ANG BINHI AT LUPA : Reflection for the 15th Sunday in Ordinary Time Year A - July 13, 2008

Isang lola na parating nakaupo sa
pinakaharap ng simbahan ang laging nahuhuli ng paring natutulog kapag
siya ay nagsisimula ng magbigay ng homiliya. Minsan ay hindi na
nakatiis ang pari at nang nakita niya muling natutulog ang matanda ay
pabulong at marahan niyang sinabi sa mga tao: "Ang nais umakyat sa
langit ay tumayo…" Natural, nagtayuan ang mga tao maliban sa
matandang himbing na himbing sa pagtulog. Pagkatapos ay muli silang
pinaupo at pagkatapos ay bigla siyang sumigaw ng malakas: "Ang nais
mapunta sa impiyerno… tumayo!" At biglang balikwas si lolang
tumayo. Hiyang-hiya ang matanda ng makita niyang nakaupo ang lahat at
siya lang ang nakatayo. Kaya’t nagpaumanhin siya sa pari at nagsabi:
"Pasensiya na po kayo padre… di ko gaanong narinig ang sinabi ninyo.
Pero sa nakikita ko ngayon… dalawa tayong nakatayo!" hehehe…
si lola nga naman… nandamay pa sa impiyerno! Wag nating tawanan si
lola sapagkat marami sa atin ay masahol pa sa kanya. Hindi ko lang
tinutukoy ang pagtulog sa simbahan kundi ang ating pakikinig sa Salita
ng Diyos. Sa dami ng misa na ating dinaluhan ay maaari nating sabihing
"lunod na lunod" na tayo sa pakikinig sa Salita ng Diyos. Ang
tanong… bakit parang wala itong epekto sa ating buhay? Ang kasagutan
ay nasa ating ebanghelyo ngayon. Ang
Diyos ang magsasakang naghahasik ng "binhi" ngunit kung minsan ay para
tayong mga lupang ayaw tumanggap o kaya naman ay panandalian lamang ang
pagtanggap sa Kanyang Salita. Ilan kaya sa atin ang tunay na makapagsasabing tumatanggap, isinasapuso at isinasabuhay ang Kanyang mga Salita? Ang Bibliya ay isinulat upang ipahayag, pakinggan at isabuhay.
Hindi lang sana ito naka-display sa ating bookshelf o kaya naman ay
nakatampok sa ating mga dambana o altarina sa bahay. Sana binubuksan
din natin ito, binabasa, pinagninilayan, at isinasabuhay araw-araw.
Kung kaya nating magsayang ng mahabang oras sa harap ng computer sana
kaya rin nating maglaan ng kahit ilang sandali sa pagninilay ng Kanyang
mga Salita. Kung kaya nating manood at matiyagang makinig sa
mahahabang tele-serye sa tv, sana ganun din sa pakikinig sa Misa. Dito
nakikita ang ating pagiging "mabuting lupa". Dito pinatutunayan ang
ating pagiging mabuting Kristiyano.