PROYOUTH 1

Gospel Reflections for Young People and the Young at Heart

Archive for February, 2008


UHAW? : Reflection for the 3rd Sunday of Lent Year A - February 24, 2008

May joke sa isang text: "A
thirsty city girl went to a remote barrio. GIRL: Granny, saan galing
your water? LOLA: Sa ilog, iha! GIRL: Ha? Dini-drink n’yo yan? MATANDA:
Duhh! Bakit? Sa siyudad ba chinu-chew?"
hehehe… Tama nga
naman si Granny… ang tubig hindi "chinu-chew!" Pero hindi lahat ng
tubig ay "dini-drink!" Naalala ko, ten years ago, nagsimulang lumaganap
ang pag-inom ng mineral water. Bakit? Kasi marumi ang tubig na
lumalabas sa mga gripo sa Metro Manila, kulay kalawang at mabaho! Kaya
nga yung mga "can’t afford" nung time na yun ay nakuntento na lang sa
pagpapakulo ng kanilang inuming tubig. Mahalaga ang tubig! Hindi natin
ito maikakaila. Kabahagi ito ng ating pagkatao. Sa katunayan, malaking
porsiyento ng ating katawan ay tubig! Kaya gayun na lamang ang epekto
kapag ikaw ay na-dehydrate! Kahit nga ang mga naghuhunger strike… ok
lang na di kumain, pero dapat may tubig. Kung wala ay ikamamatay nila
‘yon! Ang tubig ay buhay! Narinig natin ang "water crisis" ng mga
Israelita sa unang pagbasa. Di magkamayaw ang pag-alipusta nila kay
Moises sapagkat dinala sila sa disierto na walang tubig. Ngunit ang pagka-uhaw ay hindi lamang pisikal.
Sa Ebanghelyo ay makikita natin na ibang uri ng pagkauhaw ang taglay ng
babaeng Samaritana. Ang kanyang masamang pamamumuhay ay pagkauhaw na
naramdaman ni Hesus kaya’t inalok siya nito ng "tubig na nagbibigay buhay!"
Tayo rin, ay patuloy na inaalok ni Hesus na lumapit sa Kanya. Marahil
ay iba’t ibang uri ang ating "pagkauhaw." May uhaw sa pagmamahal,
pagpapatawad, pagkalinga, katarungan, katotohanan, kapayapaan, etc.
Ngunit kung susuriing mabuti, ang mga pagkauhaw na ito ay nauuwi sa isa
lamang… ang pagkauhaw sa Diyos!
Ngayong panahon ng kuwaresma, sana ay maramdaman natin ang
pangangailangan sa Diyos. Tanggalin natin ang maskara ng pagkukunwari
na hindi natin Siya kailangan sa ating buhay. Hayaan natin Siyang
pawiin ang uhaw ng ating puso at kaluluwa. Nawa ang ating maging
panalangin ay katulad ng mga panalangin ni San Agustin: "Panginoon… di mapapanatag ang aming mga puso hangga’t hindi ito nahihimlay sa ‘Yo!"

BAGONG ANYO : Reflection for the 2nd Sunday of Lent Year A - February 17, 2008

Jes1012
May isang manang ng simbahan na napag-iwanan na ng panahon sa kanyang
anyo.  Sa katunayan, maging ang kanyang amoy ay "amoy kandila" na o
kung di man ay amoy insenso" na!  Minsang pag-uwi galing sa pagsisimba
ay nadiskitahan siya ng ilang kabataan: "Wow pare… artifacts
naglalakad!" sabay ang nakakaasar na halak-hakan.  Pag-uwi ng bahay ay
humarap siya sa salamin at masusing tiningnan ang sarili.  Kinabukasan
ay nagpunta siya sa beauty parlor.  Pinabanat ang mukha, pinakulayan
ang buhok, pina-pedikyur ang mga kuko… at nagpatato sa
likod.Siyempre, bumuli rin sya ng modernong damit.  Isang bagong babae
ang nakita nung araw na yon.  Taas noo s’yang  tumawid sa  kalsada.
Sobrang taas ng noo kaya’t di n’ya nakita ang humaharurot na sasakyan.
Sa madaling salita ay namatay ang ating bida.  Pag-akyat ng kanyang
kaluluwa sa itaas ay agad niyang hinarap si San Pedro: "Unfair ito..!
Bakit pinutol mo ang kaligayahan ko? Hindi mo ba alam na ako ay
araw-araw na nagsisimba, nagnonobena sa mga santo, halos sa simbahan na
nga ata ako tumira!"  At sinabi niya ang kanyang pangalan kay San
Pedro.  Dali-dali namang hinanap ni San Pedro ang schedule ng  mga
pangalan na dapat magrereport ng araw na ‘yon sa kabilang buhay.
Laking gulat niya ng di  niya matagpuan ang pangalan ng manang.  Kaya’t
sinabi na lang n’ya: "Pasensya na po… honest mistake po mam… Kasi
naman "nagbago ang anyo ninyo!  Napagkamalan ko tuloy kayo sa iba!
  "Pagbabagong-anyo" … ito ang Ebanghelyo natin ngayon.  ito rin ang panawagan ng panahon ng Kuwaresma.  Marami tayong dapat na baguhin sa ating mga sarili. Walang taong ipinanganak na perpekto.  Lahat nagkakamali. Lahat may pagkukulang.  Ang pagbabagong anyo ni Hesus ay dapat na maging inspirasyon at aspirasyon nating lahat.  Inspirasyon upang bigyan tayo ng karagdagang lakas ng loob na mamuhay na mabuti at "tanggalin ang ating pangit na anyo" ng masasamang pag-uugali at nakagawiang masamang gawain.  Aspirasyon na dapat ay magbigay sa atin ng pag-asa
na may kaluwalhatiang naghihintay sa atin tulad ng natamo ni Hesus
pagkatapos N’yang mabuhay na mag-uli. Magbagong anyo tayo sa panahong
ito ng Kuwaresma.  Wag lang "new look" ang datin… mas ok kung tayo ay
magiging "Christ’s look!"

O TUKSO, LAYUAN MO AKO! :Reflection for the 1st Sunday of Lent Year A - February 10, 2008

Bib1005
May nagkumpisal sa isang pari: "Bless
me Father for I have sinned… Father, I had bad thoughts in my mind."
Tanong ng pari: "Did you entertain them my son?" Sagot naman ng binata:
"No Father! I did not entertain them… they entertained me!"

ehehe!  Ang tukso nga naman… kahit saan ka lumingon, naroroon.  Kaya
nga mga mali ang dating kanta ni Eva Eugenio (Huh? Sino sya? Tanungin
n’yo na lang nanay at tatay n’yo!) na ni-revive naman ni Sunshine
Cruz.  Sabi ng kanta: "O tukso… layuan mo ako!"  Ang tukso hindi
maaring lumayo, bagkus lalapit at lalapit ito sa atin hanggang malaglag
tayo sa kasalanan.  Si Hesus nga na anak na ng Diyos ay hindi
na-exempted sa tukso.  Ang malaking pagkakaiba lang ni Hesus sa atin ay
"nilabanan at napagtagumpayan niya ang tukso!"  Dalawang paraan ang
ginamit ni Hesus na maari din nating gamitin lalo na ngayong panahon ng
Kuwaresma:  ang panalangin at pag-aayuno.
Nanatili si Hesus sa ilang upang paghandaan ang nalalapit niyang
misyon: Ang pagpapahayag ng Mabuting Balita!  Apatnapung araw ang
ginugol niya sa panalangin at pag-aayuno.   Ang panunukso ng diablo ay
nung panahong lubhang napakahina na ng katawan ni Hesus.  Tayo rin ay
pinagsasamantalahan ng diyablo sa mga  oras na  tayo ay mahina … kaya
nga’t ang tanging makapagpapalakas sa atin ay panalangin at pag-aayuno
o paggawa ng sakripisyo.  Sa apatnapung araw na ito ng paghahanda para
sa pagdiriwang ng Kapistahan ng Muling Pagkabuhay ni Hesus ay palalimin
natin ang ating buhay panalangin.  Pag-ibayuhin natin ang paggawa ng sakripisyo upang madisiplina ang katawan. Hindi
kinakailangang malaki: simpleng pagbawas sa panonood ng tv, paglalaro
sa computer, sa pagtetext, sa paggimik, sa bisyo… marami kang
puwedeng gawin!  Wag na nating
hintayin pang kumatok ang tukso sa pintuan ng ating puso, patuluyin at
pagkapehin!  Sa pamamagitan ng pagsasakripisyo at panalangin ay
magtatagumpay tayo!

      

KRISTIYANONG KILL-JOY! : Reflection for the 14th Sunday in Ordinary Time Year A - February 3, 2008

Nasabihan
ka na bang "kill joy" ka? Ipinapatukoy ang katagang ito sa mga taong
"naninira ng kaligayahan " o kaya naman ay di nakikiisa sa gusto ng
grupo. "Kill joy" ka kapag ayaw mong sumama sa barkada. "Kill joy" ka
kapag ang iniisip mo ay iba sa iniisip nila. "Kill joy" ka kapag
hadlang ka sa nais nilang mangyari. May
kuwento ng tatlong magkakaibigan… sina Tito, Vic & Joey. Napadpad
sila sa isang isla na walang katao-tao nang lumubog ang kanilang
barkong sinasakyan. Pagkalipas ng ilang araw sa isla ay unti-unti
nilang naramdaman ang kalungkutan. Kung mayroon lang sanang
makapagpapa-alis sa kanila doon! Laking gulat sila ng may makita silang
kakaibang "bote" na lulutang-lutang sa dagat. Nilangoy nila ito at
dinala sa isla. Nilinis at pinunasan. Nang kumiskis ito sa basahan at
biglang lumabas ang isang ‘genie’: "Ako ang inyong alipin, humiling
kayo ng tatlong kahilingan at ipagkakaloob ko." Laking tuwa ng tatlo.
Ito na ang pagkakataon upang makaalis sila sa isla. Sabi ni Tito:
"Genie, gusto kong maging maligaya… dalhin mo ako sa lugar na kung
saan ay marami akong kayamanan!" At bigla niyang nakita ang sarili niya
sa Ayala Alabang at nakatira sa isang malaking mansion. Sabi naman ni
Joey: "Genie, dalhin mo ako sa lugar na kung saan ay maraming kasiyahan
at hindi ako malulungkot." At nakita niya ang kanyang sarili sa isang
disco pub na walang tigil ang kasiyahan, tugtugan at sayawan. Naiwan si
Joey at tinanong siya ng genie: "Ano ang nararamdam mo kamahalan?"
Sabi
ni Joey: "Masayang-malungkot. Masaya kasi makakaalis na ako sa islang
ito. Malungkot kasi iniwan na ako ng mga kasama ko. Sana magkakasama
uli kami." "Masusunod kamahalan!" sabi ng genie at biglang lumitaw uli
ang kanyang dalawang kaibigan sa kanyang tabi!"
May mga tao
talagang ipinanganak na "kill joy." At meron din naman na pinili nila
ang pagiging "kill joy! Isa na sa kanila si Jesus at tayong kanyang mga
tagasunod. "Kill joy" tayo sapagkat
iba ang pag-intindi natin sa kaligayahan. Para sa atin, ang
maliligayang tao ay ang mga aba, ang mga nagugutom, ang mga inaapi, ang
mga inuusig…
Hindi ganito ang pag-intindi ng mundo. Para sa
mga makamundo ang kaligayahan ay kapangyarihan, kayamanan at
pansariling kalayaan. Ngunit tingnan natin ang kanilang kinahihinatnan.
Ang kaligayahang inaalok mundo ay panandalian, kumukupas, lumilipas. Ang kaligayahang alok ni Jesus… nanatili, hindi nagmamaliw, nagpapatuloy hanggang sa kabilang buhay… Mapalad ka kung naiitindihan mo ang kanilang pagkakaiba.  Mas mapalad ka kung kaya mong piliin ang alok ni Hesus.  Mapalad ka kung "kill joy" ka para sa Kanya.