O TUKSO, LAYUAN MO AKO! :Reflection for the 1st Sunday of Lent Year A - February 10, 2008

May nagkumpisal sa isang pari: "Bless
me Father for I have sinned… Father, I had bad thoughts in my mind."
Tanong ng pari: "Did you entertain them my son?" Sagot naman ng binata:
"No Father! I did not entertain them… they entertained me!"
ehehe! Ang tukso nga naman… kahit saan ka lumingon, naroroon. Kaya
nga mga mali ang dating kanta ni Eva Eugenio (Huh? Sino sya? Tanungin
n’yo na lang nanay at tatay n’yo!) na ni-revive naman ni Sunshine
Cruz. Sabi ng kanta: "O tukso… layuan mo ako!" Ang tukso hindi
maaring lumayo, bagkus lalapit at lalapit ito sa atin hanggang malaglag
tayo sa kasalanan. Si Hesus nga na anak na ng Diyos ay hindi
na-exempted sa tukso. Ang malaking pagkakaiba lang ni Hesus sa atin ay
"nilabanan at napagtagumpayan niya ang tukso!" Dalawang paraan ang
ginamit ni Hesus na maari din nating gamitin lalo na ngayong panahon ng
Kuwaresma: ang panalangin at pag-aayuno.
Nanatili si Hesus sa ilang upang paghandaan ang nalalapit niyang
misyon: Ang pagpapahayag ng Mabuting Balita! Apatnapung araw ang
ginugol niya sa panalangin at pag-aayuno. Ang panunukso ng diablo ay
nung panahong lubhang napakahina na ng katawan ni Hesus. Tayo rin ay
pinagsasamantalahan ng diyablo sa mga oras na tayo ay mahina … kaya
nga’t ang tanging makapagpapalakas sa atin ay panalangin at pag-aayuno
o paggawa ng sakripisyo. Sa apatnapung araw na ito ng paghahanda para
sa pagdiriwang ng Kapistahan ng Muling Pagkabuhay ni Hesus ay palalimin
natin ang ating buhay panalangin. Pag-ibayuhin natin ang paggawa ng sakripisyo upang madisiplina ang katawan. Hindi
kinakailangang malaki: simpleng pagbawas sa panonood ng tv, paglalaro
sa computer, sa pagtetext, sa paggimik, sa bisyo… marami kang
puwedeng gawin! Wag na nating
hintayin pang kumatok ang tukso sa pintuan ng ating puso, patuluyin at
pagkapehin! Sa pamamagitan ng pagsasakripisyo at panalangin ay
magtatagumpay tayo!