SIMPLE LANG! (Reposted & Revised) Reflection for Holy Thursday - March 20, 2008
Bata
pa lang ako ay tinuruan na akong maghugas ng kamay ng aking magulang
bago kumain. Tinuruan akong sabunin ang aking mga kamay, sa palad, sa
pagitan ng mga daliri, paikut-ikutin pa… (parang commercial ng safeguard eh!
hehe) Pero di ata ako tinuruan na maghugas ng paa bago kumain! Parang
weird yun! … Bago ganapin ni Hesus ang "huling hapunan" ay iniutos
ito ni Hesus sa kanyang mga alagad! Ang mas weirdo… si Hesus mismo
ang naghugas sa paa ng kanyang mga alagad. Haller…! Si Hesus ang
bigboss nila no? Bakit siya ang naghugas? May nais paratingin sa atin
ang Panginoon… nais mong maging leader?… matuto kang maglingkod! Nais mong maging dakila?… Matuto kang magpakumbaba! Napakaganda na ibinigay ito ni Hesus sa kontexto ng Eukaristiya… Ano ba ang Eukaristiya…? Simple lang, tinapay
na walang halaga na inialay, binasbasan, pinaghati-hati at ibinigay sa
mga alagad… Ngunit tinapay din na naging katawan ni Kristo, pagkain
ng ating kaluluwa, at dahilan ng ating kaligtasan! Ang Huwebes Santo ay ang paggunita sa pagtatatag ng Sakramento ng Eukaristiya.
Dito inialay at patuloy na iniaalay ni Hesus ang kanyang katawan at
dugo upang maging pagkain natin tungo sa ating kaligtasan. Ang tunay na lider ay handang mag-alay ng kanyang buhay sa paglilingkod… tulad ni Hesus!