GAWA… HINDI SALITA : Reflection for the 9th Sunday in Ordinary Time Year A - June 1, 2008

"Actions
speak louder than voice!" Natutunan ko ito bata pa lamang ako.
Kalimitan kasi ay iba ang ating sinasabi sa ating ginagawa. May isang
nakakatuwang kuwento tungkol sa isang malaking barkong nasiraan sa
gitna ng dagat. Siyempre, kanya-kanyang sakay sa "life-boat" ang mga
pasahero. Nagkataong sumobra ng sakay ang isang life-boat,
kinakailangang tatlo ang magsakripisyong umalis sa life-boat. Tumayo
ang isang Amerikano at sumigaw ng "Long live America!" at bigla syang
tumalon sa dagat. Isang Espanyol naman ang sumunod. Tumayo at malakas
na isinigaw ang "Viva Espanya" at sabay talon din sa tubig. Buong
yabang din na tumayo ang isang Pilipino. Sumigaw ng malakas: "Mabuhay
ang Pilipino!" at itinulak ang Hapon sa tubig! Marahil hindi natin
maikakaila ang dami ng Kristiyano sa ating bansa. Dagsa ang mga
nagsisimba tuwing Linggo sa mga Simbahan at siguradong napupuno ng
maraming "Panginoon, Panginoon…" ang mga dasal sa Simbahan. Sapat na
ba ito upang sabihing "makaDiyos tayong mga Pilipino?" Malinaw ang sabi
ng Panginoon sa ating Ebanghelyo ngayon: "Ang
bawat nakikinig sa aking mga salita at hindi nagsasagawa nito ay
matutulad sa isang taong hangal na nagtayo ng kanyang bahay sa
buhanginan." Marahil, marami ang nagdarasal. Marami ang
nakikinig. Ngunit ilan kaya ang nagsasagawa ng Kanyang Salita? Kaya nga
tama ang sinasabi sa atin ni Santiago Apostol na "ang pananampalatayang walang kasamang gawa ay pananampalatayang patay!" Nagsisimba
ka ngunit pag-uwi mo sa bahay ay suwail ka pa ring anak, taksil ka pa
ring asawa, mapanlait ka pa rin sa kapwa, nanlalamang ka pa rin sa
iba… Asahan mong babagsak ang buhay mo sapagkat itinayo mo ito sa
"buhanginan." Hindi sapat ang may tangang Bibliya o Rosaryo sa kamay at
mangaral ng Kanyang Salita kung hindi naman marangal ang ating
pamumuhay. Siguradong maririnig natin sa Panginoon ang mga salitang: ‘Kailanma’y hindi ko kayo nakilala. Lumayo kayo sa akin, mga mapaggawa ng masama!’