THE MAGNIFICENT LOVER : Reflection for 32nd Sunday in Ordinary Time Year C - November 11, 2007

"Death is a magnificent lover!" Ito ang sabi ni Scottpeck sa kanyang sequel book na "Further along the Road Less Travelled."
Mukhang mahirap atang tanggapin ang pangungusap na ito. Sino nga ba sa
atin ang gustong mamatay? Ni ayaw nga nating pag-isipan ang ating
sariling kamatayan! Nasubukan mo na bang mag-canvass at
magpasukat ng sarili mong kabaong? O kaya naman ay pumili ng sarili
mong bulaklak para sa iyong libing? O maghanap ng sementeryong
paglilibingan? Baliw lang siguro ang gagawa nun! hehehe. Minsan
may nagkumpisal sa isang pari: "Padre, patawarin mo po ako, marami na
po akong napatay na tao. Galit po kasi ako sa kanila dahil naniniwala
sila sa Diyos. Ikaw Padre, naniniwala ka ba sa Diyos?" Sagot ang pari:
"Naku, anak… hindi… pagtrip-trip lang!" hehehe… Mahirap nga
namang lumagay sa kinatatayuan ng pari. Ayaw nating mamatay! Ngunit
ang Ebanghelyo ngayon ay nagpapa-alala sa atin na hindi ang kamatayan
ang katapusan ng ating buhay. Na may buhay sa kabila na naiiba sa
buhay natin ngayon dito sa mundo. Sapagkat ang ating Diyos ay "Diyos
ng mga buhay at hindi Diyos ng mga patay." (Lk 20:38) Ito ang dahilan
kung bakit, pinagdarasal natin at inaalala ang ating mga namatay tuwing
buwan ng Nobyembre. Naniniwala tayo na may "buhay sa kabila".
Pinagdarasal natin sila upang madali nilang makamtan ang kaligayahan sa
"kabilang-buhay". Kaya’t wag tayong matakot sa ating kamatayan. Ito
ay parang "pintuan" na kailangan nating pasukan kung nais nating
makamit ang gantimpala ng Diyos. Mas maganda na kung ngayon pa lang ay
pinaghahandaan na natin ito. Hindi ang pagcanvass ng kabaong, o
pagpili ng bulaklak.. ngunit ang paggawa ng maraming kabutihan na
siyang magiging susi sa pagpasok natin sa pintuan na ang tawag ay
"kamatayan". Let us all embrace our own death. After all… "death is a magnificent lover!"