ANG PAGHARIAN NI KRISTO : Reflection for the Solemnity of Christ the King Year C - November 25, 2007

Ano ba ang pamantayan para hirangin ang isang tao na maging hari? Ang nasirang FPJ ay binansagang "The King" dahil sa paghahari niya sa takilya. Ang kasikatan ba o pagkatanyag ay pamatayan para maging hari? Taliwas ata ito sa ating Panginoong Hesus. Iniwang siya ng kanyang mga alagad sa paanan ng krus. Kinukutya siya habang siya ay namamatay. Nasaan ang katanyagan ng pagiging hari? Ngunit tinatawag natin siya ngayong "Hari" sapagkat alam nating sa pamamagitan ng Kanyang pagkamatay sa krus ay pinagharian Niya tayo. Nabuksan ang kalangitan. Naligtas tayo sa kapahamakan ng kasalanan. Ano ang ibig sabihin ngayon ng "pagharian ni Kristo?" Isang hari na lubos na iginagalang at minamahal ng kanyang
nasasakupan ang malubhang nagkasakit sa puso. Ang tanging solusyon ay
ang may isang magmagandang loob na magdonate ng kanyang puso upang
ipalit sa mahina nang puso ng hari. Ipinaalam ito sa kaharian at
nagkaroon ng isang malaking pagtitipon sa labas ng palasyo. Di
magkamayaw ang bilang ng tao sa dami ng gustong magbigay ng kanyang
puso sa hari. Ganoon nila siya kamahal. Kaya’t nagdesisyon ang
ministro na maglabas ng pakpak ng manok at ihagis sa taas ng templo at
kung sino man ang babagsakan nito sa ulo ang siyang magkakaloob ng
kanyang puso sa hari. Ibinagsak ang pakpak ng manok. Mabagal na
naglaro sa hangin at bumagsak ng dahan-dahan. Nang malapit na ito sa
mga tao ay narinig ang malalakas na ihip: shhhuuuu..! Shhhuuuu!
Shuuuuuu! Bumagsak ang pakpak ng manok sa lupa. Bakit nga ba
ganoon? Napakadaling magpahayag ng pagmamahal kapag malayo tayo sa
panganib o paghihirap. Ngunit kapag hinihingi na ang ating
pagsasakripisyo… kapag nasa harap na tayo ng pagdurusa at kahirapan
ay madali tayong mawalan ng pag-asa at kinukutya ang
Diyos! Isa sa nakapakong
kriminal ang kumutya kay Hesus. Marahil ay talagang naglaho na sa
kanya ang pag-asa. Ngunit ang isa naman ay iba ang sinabi: "Hesus, alalahanin mo ako pagdating mo sa iyong kaharian. Hindi lang "pag-alala" ang
ipinangako ni Hesus ngunit ang "isama" s’ya mismo sa kaharian ng
langit! Ito ang ibig sabihin ng "pagharian ni Kristo": Na sana, kahit na sa gitna ng kasawian at paghihirap ay makita pa rin natin ang paghahari ng Diyos. Ang
kapistahan ni Kristong Hari ay nagsasabi sa atin na may pangakong
kaharian para sa mga taong nagpupursigi sa kabila ng kabiguan at
kahirapan sa buhay! Wag sana tayong mawalan ng pag-asa. Siya ang
hari ng sanlibutan… hindi Niya tayo pababayaan! Mabuhay si Kristo na ating Hari!
November 27th, 2007 at 11:32 pm
sir duds wala atang nag co-comment sa blog mo. hehhee kaya mag co-comment narin ako. malamang dimo nako maalala sa dami ng mga batang nagdaan sayo. batch 99 po ako sa dba, len rheuben dizon ang full name ko. spiritual moderator ka during those days. i believe i encountered you mga 4 or 5 mos ago when we were dining out at lukfoo with my family. wala lang po nangangamusta lang. reading through your profile and looking at your pics brings back nostalgic memories of dba. well looking forward to reading more of your blogs. God bless you.