PROYOUTH 1

Gospel Reflections for Young People and the Young at Heart

Archive for June, 2008


ANG BATO ng SIMBAHAN: Reflection for the Solemnity of Sts. Peter & Paul Year A - June 29, 2008

Per1026
Isang
obispo at isang ‘reckless driver’ ang humarap kay San Pedro at
naghihintay ng kanilang tutuluyang tahanan sa kabilang buhay. Laking
pagkagulat ng obispo nang makatanggap ang driver ng isang napakalaking
mansion samantalang ang sa kanya ay isang maliit na bunggalo lamang.
"Hindi ito makatarungan!" Angal niya kay San Pedro. "Bakit mas malaki
ang bahay niya sa akin? Di mo ba nakikilala na ako ay obispo at siya ay
isang hamak na driver lamang?" Sumagot si San Pedro na medyo may
pagka-irita sa obispo: "Simple lamang po your excellency, kapag ang
driver na ito ay nagmamaneho halos lahat ng pasehero niya ay nagdarasal
at humingi ng tawad sa Diyos. Kapag kayo naman ang nangangaral sa misa
ang mga nakikinig niyo ay natutulog…"
Totoo nga naman! Lubos
na napakalaki ang responsibilidad ng isang alagad ng Diyos lalo na’t
siya ay namumuno sa Simbahan. Sa ebanghelyo, sinasabing ibinigay sa kanila ang "susi" sa kaharian ng langit.  Ibig sabihin, iniatang sa kanila ang kapangyarihang pamunuan ang Bayan ng Diyos… ang Simbahan.  Ang Kapistahan ni San Pedro at San Pablo, kapwa mga dakilang apostol ng Simbahan ay dapat magpaalala sa atin ng ating tungkuling ipagdasal at tulungan ang mga namumuno sa ating Simbahan na pinangungunahan ng Santo Papa at ating mga Obispo. Tungkulin din natin ang unawain at sundin ang kanilang mga turo bilang mga kinatawan ni Kristo dito sa lupa.
Kung minsan, sa halip na katapatan ay panay pagpula o kritisismo ang
ating ibinibigay sa kanila. Kapag hindi tayo sang-ayon sa kanilang
itinuturo ay napakadaling laiitin sila at siraan ang kanilang pagkatao.
Tandaan natin na bagama’t tao rin sila, sila pa rin ang hinirang ni Kristo na nagsabing: "
ikaw ay Pedro, at sa ibabaw ng batong ito ay itatayo ko ang aking
simbahan, at hindi makapananaig sa kanya kahit ang kapangyarihan ng
kamatayan."
 Ang ibig sabihin ng ‘Pedro’ ay ‘bato’…
matigas, di natitinag… matibay na pundasyon. May tungkulin tayong
sumunod lalo na’t ang kanilang itinuturo ay tungkol sa pananampalataya
at mabuting pamumuhay o moralidad. ‘Wag sana tayo maging pasaway na
kaanib ng Santa Iglesya! Mahalin natin ang Simbahang itinatag ni Kristo!

ANG DAPAT KATAKUTAN : Reflection for the 12th Sunday in Ordinary Time Year A - June 22, 2008

Cat1028
Marami
tayong bagay na kinatatakutan. May ilan sa ating takot sa multo. May
takot sa tubig, takot sa saradong lugar, takot sa maraming tao, takot
sa duktor, takot humarap sa salamin (lalo n’at sarili nila ang kanilang
makikita, hehe!)… takot magutom (sa mga walang kahilig-hilig sa
pagkain!) … takot mamatay! May isang mamamatay-taong nagpunta sa
kumpisalan. Ganito ang kanilang pag-uusap: "Patawarin
mo po ako padre sa aking mga kasalanan. Ako po ay isang pusakal na kriminal… marami na po akong napatay." Tanong ng pari: "Bakit mo
ginagawa iyon iho? Anung kadahilanan?" Sagot ng lalaki: "Padre, hindi
ko rin po alam. Basta, ako po ay galit sa kanila sapagkat naniniwala
silang lahat sa Diyos. Ikaw padre… naniniwala ka rin ba sa Diyos?"
Halos himatayin ang pari at sinabing: "Naku iho… anong akala mo sa
akin? Hindi ano? Trip-trip ko lang ito!" hehehe…
Sino nga ba
ang di takot sa atin sa kamatayan? Kung maari ngan ay wag na nating
isipin at pag-usapan ito. Bagama’t may ilan sa ating may "memorial
plan" ay hindi naman natin ito inilalaan para sa ating sarili. Mayroon
na ba sa ating nagpasukat ng kanyang damit na pamburol o kabaong?
ngiiii! Pero sa ebanghelyo ay magugulat tayo sapagkat sinabi ni Jesus
na: "Huwag ninyong katakutan ang pumapatay ng katawan ngunit hindi nakapapatay ng kaluluwa."  Oo nga naman. Nakakatawang
tingnan na napakarami nating pag-iingat na ginagawa para sa ating
katawan ngunit napakaliit para sa kaligtasan ng ating kaluluwa.
Pansinin
mo ang mga advertisements sa tv… hindi ba’t lahat ay para sa
kapakanan ng katawan? Wala pa akong nakikitang commercial kung papaano
ililigtas ang kaluluwa ko! Isa lang ang ibig sabihin nito… hindi pa
rin tayo lubos na naniniwala na may kaluluwa tayong dapat iligtas o
kaya naman ay ayaw muna natin pag-usapan ito. Ang
katotohanan ay araw-araw na humaharap ang ating kaluluwa sa
kapahamakan. Nakakatuwang isipin na ang ilan, sa halip na iwasan ang
mga "pumapatay ang kaluluwa" ay kinakaibigan pa ito at inaalagaan.
Malinaw ang sabi ni Jesus: "Ang katakutan ninyo ay ang nakapapatay ng kaluluwa at katawan sa impiyerno."
Manhid ka na ba sa paggawa ng kasalanan? Balewala na ba sa iyo ang
paggawa ng masama? Wala ka na bang balak na magbagong buhay? Mag-ingat
ka sapagkat… unti-unti mong pinapatay ang kaluluwa mo…

KRISTIYANO… ANO? : Reflection for the 11th Sunday in Ordinary Time Year A - June 15, 2008

Cat1058
May
isang batang tuliro ang nagtampo sa kanyang mga magulang at umakyat sa
isang mataas na puno ng niyog. Pinagkaguluhan ito ng mga tao at pilit
siyang hinikayat na bumaba sa kadahilanang may kataasan ang puno at
baka siya makabitaw. Ayaw makinig ng bata. Dumating ang mga barangay
tanod. Ayaw pa rin niyang bumaba. Dumating ang pulis. Ayaw pa rin.
Nagkataong may dumaang pari. Sapagkat nakaaabito ay agad siyang
nilapitan at sinabihang: "Padre, tulungan mo naman kami. Ayaw makining
sa amin ng bata. Baka naman puwede mong pangaralan at pababain. Baka
kasi kung mapapaano yung bata." Tahimik na lumapit ang pari sa ibaba ng
puno. Tumingala at habang may ibinubulong ay ikinumpas ang kamay na
tila baga binabasbasan ang bata ng tanda ng krus! Laking pagkagulat ng
mga tao ng biglang bumaba ang bata! "Napakagaling ni Padre! Binasbasan
lang e bumaba agad yung bata!" Sagot ang pari: "Anung binasbasan? Alam
n’yo ba yung sinabi ko habang winawasiwas ko yung kamay ko? Eto… ikaw
baba, o putol puno… baba o putol puno!"
Bakit nga kaya kapag
nakakakita tayo ng pari ay agad naiisip nating siya’y mangangaral? O
taong nakatali lang sa gawaing pansimbahan? Bagamat tayo ay nasa
Vatican II na ay may mga tao pa ring makitid ang pag-iisip na ang akala
ay ang pari lamang ang may karapatang magsalita ng tungkol sa Diyos o
magbigay ng payong pangkakaluluwa. Ang ebanghelyo ay nagpapaalala sa atin ng ating bokasyon bilang Kristiyano na maging mga alagad ni Kristo.  Ang
pagsunod kay Kristo at mangaral ng kanyang Salita ay di lamang para sa
mga nakaabito o nakasutana. Ito ay para sa lahat! Sa bisa ng ating
binyag ay naging mga "pari, hari, at propeta" tayo na ang ibig sabihin
ay may malaking misyong iniaatang sa atin bilang mga binyagang
Kristiyano. Maging aktibo tayo sa mga
gawain Simbahan. Tandaan natin na hindi sapat ang magsimba, magdasala o
mag-abuloy lamang upang tawagin tayong mga Kristiyano. Tinatawagan ang
bawat isa sa ating maglaan ng kanyang oras, kayaman at talino (time,
treasure, talent) kahit gaano man kaliit, bilang paglilingkod kay
Kristo.
Anung paglilingkod ang nagawa mo na para kay Kristo? Baka nasa "itaas ka pa rin ng puno."  Baba at kilos na!

ANG PABORITO NG DIYOS : Reflection for the 10th Sunday in Ordinary Time Year A - June 8, 2008

May
paborito ba ang Diyos? Marahil, sa ating mga tao ay natural na ang may
itinatangi, may pinapanigan, may espesyal sa paningin… may "apple of
the eye" kung tawagin. Ngunit ang Diyos… na lubos na makatarungan at
pantay kung magmahal… may paborito rin kaya? Hanapin ang sagot sa
kuwentong ito… May isang paring
kung magpakumpisal ay may kakaibang ‘gimik". May dala-dala s’yang
maliit na "bell" na kanyang pinapatunog upang sabihin sa mga taong
tapos na ang nagkukumpisal at pinatawad na ang kanyang kasalanan. Eto
ang mas nakakaintriga, napansin nila na ang haba ng tunog ng "bell" ay
depende sa dami ng kasalanan ng nagkumpisal! Minsan, ay nagkumpisal ang
tinuturing nilang "pinakamakasalanan sa parokya!" Isa siyang kilalang
babaero, sugarol, lasenggero, at halos taglay na niya ata ang lahat ng
"bisyo". Nag-abang ang mga tao kung gaano kahaba ang kanilang maririnig
na tunog. Nagtaka sila sapagkat nakakatrenta minutos na ay wala pa
silang naririnig. "Baka, hindi na nakayanan ni Father… baka hinimatay
na s’ya!" ang sabi nila. Laking pagkagulat nila ng biglang lumabas si
Father sa kumpisalan at karipas na tumakbong palabas ng simbahan.
Nagtungo siya sa kampanaryo ng simbahan at narinig ang… "Bong! bong!
bong! booong!"
Ganito kagalak ang Diyos sa mga kasalanang nagsisisi.  Kaya nga sa sinabi n’yang: "‘Habag ang ibig ko at hindi hain.’ Sapagkat naparito ako upang tawagin ang mga makasalanan, hindi ang mga banal,” ay
ipinapakita lamang niya ang kanyang pagtatangi sa mga taong
makasalanan. Kung minsan ay napanghihinaan tayo ng loob sa dami at
bigat ng ating mga kasalanan. Parang wala na tayong pag-asang magbago.
Kung minsan naman ay paulit-ulit ang ating mga masamang pag-uugali.
Kakukumpisal lang ay pareho na namang kasalanan ang nagawa. Kaya’t ayaw
ng magkumpisal… wala ng bilib sa Sakramento! Magkakasala din naman
kasi bukas… bakit pa kinakailangang magkumpisal? Sa mga ganitong
sitwasyon ay dapat sigurong habaan natin ang ating pasensya sa sarili. "Be patient with yourself as God is patient with you!"  Nasa pagtitiyaga, pagsisikap at  pagtitiwala sa Diyos ang susi ng pagbabago.  Sana ay lagi nating maalala ang laki ng pagpapatawad ng Panginoon.  "Where sin abounds… grace abounds all the more!"  Kung makasalanan ka… matuwa ka. Sapagkat isa ka sa mga paborito ng Diyos!