PROYOUTH 1

Gospel Reflections for Young People and the Young at Heart

Archive for November, 2007


HAPPY NEW YEAR! : Reflection for the 1st Sunday of Advent Year A - December 2, 2007

"Happy
New Year sa inyong lahat!" Pambungad na bati ko sa misa. Nakatulala ang
mga tao, hindi alam ang isasagot… "Merry Christmas" ba o "Happy New
Year?" Totoo nga naman unang Linggo pa lang ng Disyembre. Inilalatag pa
lang ang mga bibingka at puto bungbong sa labas ng simbahan. Isinasabit
pa lang ang mga parol sa bintana. Nagpraparaktis pa lang mag-carolling
ang mga bata… happy new year na? Oo… NEW YEAR NA! Ang Unang Linggo ng Adbiyento ang BAGONG TAON NG SIMBAHAN!
Ang "Adbiyento", na ang ibig sabihin ay "pagdating" ay nilalaan nating
panahon para "paghandaan" ang paggunita sa pagsilang ng ating
Panginoong Jesus. Pero kalimitan ang ating paghahanda ay panay
"panlabas": paglalagay ng dekorasyon, pagbili ng regalo, pagpaplano ng
Christmas party… Siguro kailangan ang mga ito upang madama natin ang
nalalapit na pagdiriwang ngunit hindi lang ito ang paghahanda para sa
isang masaya at makahulugang Pasko.  Ang mga pagbasa sa Unang Linggong
ito ng Adbiyento ay nagpapaalala sa atin kung anung mabisang paghahanda
ang maari nating gawin: Si Propeta Isaias ay nag-aanyaya: "Let us walk in the light of the Lord!" Gayun din si San Pablo: "Let us then throw off works of darkness and put on the the armor of light!" Ang mga ito’y pagpapaalala sa atin na ang
pinakamabisang paghahanda ay nasa loob at wala sa labas: Tanggalin ang
masasamang pag-uugali at linisin ang ating mga puso!
Kung papansinin ay walang kasamang ingay ang pagpasok ng New Year na ito.  Di tulad ng January 1 na maingay ang paghahanda at pagsalubong.  Dapat lang… sapagkat ang Diyos ay nakakatagpo natin sa "katahimikan".  Masyado ng maingay ang mundo. Bigyan natin ng katahimikan ang ating mga puso sa paghahandang ito. Apat na
linggo nating pagninilayan ang paghahanda sa pagsilang ni Jesus. Apat
na kandila ng Adbiyento ang isa-isang sisindihan. Hindi lang sana
maging palamuti ang mga ito sa ating tahanan o simbahan bagkus
magsilbing paalala na maging gising at laging handa sa kanyang
pagdating. Halina Hesus! Manatili ka sa aming piling!

ANG PAGHARIAN NI KRISTO : Reflection for the Solemnity of Christ the King Year C - November 25, 2007

Jes1088
Ano ba ang pamantayan para hirangin ang isang tao na maging hari?  Ang nasirang FPJ ay binansagang "The King" dahil sa paghahari niya sa takilya.  Ang kasikatan ba o pagkatanyag ay pamatayan para maging hari?  Taliwas ata ito sa ating Panginoong Hesus.  Iniwang siya ng kanyang mga alagad sa paanan ng krus.  Kinukutya siya habang siya ay namamatay.  Nasaan ang katanyagan ng pagiging hari?  Ngunit tinatawag natin siya ngayong "Hari" sapagkat alam nating sa pamamagitan ng Kanyang pagkamatay sa krus ay pinagharian Niya tayo.  Nabuksan ang kalangitan.  Naligtas tayo sa kapahamakan ng kasalanan.  Ano ang ibig sabihin ngayon ng "pagharian ni Kristo?"  Isang hari na lubos na iginagalang at minamahal ng kanyang
nasasakupan ang malubhang nagkasakit sa puso.  Ang tanging solusyon ay
ang may isang magmagandang loob na magdonate ng kanyang puso upang
ipalit sa mahina nang puso ng hari.  Ipinaalam ito sa kaharian at
nagkaroon ng isang malaking pagtitipon sa labas ng palasyo.  Di
magkamayaw ang bilang ng tao sa dami ng gustong magbigay ng kanyang
puso sa hari.  Ganoon nila siya kamahal.  Kaya’t nagdesisyon ang
ministro na maglabas ng pakpak ng manok at ihagis sa taas ng templo at
kung sino man ang babagsakan nito sa ulo ang siyang magkakaloob ng
kanyang puso sa hari.  Ibinagsak ang pakpak ng manok.  Mabagal na
naglaro sa hangin at bumagsak ng dahan-dahan.  Nang malapit na ito sa
mga tao ay narinig ang malalakas na ihip:  shhhuuuu..! Shhhuuuu!
Shuuuuuu!  Bumagsak ang pakpak ng manok sa lupa. 
Bakit nga ba
ganoon?  Napakadaling magpahayag ng pagmamahal kapag malayo tayo sa
panganib o paghihirap.  Ngunit kapag hinihingi na ang ating
pagsasakripisyo… kapag nasa harap na tayo ng pagdurusa at kahirapan
ay madali tayong mawalan ng pag-asa at kinukutya ang
Diyos!  Isa sa nakapakong
kriminal ang kumutya kay Hesus.  Marahil ay talagang naglaho na sa
kanya ang pag-asa.  Ngunit  ang isa naman ay iba ang sinabi:  "Hesus, alalahanin mo ako pagdating mo sa iyong kaharian. Hindi lang "pag-alala" ang
ipinangako ni Hesus ngunit ang "isama" s’ya mismo sa kaharian ng
langit! Ito ang ibig sabihin ng "pagharian ni Kristo":  Na sana, kahit na sa gitna ng kasawian at paghihirap ay makita pa rin natin ang paghahari ng Diyos.  Ang
kapistahan ni Kristong Hari ay nagsasabi sa atin na may pangakong
kaharian para sa mga taong nagpupursigi sa kabila ng kabiguan at
kahirapan sa buhay!
Wag sana tayong mawalan ng pag-asa.  Siya ang
hari ng sanlibutan… hindi Niya tayo pababayaan!  Mabuhay si Kristo na ating Hari!

THE END OF THE WORLD: Reflection for the 33rd Sunday in Ordinary Time Year C - November 18, 2007

Cat1012_4
Isang baguhang miyembro ng Lector and Commentators Ministry ang naatasang magbasa ng First Reading sa isang Sunday Mass.  Dahil marahil sa "first time" n’yang magbasa ay naunahan s’ya ng kaba at takot.  Nanginginig niyang sinumulan ang pagbasa at nang matapos ito ay nakalimutan n’ya ang dapat sabihin. Nag-improvised na lang ang bagitong lector at sinabing:  "This is the end of the world (na dapat ay Word)"… sagot naman ang mga tao: "Thanks be to God!"
Mukha nga namang katawa-tawa na sabihin mong Thanks be to God kung magugunaw na ang mundo.  Sa unang pagbasa na lang ay parang tinatakot na tayo ni Propeta Malachi: "Lo, the day is coming, blazing like an oven…"  Super init siguro nun! Para tayong mga litsong manok! Sa Ebanghelyo naman ay nakakatakot na pangitain ang sinasabi:  "There will be powerful earthquakes, famines, and plagues…awesome sights and mighty signs from the sky." Paano mo nga naman sasabihing "thanks be to God" yun?  Ngunit ito ay isang katotohanan na hindi natin matatakasan.  Alam natin na ang buhay natin sa mundo ay may katapusan.  Ngunit ang katapusang ito ay simula lamang ng ating magiging tunay na buhay.  Ito ang tinatawag nating "Araw ng Paghuhukom", the time of reckoning, the day of justice… na kung saan ay gagantimpalaan ng Panginoon ang mga nanatiling tapat sa Kanya. Kaya wag tayong masiraan ng loob kung nakikita nating parang baliktad ata ang takbo ng mundo: na ang nagpapakabuti ay naghihirap at ang mga nagpapakasama ay gumiginhawa ang buhay!  May katapusan ang lahat ng pagpapakasarap sa mundo. Unfair naman sa mga nagpapakabuti kung pareho lang ng mga masasama ang kanilang gantimpala.  Ang hinihingi ng Panginoon ay ang ating pagtitiyaga kung paanong pinagtitiyagaan n’ya ang ating pagiging makasalanan.  "By your perseverance you will secure your lives!" Wala tayong dapat ikatakot kung mabuti naman tayong namumuhay bilang mga Kristiyano.  Kaya kahit na magkamali pa uli ang magbabasa sa susunod mong misa at sabihing: "This is the end of the world…" ay masasabi mo pa rin ng may paninindigan: "Thanks be to God!" At me pahabol pang: "Alelluia!"

THE MAGNIFICENT LOVER : Reflection for 32nd Sunday in Ordinary Time Year C - November 11, 2007

 

Cat1025
"Death is a magnificent lover!"
Ito ang sabi ni Scottpeck sa kanyang sequel book na "Further along the Road Less Travelled."
Mukhang mahirap atang tanggapin ang pangungusap na ito.  Sino nga ba sa
atin ang gustong mamatay?  Ni ayaw nga nating pag-isipan ang ating
sariling kamatayan!  Nasubukan mo na bang mag-canvass at
magpasukat ng sarili mong kabaong?  O kaya naman ay pumili ng sarili
mong bulaklak para sa iyong libing? O maghanap ng sementeryong
paglilibingan? Baliw lang siguro ang gagawa nun! hehehe.  Minsan
may nagkumpisal sa isang pari: "Padre, patawarin mo po ako, marami na
po akong napatay na tao.  Galit po kasi ako sa kanila dahil naniniwala
sila sa Diyos.  Ikaw Padre, naniniwala ka ba sa Diyos?" Sagot ang pari:
"Naku, anak… hindi… pagtrip-trip lang!"
hehehe… Mahirap nga
namang lumagay sa kinatatayuan ng pari.  Ayaw nating mamatay!  Ngunit
ang Ebanghelyo ngayon ay nagpapa-alala sa atin na hindi ang kamatayan
ang katapusan ng ating buhay.  Na may buhay sa kabila na naiiba sa
buhay natin ngayon dito sa mundo.  Sapagkat ang ating Diyos ay "Diyos
ng mga buhay at hindi Diyos ng mga patay." (Lk 20:38)  Ito ang dahilan
kung bakit, pinagdarasal natin at inaalala ang ating mga namatay tuwing
buwan ng Nobyembre. Naniniwala tayo na may "buhay sa kabila".
Pinagdarasal natin sila upang madali nilang makamtan ang kaligayahan sa
"kabilang-buhay".  Kaya’t wag tayong matakot sa ating kamatayan.  Ito
ay parang "pintuan" na kailangan nating pasukan kung nais nating
makamit ang gantimpala ng Diyos. Mas maganda na kung ngayon pa lang ay
pinaghahandaan na natin ito.  Hindi ang pagcanvass ng kabaong, o
pagpili ng bulaklak.. ngunit ang paggawa ng maraming kabutihan na
siyang magiging susi sa pagpasok natin sa pintuan na ang tawag ay
"kamatayan".  Let us all embrace our own death.  After all… "death is a magnificent lover!"