LIWANAG SA DILIM (Reposted & Revised) : Reflections for Easter - March 23, 2008

Araw ngayon ng kaliwanagan… napawi na ang dilim ng kamatayan! May
dalawang magkaibigan, si haring liwanag at si haring dilim. Lungkot na
lungkot si dilim sa kanyang kaharian kaya isang araw ay tinext nya si
liwanag: "Hi!" Sagot si liwanag: "Hu u?" Sagot ni dilim: "4get me na alredy? I’m ur fren… darky!" at me sumunod pang text, "me lonely hir. wanna visit
me?" Sagot ni liwanag:" "sure! Ktatkits!" At bumisita si haring liwanag
kay haring dilim. Ngunit pagdating sa kaharian ni haring dilim ay wala
syang makita. "Wer u na? D2 na me!" Sagot si dilim: "Her me na sa harap
mo… can’t u see me?" Sa totoo lang walang makikitang dilim si liwanag sapagkat nabalot na ng kanyang kaliwanagan ang kadiliman… Ganito rin ang Muling Pagkabuhay ni Hesus. Ang Muling pagkabuhay ni Kristo ang liwanag na sumakop sa kadiliman ng kasalanan! Hindi
nagtapos sa kamatayan ang buhay ni Jesus… S’ya ay Muling Nabuhay!
Hindi inaasahan ng mga alagad ang mangyayari pagkatapos ng kanyang
kamatayan. Ang akala nila, siya ay patay na. Tapos na ang lahat.
Naglaho na ang kanilang pag-asa. Kaya nga’t ang hinila nila ay ninakaw
ang kanyang katawan ng di nila ito matagpuan sa libingan. Ngunit
naguluhan ang kanilang pag-iiisip na makitang iniwang nakaayos ang mga
kayong lino na kanyang kasuotan. Hindi ito gawain ng magnanakaw. Nasaan
na si Jesus? Si Jesus ay wala na sa libingan. Si Jesus ay wala na sa
kadiliman ng kamatayan. Ang libingang walang laman ay nagpapaalala sa atin na Siya ay buhay! Si Jesus ay muling nabuhay upang hanguin din tayo sa dilim ng kamatayan ng ating mga kasalanan. Magalak ka! Niligtas ka na ng Diyos! Tinubos ka na ng kanyang kamatayan at pagkabuhay na mag-uli… magpupumilit ka pa rin ba sa masasama mong hilig at pag-uugali? Magtitiis
ka pa rin ba sa kadiliman? Walang saysay ang ating pagiging Kristiyano
kung hindi tayo maniniwala sa muling pagkabuhay ni Hesus. At ang tunay
na pagsampalataya sa Kanyang muling pagkabuhay ay hindi lamang sa isip
o salita kundi sa gawa. Ipakita natin na tayo ay mga mga anak ng
kaliwanagan… magmahal sa ating kapwa, magpatawad sa ating mga kaaway,
tumulong sa mga mahihirap, tigilan na ang panlalamang, tigilan ang
pang-aapi, tigilan na ang panlilinlang… Tayo na sa liwanag!