SA LAKAS NG DIYOS…POSIBLE! Reflection for the Solemnity of the Immaculate Conception - December 8, 2007

Minsang
pumasyal ako sa Bicol at pinuntahan ko ang matayog at magandang Mayon
volcano. Swerte ako at maganda ang panahon. Maaliwalas ang kalangitan
kitang-kita ang "perfect cone" ng bulkan. Ang sabi ng ilang
tagaroon: "May paniniwala na tanging ang mga birhen lang ang nakakakita
ng perfect cone ng bulkan." Nang sumunod na araw ay naroroon uli ako at
napansin kong may grupo ng mga madreng tinatanaw ang bulkan at ang sabi
nila: "Ay sayang! Maulap di natin makita ang perfect cone ng bulkang
Mayon!" hehehe! Uso pa ba ang pagiging birhen ngayon? Sa ibang
progresibong pag-iisip ay makaluma na ang kahinhinan at kalinisan.
Ngunit ang kapistahang ipinagdiriwang ngayon ay nagsasabing posible pa
rin ang kalinisan! May ilan pa ring nalilito sa kapistahang ito ng
"Immaculate Coneception". Akala ng iba, ito ay ang mahimalang
paglilihi ni Maria kay Jesus o ang tinatawag nating "virgin birth" ni
Jesus. Sino ba talaga ang ipinaglihi? Si Jesus o si Maria? Ang Immaculate Conception ay ang "kalinis-linisang paglilihi kay Maria" na pinaniniwalaan nating totoo bilang mga Kristiyano.
Paano nangyari na ang isang tao ay ipinaglihing walang kasalanan gayung
lahat ng taong isinisilang sa mundo ay nababahiran ng "original sin?"
Marahil imposible para sa ating mga tao, ngunit hindi sa Diyos! Kung
hihiramin ko ang slogan ng Globe telecom: "Sa lakas ng Diyos… POSIBLE!" Isang
natatanging pribelihiyo ang ibinigay ng Diyos kay Maria na ipinaglihi
siyang walang kasalanang mana sapagkat siya ang magdadala sa Anak ng
Diyos sa kanyang sinapupunan. Hindi ata tama ang maglagay ng
maputing bigas sa maruming kaldero! Dapat malinis muna ang
paglalagyan! Ang sinapupunan ng Mahal na Birhen ay ihinihanda na ng
Diyos sapul pa nung ipaglihi siya ng kanyang mga magulang. At ang
kalinisang ito ay kanyang pinanatili! Kaya nga ang tawag natin din sa
kanya ay "Ever-virgin!" Isang magandang paalala sa ating lahat. Marahil
ay hindi natin mapapantayan ang kalinisan ng Mahal na Birhen. Ngunit
inaanyayahan tayong mabuhay ng may malinis na puso! Nakakalungkot
sapagkat kalat na sa mundo ang kalaswaan at sinisira ang murang
pag-iisip ng ating mga kabataan. Hingin natin na sana ay protektahan ng
Mahal na Birhen ang bawat isa sa atin. Wag tayong mawalan ng pag-asa sapagkat kaya din nating maging malinis tulad niya. Tandaan natin… "Sa lakas ng Diyos… POSIBLE!"