MAGBAGO KA! NGAYON NA! : Reflection for the 2nd Sunday of Advent Year A - December 9, 2007

Mayroong isang lumang kwento na minsan daw ay nagkaroon ng
pagpupulong ang kalipunan ng mga demonyo, isang Devils’ Assembly na
ipinatawag ni Lucifer. Ang layunin ng pagpupulong ay upang humanap ng
pinakamagandang paraan upang makahikayat pa sila ng maraming
tagasunod. Nagtaas ng kamay ang isa at ang sabi: "Boss Luci, bakit
hindi tayo bumaba na lang sa lupa at sabihin sa mga tao na wag na
silang magpakabuti sapagkat wala namang langit?" Sinigawan siya ni
Lucifer na ang sabi: "Talagang demonyo ka! Di ka nag-iisip! Sinong
maniniwala sa ‘yong walang langit? Di mo ba nakikita ang napakaraming
taong nagsisimba pag Linggo? Tanga!" Sabad naman ng isa: "E bakit di
na lang natin sabihin sa kanila na wala namang impiyerno kaya wag
silang matakot na gumawa ng masama?" "Isa ka pa!" Sagot ni Luci,
"Sinong maniniwala sa yong walan impiyerno? E saan tayo titira? Sa
langit? Tanga!" Walang makapabigay ng magandang panukala hanggang
isang bagitong demonyo ang nagsalita: "Bossing, sabihin natin sa mga
tao na ganito: totoong may langit at may impiyerno, pero… wag n’yo
munang intindihin yun! Mahaba pa ang buhay n’yo sa mundo.
Magpakasarap muna kayo habang buhay pa!" At umani siya ng masigabong
palakpakan! Ang ikalawang Linggo ng Adbiyento ay nagpapaalala sa atin ng agarang pagtugon sa tawag ng Diyos na magbalik-loob at magbagong buhay! Ito ang isinisigaw ni Juan Baustista sa ilang: "Magpanibagong-buhay
kayo. Malapit ng dumating ang kaharian ng Diyos… Ngayon pa’y
nakaamba na ang palakol sa ugat ng punongkahoy." Wag sana
tayong padala sa malaking kasinungalingang ikinakalat ng demonyo na
mahaba pa ang ating buhay… marami pa tayong oras! Mas mabuti na na
lagi tayong handa. Baka bukas hindi na tayo magising. Baka yung
kinain natin ay huling hapunan na. Walang makapagsasabi. Ngunit wag
sanang takot ang mgtulak sa atin sa pagbabalik- loob. Tandaan natin, ayaw
ng Diyos na katakutan natin Siya… ang nais Niya ay atin Siyang
mahalin! Tatalikuran ko ang aking masamang pag-uugali dahil mahal ko
ang Diyos. Mabubuhay ako ng mabuti dahil mahal ko Siya! Ito ang
pagbabagong-loob na kinalulugdan N’ya. Handa ka na ba kung tatawagin ka ng Diyos ngayon?