyaga ba tayo sa paghingi natin ng mga ito sa Kanya.  Kaya… wag lang tayong nagdasal.  Bagkus, magdasal tayo ng palagian!

PAGPAPASALAMAT: Reflection for 28th Sunday in Ordinary Time Year C - October 14, 2007

Bib1028
May isang lumang kwento na  minsan sa langit daw ay may naligaw na kaluluwa.  Naglibot siya at nakita n’ya ang tatlong malalaking bodega na kung saan ay maraming anghel na abalang-abala.  Pinasok n’ya ang unang bodega na punong-puno ng anghel na super busy na nakaharap sa kanilang mga computers.  "Ano ang tawag sa lugar na ito?" Tanong ng kaluluwa sa isang anghel. "Ah, ito ang receiving section… dito kasi pumapasok ang lahat ng kahilingan ng mga tao sa lupa."  Lumipat naman siya sa kabilang bodega at nakita niya ang mas marami pang bilang ng mga anghel na  abalang-abalang nagbabalot ng mga regalo.  "Ano naman ang tawag sa lugar na ito?" Tanong muli ng kaluluwa.  "Ah… ito ang tinatawag naming packaging section, dito kasi inihahanda yung mga kahilingang ibibigay sa mga tao."  Sagot ng anghel.  Lumipat siya sa pangatlong bodega.  Laking gulat niya sapagkat napakatahimik ng lugar.  Isang anghel lang ang nakita niya at ito ay nanood pa ng TV.  Anong palabas? Tama: "Marimar!"  "E anong tawag naman dito sa lugar mo?"  tanong ng kaluluwa.  Sagot ang anghel: "Ito ang acknowledging section, dito dapat bumabalik ang mga kahilingang nabigyang tugon mula sa lupa… pero nakakalungkot.  Kakaunti ang nagbibigay ng kanilang "Thank You!"
Katulad ng kuwento sa Ebanghelyo, nakakalungkot na mula sa sampung ketonging pinagaling ni Hesus, ay iisa lamang ang naglakas-loob na magpalasalamat!  Bakit nga ganoon tayong mga tao? Kay bilis nating makalimot!  Ang Diyos, kung magpadala sa atin ng biyaya ay "siksik, liglig, at nag-uumapaw,"  ngunit bakit kung minsan ay nakakalimot tayong magpasalamat?  "Gratitude is the language of the heart" sabi nga sa Ingles.  Mamaya, bago ka matulog, bilangin mo ang mga biyaya mo… magpasalamat ka sa kanya.  Walang mawawala sa ‘yo, bagkos magkakamit ka pa ng kaluguran sa Kanya! 

BALIMBING : Reflection for 27th Sunday in Ordinary Time Year C - October 7, 2007

Cat1001_2
Isang muslim, buddhist monk, at paring katoliko ang nagpaligsahan kung sino sa kanila ang may mas malakas na Diyos.  Umakyat sila sa isang mataas na tore at nagkasundong mapagpatihulog at tumawag sa kanyang Diyos.  Ang Diyos na dirinig sa kanilang pagtawag ang tatanghaling "malakas" na Diyos.  Naunang tumalon ang mongha. Habang nahuhulog ay sumigaw siya ng "Buddha… tulungan mo ako!"  Lumagpak siya na parang sako ng bigas sa sahig!  Sumunod namang tumalon ang Muslim at sumigaw  "Allah… tulungan mo ako!"  Laking pagkagulat niya nang bigla siyang lumutang at bumagsak na parang bulak sa lupa.  Ngayon naman ay ang pari.  Tumalon siya at puno ng kumpiyansang sinabing: "Panginoong Hesus tulungan mo ako!"  Walang nangyayari! Bumilis ng bumilis ang kanyang pagbulusok paibaba.  Nang malapit na siya sa lupa ay bigla niyang naibulalas: "Allah… Allah iligtas mo ako!"
Me tawag sa ganitong uri ng tao: balimbing!  Marami sa atin ang "balimbing sa pananampalataya."  Panay "praise the Lord" kapag lubos-lubos ang pagpapala, ngunit kapag nakakaranas na ng kahirapan ay "goodbye Lord" na!  Kaya nga ang panalangin ng mga alagad ay atin ding panalangin: "Lord, increase our faith!" Kailangan natin ng mas malakas na pananampalataya upang sabihing "kung wala ang Grasya ng Diyos… wala rin tayo!" Madalas sinasabi nating "bahala na!" kapag hindi tayo sigurado sa ating desisyon o pagkilos.  Sana ang pakahulugan natin ay "Bathala na!" - Siya na ang bahala sa atin! Ipagpasa-Diyos natin ang hinaharap ngunit kumilos tayo sa kasalukuyan. Sabi nga ng ating kasabihang gasgas na sa pandinig: "Nasa Diyos ang awa, nasa tao ang gawa!"