THE DOCTOR IS UP! : Pagninilay para sa Kapistahan ng Lahat ng mga Banal - November 1, 2007

Isang matandang duktor na nagretiro na sa kanyang propesyon at nag-iisa
na sa kanyang buhay ang nagdesisyong gugulin ang nalalabing taon ng
kanyang buhay upang pagsilbihan ang mga mahihirap. Nagpunta siya sa
isang liblib na pook na kung saan ay walang nakakakilala sa kanya.
Naghanap s’ya ng lugar na maari n’yang gawing klinika ngunit sa
kahirapan ng lugar ay isang maliit na kwarto lamang na nsa itaas pa ng
isang apartment ang kanyang nakuha. Dahil nasa itaas, ang nakasulat sa
ibaba ng bahay ay "The doctor is up!"
sa halip na "the doctor is in." Di naglaon ay marami ng dumalaw sa
klinika at lahat ng bumababa sa apartment ay masaya at nakangiti
sapagkat hindi sumisingil ang duktor ng bayad at nagbibigay pa ng
libreng gamot. Sa kasamaang palad ay hindi tumagal ang buhay ng
duktor. Ang mas masama pa ay wala ni isa sa kanyang mga natulungan ang
nakakilala sa kanya. Kaya’t sila-sila na lamang ang gumawa ng paraan
upang mabigyan ng magandang libing ang mabuting duktor. May nagbigay
ng lupa, ataol, bulaklak… ngunit may isang problema ng ililibing na
s’ya: Ano ang ilalagay nila sa lapida ng duktor? May isang nakaisip ng
paraan. Bumalik s’ya sa klinika, kinuha ang sign board sa labas ng
bahay at inilagay sa lapida. Ang lahat ng dumadaan sa sementeryo ay
napapangiti kapag nababasa ang nakasulat: "The doctor is up!"
Tunay ngang nasa itaas ang duktor dahil sa kanyang kabutihan. Katulad
ng duktor na di kilala at walang pangalan ay ipinagdiriwang din natin
ang maraming santo at santa na nasa "itaas" na ngunit marahil ay hindi
kilala. Hindi natin matatagpuan sa "official list" ng mga banal ang
kanilang mga pangalan ngunit alam natin na ang kanilang mabuting
pamumuhay ang nagsisiguro na naroon na sila sa kalangitan at nagdarasal
para sa atin. Hingin natin ang kanilang pamamagitan. Magdasal tayo
sa kanila na sana tayo rin ay mabilang isang araw sa kanilang hanay.
Sapagkat ito naman talaga ang ating "bokasyon" o pagtawag sapul pa ng ating pagsilang… ang magpakabanal! Sana ay masabitan din tayo ng karatulang katulad ng nasa duktor: " (pangalan mo) is up!"