One More Chance: Supplementary Reflection for 2nd Sunday of Advent Year A - Dec. 9, 2007

Kasalukuyan kong binabaybay ang kahabaan ng NLEX. Marahil mga alas 6:30
ng gabi noon. Galing ako ng Mabalacat, Pampanga sa isang kasal at pauwi
na ako sa Makati. Medyo may kahabaan ang biyahe at marahil dala na rin
ng pagod at puyat ay tinamaan ako ng antok. Napakabilis ng pangyayari.
Ilang segundong pagkakaidlip at nakita ko na ang aking sarili sa likod
ng isang dump truck. Sumabit ang nguso ng aking sinasakyang Isuzu IPV
sa bumper ng truck at nakita ko na lamang na hili-hila na ng truck ang
aking sasakyan. Mabuti na lamang at nagawa naming tumabi sa "shoulder"
ng express way at wala namang napinsala sa amin maliban sa aking
sasakyan na wasak ang nguso ngpassenger side. Naisip ko… mahal pa rin
ako ng Diyos! Binibigyan n’ya pa rin ako ng pagkakataong pag-isipan at
pahalagahan ang aking buhay. Habang binabasa ko ang Ebanghelyo ngayon
ay mas lalo kong naintindihan ang mga katagang "Prepare the way of the
Lord, make straight his paths!" Kakatapos ko lang ipagdiwang ang ika-11
anibersayo ng aking pagpapari noong Dec. 7. At parating bumabalik sa
aking isip ay kung nagawa ko na bang ipaghanda ang daraanan ng
Panginoon sa aking buhay sa labing isang taon ng paglilingkod ko sa
kanya? Kung tinawag na niya ako nung gabing iyon, masasabi ko bang
naihanda ko na ang daraanan Niya? Nakakahiya mang aminin ngunit
masasabi kong marami pa ako pagkukulang at marami pang pagbabayad-puri
na dapat gawin… Maraming salamat Panginoon sa pagbibigay mo sa aking
ng isa pang pagkakataon!