1+1+1 = 1 : Reflection for the Solemnity of the Most Holy Trinity Year A - May 18, 2008

May isang batang nagtanong sa akin: "Father, bakit isa lang ang Diyos
at hindi tatlo? Di ba Siya ay Ama, Anak, at Espritu Santo? Di ba
1+1+1=3? " Ito ang sagot ko sa kanya: "Iho, ang Diyos ay hindi
puwedeng gamitan ng arithmetic! Kasi puede rin na 1×1x1=1!" Lubos ang
kadakilaan ng Diyos kung kaya’t hindi Siya maaring bilangin ng ating
mga daliri sa kamay. Lubos ang Kanyang kadakilaan na hindi Siya
maaring pagkasyahin sa ating maliit na isipan. Siya ang Manlilikha…
Siya ang walang simula at walang katapusan… Siya ang hari ng
sanlibutan! Ang problema marahil ay pilit nating inuunawa kung sino ba
talaga Siya. Ang napakatalinong taong si Santo Tomas Aquino, na
nagsulat ng maraming aklat tungkol sa Diyos (halimbawa ang Summa
Theologia), pagkatapos ng kanyang mahabang pagsusulat at pagtuturo ay
nagsabing ang lahat ng kanyang inilahad tungkol sa Diyos ay maituturing
na basura lamang kung dadalhin sa Kanyang harapan. Ibig sabihin ni
Santo Tomas a hindi natin lubos na mauunawan ang Diyos! Kahit ang
taong pinakamatalino ay kapos sa kaalaman kung ang "misteryo ng Diyos"
ang pag-uusapan. Bagamat walang sino mang tao ang lubos na makakaunawa
sa Kanya ay pinili Niya pa ring magpahayag sa atin. Ang pagpapahayag
ng Diyos ay napakasimple na kahit na ang walang pinag-aralang tao ay
maaring makaunawa sa Kanya: "Gayon
na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan, kaya ibinigay niya ang
kanyang bugtong na Anak, upang ang sumampalataya sa kanya ay hindi
mapahamak, kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan." Ipinahayag ng Diyos na Siya ay pag-ibig. Kaya nga’t masasabi natin na ang Diyos ay mauunawaan lamang ng taong marunong magmahal! Ang Banal na Santatlo ay pagmamahalan!
Nauunawaan mo ang Diyos kung marunong kang magpatawad. Nauunawaan mo
ang Diyos kung mahabagin ka sa mga mahihirap. Nauunawaan mo ang Diyos
kung ang hanap mo ay ang kabutihan ng iyong kapwa! Marahil hindi natin
maiintindihan kung bakit ang 1+1+1 para sa atin ay 1. Huwag tayong
mag-isip… sa halip subukan nating magmahal… at makikita mo na ang kakulangang ng pag-iisip ay mapupuno ng isang payak at malinis na puso.