MAYKAPAL HINDI MAKAPAL! : Reflection for 30th Sunday in Ordinary Time Year C - October 28, 2007

Lahat ba ng panalangin ay kinalulugdan ng Diyos? Ang sagot ay hindi! Ang panalangin ng MAKAKAPAL ay walang puwang sa MAYKAPAL! Minsan
may taong nagdarasal na palaging ibinibida ang kanyang sarili. Ganito
parati ang laman ng kanyang panalangin: "Panginoon, maraming salamat
po at ginawa mo akong mabuting Kristiyano hindi katulad ng iba d’yan na
maraming bisyo at hindi nagsisimba…" Laking gulat n’ya ng sumagot
ang Diyos: "Mapalad ka anak… mapalad ka!" "Anung ibig mong sabihin
Panginoon?" Sagot ng mahiwagang tinig: "Mapalad ka at nakapako ang mga
paa ko, kung hindi ay tinadyakan na kita!" hehehe… Kuwento lang
naman ngunit may laman ang sinasabi. Inis ang Diyos sa panalangin ng
mga palalo at mayayabang. Sapagkat ang panalangin ng mga palalo ay
hindi kumikilala sa kapangyarihan at kabutihan ng Diyos. Hindi bida
ang Diyos sa kanilang panalangin bagkus ang sarili ang itinataas! Ang pagpapakumbaba ay mahalagang kundisyon sa tunay na pagdarasal. Tanging
ang mga taong katulad ng publikano sa talinhaga, na handang umamin ng
kanyang pagkakamali ang kinalulugdan ng Diyos sa kanilang panalangin.
Ang mapagpakumbabang panalangin ay nagpapakita ng ating pangangailangan
sa awa ng Diyos at nagpapahayg ng Kanyang kapangyarihan at kabutihan. Paano ka ba magdasal? Bawal ang makapal sa Maykapal!