MASAHOL NA PAGKABULAG : Reflection for the 4th Sunday of Lent Year A - March 2, 2008

May kuwento ng isang babaeng lumapit
sa isang pari upang mangumpisal. "Pakiramdam ko po’y nagkasala ako, "
ang sabi niya. "Ngayong umagang ito, bago ako magsimba ay lubhang
naging mapagmataas ko sa aking sarili. Naupo ako sa harap ng salamin
sa loob ng isang oras habang hinahangaan ko ang aking kagandahan."
Tiningnan siya ng pari at sumagot: "Hija, hindi ito kapalaluan kundi
imahinasyon!" Sinasabing ang ugat ng kasalanan daw ay kapalaluan sapagkat ito ay nagdadala sa isang masahol na uri ng pagkabulag… pagkabulag sa katotohanan.
Kapag tayo ay bulag sa katotohanan ay akala nating tama ang ating
ginagawa at dahil dito ay nawawalan na tayo ng pagnanais na magsisi sa
ating mga kasalanan. Mabubuti na tayong mga tao kaya’t di na natin
kailangan ang Diyos sa ating buhay! Ang Ebanghelyo ngayong ika-apat na
Linggo ng Kuwaresma ay nag-aanyaya sa ating tingnan ang ating mga
sarili at baka may simtomas na tayo ng ganitong uri ng pagkabulag.
Baka katulad na rin tayo ng mga pariseo na hindi matanggap ang
kapangyarihan ni Jesus nang pagalingin niya ang bulag. Ang ganitong
pag-uugali ay malaking sagabal sa isang tunay na pagbabalik-loob at
pagbabagong buhay. May mga taong hindi nagkukumpisal sapagkat ang
katwiran nila ay "wala naman akong mabigat na kasalanang nagawa! Mabuti
naman ang akong tao! Walang bisyo! Sumusunod sa utos ng Diyos! Bakit pa
ako magkukumpisal?" Ang pagkakaroon ng kababaang-loob na harapin ang ating mga pagkukulang ang unang hakbang sa isang tunay na pagbabago. Nagbubulag-bulagan pa rin ba ako sa aking pagiging Kristiyano? May pagkakataon pa tayo upang muling makakita. Aminin
natin sa Diyos ang ating mga pagkakamali, ihingi natin ng tawad sa
Kanya at sabihin natin katulad ng bulag sa Ebanghelyo: "Sumasampalataya po ako, Panginoon!"