KRISTIYANONG KILL-JOY! : Reflection for the 14th Sunday in Ordinary Time Year A - February 3, 2008
Nasabihan
ka na bang "kill joy" ka? Ipinapatukoy ang katagang ito sa mga taong
"naninira ng kaligayahan " o kaya naman ay di nakikiisa sa gusto ng
grupo. "Kill joy" ka kapag ayaw mong sumama sa barkada. "Kill joy" ka
kapag ang iniisip mo ay iba sa iniisip nila. "Kill joy" ka kapag
hadlang ka sa nais nilang mangyari. May
kuwento ng tatlong magkakaibigan… sina Tito, Vic & Joey. Napadpad
sila sa isang isla na walang katao-tao nang lumubog ang kanilang
barkong sinasakyan. Pagkalipas ng ilang araw sa isla ay unti-unti
nilang naramdaman ang kalungkutan. Kung mayroon lang sanang
makapagpapa-alis sa kanila doon! Laking gulat sila ng may makita silang
kakaibang "bote" na lulutang-lutang sa dagat. Nilangoy nila ito at
dinala sa isla. Nilinis at pinunasan. Nang kumiskis ito sa basahan at
biglang lumabas ang isang ‘genie’: "Ako ang inyong alipin, humiling
kayo ng tatlong kahilingan at ipagkakaloob ko." Laking tuwa ng tatlo.
Ito na ang pagkakataon upang makaalis sila sa isla. Sabi ni Tito:
"Genie, gusto kong maging maligaya… dalhin mo ako sa lugar na kung
saan ay marami akong kayamanan!" At bigla niyang nakita ang sarili niya
sa Ayala Alabang at nakatira sa isang malaking mansion. Sabi naman ni
Joey: "Genie, dalhin mo ako sa lugar na kung saan ay maraming kasiyahan
at hindi ako malulungkot." At nakita niya ang kanyang sarili sa isang
disco pub na walang tigil ang kasiyahan, tugtugan at sayawan. Naiwan si
Joey at tinanong siya ng genie: "Ano ang nararamdam mo kamahalan?" Sabi
ni Joey: "Masayang-malungkot. Masaya kasi makakaalis na ako sa islang
ito. Malungkot kasi iniwan na ako ng mga kasama ko. Sana magkakasama
uli kami." "Masusunod kamahalan!" sabi ng genie at biglang lumitaw uli
ang kanyang dalawang kaibigan sa kanyang tabi!" May mga tao
talagang ipinanganak na "kill joy." At meron din naman na pinili nila
ang pagiging "kill joy! Isa na sa kanila si Jesus at tayong kanyang mga
tagasunod. "Kill joy" tayo sapagkat
iba ang pag-intindi natin sa kaligayahan. Para sa atin, ang
maliligayang tao ay ang mga aba, ang mga nagugutom, ang mga inaapi, ang
mga inuusig… Hindi ganito ang pag-intindi ng mundo. Para sa
mga makamundo ang kaligayahan ay kapangyarihan, kayamanan at
pansariling kalayaan. Ngunit tingnan natin ang kanilang kinahihinatnan.
Ang kaligayahang inaalok mundo ay panandalian, kumukupas, lumilipas. Ang kaligayahang alok ni Jesus… nanatili, hindi nagmamaliw, nagpapatuloy hanggang sa kabilang buhay… Mapalad ka kung naiitindihan mo ang kanilang pagkakaiba. Mas mapalad ka kung kaya mong piliin ang alok ni Hesus. Mapalad ka kung "kill joy" ka para sa Kanya.