UHAW? : Reflection for the 3rd Sunday of Lent Year A - February 24, 2008
May joke sa isang text: "A
thirsty city girl went to a remote barrio. GIRL: Granny, saan galing
your water? LOLA: Sa ilog, iha! GIRL: Ha? Dini-drink n’yo yan? MATANDA:
Duhh! Bakit? Sa siyudad ba chinu-chew?" hehehe… Tama nga
naman si Granny… ang tubig hindi "chinu-chew!" Pero hindi lahat ng
tubig ay "dini-drink!" Naalala ko, ten years ago, nagsimulang lumaganap
ang pag-inom ng mineral water. Bakit? Kasi marumi ang tubig na
lumalabas sa mga gripo sa Metro Manila, kulay kalawang at mabaho! Kaya
nga yung mga "can’t afford" nung time na yun ay nakuntento na lang sa
pagpapakulo ng kanilang inuming tubig. Mahalaga ang tubig! Hindi natin
ito maikakaila. Kabahagi ito ng ating pagkatao. Sa katunayan, malaking
porsiyento ng ating katawan ay tubig! Kaya gayun na lamang ang epekto
kapag ikaw ay na-dehydrate! Kahit nga ang mga naghuhunger strike… ok
lang na di kumain, pero dapat may tubig. Kung wala ay ikamamatay nila
‘yon! Ang tubig ay buhay! Narinig natin ang "water crisis" ng mga
Israelita sa unang pagbasa. Di magkamayaw ang pag-alipusta nila kay
Moises sapagkat dinala sila sa disierto na walang tubig. Ngunit ang pagka-uhaw ay hindi lamang pisikal.
Sa Ebanghelyo ay makikita natin na ibang uri ng pagkauhaw ang taglay ng
babaeng Samaritana. Ang kanyang masamang pamamumuhay ay pagkauhaw na
naramdaman ni Hesus kaya’t inalok siya nito ng "tubig na nagbibigay buhay!"
Tayo rin, ay patuloy na inaalok ni Hesus na lumapit sa Kanya. Marahil
ay iba’t ibang uri ang ating "pagkauhaw." May uhaw sa pagmamahal,
pagpapatawad, pagkalinga, katarungan, katotohanan, kapayapaan, etc.
Ngunit kung susuriing mabuti, ang mga pagkauhaw na ito ay nauuwi sa isa
lamang… ang pagkauhaw sa Diyos!
Ngayong panahon ng kuwaresma, sana ay maramdaman natin ang
pangangailangan sa Diyos. Tanggalin natin ang maskara ng pagkukunwari
na hindi natin Siya kailangan sa ating buhay. Hayaan natin Siyang
pawiin ang uhaw ng ating puso at kaluluwa. Nawa ang ating maging
panalangin ay katulad ng mga panalangin ni San Agustin: "Panginoon… di mapapanatag ang aming mga puso hangga’t hindi ito nahihimlay sa ‘Yo!"