BIBLE CHRISTIAN KA BA? : Reflection for the 3rd Sunday in Ordinary Time Year A - January 27, 2008
May
isang "Bible Christian" na mahilig gamitin ang Bibliya upang malaman
kung ano ang gusto ng Diyos sa kanya lalo na sa paglutas sa kanyang mga
prolema. Minsan ay nalugi ang kanyang negosyo at katulad ng kanyang
nakaugalian ay sumangguni siya sa Bibliya. Kinuha niya ito at nakapikit
na binuksan ang pahina. Laking pagkagulat niya ng bumungad sa kanya ang
Mateo 27:5 na nagsasabing: "Lumabas si Hudas at nagbigti!".
Natakot siya at sinubukan niyang maghanap uli. Habang nakapikit ay muli
niyang binuksan ang Bibliya at ang kanyang hintuturo ay tumapat sa Lukas 10:37 na ang sabi: "Humayo ka’t gayon din ang gawin mo." Halos himatayin na siya sa takot nang muli niyang buksan ang Banal na Aklat. Ang bumungad sa kanyang talata: Juan 13:27, "Kung ano ang iyong kailangang gawin, gawin mo na agad!" At alam n’yo na marahil ang kasunod… hehe. Ang ikatlong Linggo ng Karaniwang Panahon ay parating inilalaan sa padiriwang ng National Bible Sunday! Ang
Bibliya ay hindi parang "bolang kristal" na nagsasabi ng ating
kapalaran. Hindi rin ito katulad ng mga "Best Seller" na libro sa
National Books Store. Hindi lang ito naglalaman ng kasaysayan o
pamantayan sa mabuting pamumuhay. Ang Bibliya ay ang SALITA NG DIYOS! Ito ang aklat na kung saan ay ipinahayag ng Diyos ang Kanyang pag-ibig at katapatan sa tao sa pagbibigay sa atin ng kaligtasan. Sa Ebanghelyo ay nakita natin kung paano nangaral si Hesus ng buong sigasig! Ang Bibiliya ay ang pangangaral ni Hesus sa atin sa kasalukuyang panahon.
May oras ba akong inalalaan sa pagbabasa ng Bibliya? Baka naman may
"tag price" pa ang Bibliya kong nabili o kaya naman ay namumuti na sa
dami ng alikabok dahil hindi ko nagagalaw sa pinaglalagyan nito! Kung
me tiyaga akong tapusin ang volumes ng Harry Potter bakit kaya ni isang
pahina ng Bibiliya ay hindi ko matagalang basahin? Ang sabi nga nila:
Kung gusto mo may paraan… kung ayaw mo, may dahilan! Ugaliin natin
ang araw-araw na pagbabasa ng Bibliya at at pagninilay sa Salita ng
Diyos. Sa panalangin tayo ang nakikipag-usap sa Kanya. Sa pagbabasa ng
Bibliya… Siya ang nakikipag-usap sa atin. Kailan mo hinayaang kausapin ka Niya?