ANG DAPAT KATAKUTAN : Reflection for the 12th Sunday in Ordinary Time Year A - June 22, 2008

Marami
tayong bagay na kinatatakutan. May ilan sa ating takot sa multo. May
takot sa tubig, takot sa saradong lugar, takot sa maraming tao, takot
sa duktor, takot humarap sa salamin (lalo n’at sarili nila ang kanilang
makikita, hehe!)… takot magutom (sa mga walang kahilig-hilig sa
pagkain!) … takot mamatay! May isang mamamatay-taong nagpunta sa
kumpisalan. Ganito ang kanilang pag-uusap: "Patawarin
mo po ako padre sa aking mga kasalanan. Ako po ay isang pusakal na kriminal… marami na po akong napatay." Tanong ng pari: "Bakit mo
ginagawa iyon iho? Anung kadahilanan?" Sagot ng lalaki: "Padre, hindi
ko rin po alam. Basta, ako po ay galit sa kanila sapagkat naniniwala
silang lahat sa Diyos. Ikaw padre… naniniwala ka rin ba sa Diyos?"
Halos himatayin ang pari at sinabing: "Naku iho… anong akala mo sa
akin? Hindi ano? Trip-trip ko lang ito!" hehehe… Sino nga ba
ang di takot sa atin sa kamatayan? Kung maari ngan ay wag na nating
isipin at pag-usapan ito. Bagama’t may ilan sa ating may "memorial
plan" ay hindi naman natin ito inilalaan para sa ating sarili. Mayroon
na ba sa ating nagpasukat ng kanyang damit na pamburol o kabaong?
ngiiii! Pero sa ebanghelyo ay magugulat tayo sapagkat sinabi ni Jesus
na: "Huwag ninyong katakutan ang pumapatay ng katawan ngunit hindi nakapapatay ng kaluluwa." Oo nga naman. Nakakatawang
tingnan na napakarami nating pag-iingat na ginagawa para sa ating
katawan ngunit napakaliit para sa kaligtasan ng ating kaluluwa. Pansinin
mo ang mga advertisements sa tv… hindi ba’t lahat ay para sa
kapakanan ng katawan? Wala pa akong nakikitang commercial kung papaano
ililigtas ang kaluluwa ko! Isa lang ang ibig sabihin nito… hindi pa
rin tayo lubos na naniniwala na may kaluluwa tayong dapat iligtas o
kaya naman ay ayaw muna natin pag-usapan ito. Ang
katotohanan ay araw-araw na humaharap ang ating kaluluwa sa
kapahamakan. Nakakatuwang isipin na ang ilan, sa halip na iwasan ang
mga "pumapatay ang kaluluwa" ay kinakaibigan pa ito at inaalagaan. Malinaw ang sabi ni Jesus: "Ang katakutan ninyo ay ang nakapapatay ng kaluluwa at katawan sa impiyerno."
Manhid ka na ba sa paggawa ng kasalanan? Balewala na ba sa iyo ang
paggawa ng masama? Wala ka na bang balak na magbagong buhay? Mag-ingat
ka sapagkat… unti-unti mong pinapatay ang kaluluwa mo…