STAND TALL… ‘TOL! : Reflection for the 31st Sunday in Oridinary Time Year C - November 4, 2007

"Sa hirap ng buhay ngayon… pandak lang ang hindi tumataas!" Totoo
nga naman. Mapa-kuryente, tubig, upa sa bahay, tuition fee sa eskwela,
pamasahe sa sasakyan… halos lahat ata tumataas - pandak lang ang
napag-iiwanan! Minsan,
tinanong si Dagul: "Dagul… bakit ka pandak?" Sagot si Dagul: "Kasi,
naulila ako ng maaga." Sagot sa kanya: "Teka… anung koneksyon nung
pagiging ulila mo sa pagiging pandak mo?" Sagot ni Dagul: "Tanga ka
ba? Ulila nga ako kaya WALANG NAGPALAKI SA AKIN!" Talagang
kawawa ang mga taong pandak… karamihan sa kanila ay "walang
nagpapalaki." Sa katunayan, mas lalo pa nga silang "pinapaliit" ng
lipunan. Ito ang sitwasyon ni Zacheo sa Ebanghelyo: maliit na
s’ya… minamaliit pa siya ng kanyang mga kababayan. Marahil dahil na
rin sa kanyang trabaho na taga-kolekta ng buwis. Isang traidor sa
kanilang bayan ang turing sa kanya sapagkat kinukuhaan n’ya ng pera ang
kanyang mga kababayan upang ibigay lamang sa mga dayuhan (mga Romano)
na sumakop sa kanila. Kasama na rin siguro ang maraming "kickbacks" sa
kanyang mga nakolekta. Dahil dito sinadya ng mga taong hindi
pasingitin si Zacheo sa kanilang hanay. Echepwera s’ya sa kanila! Mas
lalong naging pandak sapagkat walang nais tumanggap sa kanya… walang
"nagpapalaki." Ngunit nagbago ang lahat ng matagpuan s’ya ni Hesus.
Take note: Si Hesus ang nakakita sa kanyang nasaa itaas ng puno.
Laking tuwa ni Zacheo ng sabihin ni Hesus na tutuloy s’ya sa Kanyang
bahay. At iyon na ang naging simula ng kanyang pagbabagong buhay. Ang
dating pandak ay tumangkad! Naging mataas, siguro hindi sa pagtinging
ng tao… ngunit sa paningin ng Diyos. Tayo rin ay maypagkapandak kung atin lamang susuriin ang ating sarili. Mabuti na lang ay may Diyos na laging handang tumanggap sa atin at palakihin tayo sa Kanyang paningin. Anuman ang ating mga nagawang pagkakamali at pagkukulang ay wag sana tayong masiraan ng loob… may Diyos na nagmamahal sa atin at nakakaunawa sa ating kahinaan. Kaya’t magsumikap tayo na umahon sa ating "pagkapandak". Malaki tayo sa mata ng Diyos dahil mahal Niya tayo! Kaya nga mula ngayon… "stand tall… ‘tol!"
November 6th, 2007 at 12:26 pm
Thank you Father! I just read your ” Stand tall” reflection