PROYOUTH 1

Gospel Reflections for Young People and the Young at Heart

Archive for August, 2008


DIYOS NA NAGHIRAP? : Reflection for 22nd Sunday in Ordinary Time Year A - August 31, 2008

Bib1002_4
May
dalawang magkaibigan, isang Kristiyano at isang Intsik ang nag-uusap
tungkol sa kanilang Relihiyon. Ang sabi ng intsik: "Halika, punta tayo
sa aming templo at ipapakita ko sa iyo ang aming diyos na sinasamba."
Pagdating sa templo ay namangha ang batang Kristiyano sa kanyang
nakita. Napakaganda ng loob ng templo. Nababalutan ng mga malagintong
dekorasyon at sa harapan ng altar ay tumambad sa kanya ang napakaraming
estatwa ng ng mga buddha na iba-iba ang itsura at napapalibutan ng
maraming kandilang insenso. Pagkatapos ay sinabi ng Instik: "Dalhin mo
naman ako sa inyong templo para makita ko ang Diyos ninyo."
Nag-aalangang dinala niya ang kaibigan sa isang simbahan. Laking
pagkagulat ng Intsik ng makita ang isang malaking krus sa dambana ng
altar. "Ano yan?" sabi niya. "Bakit may taong nakapako sa krus? Nasaan
na ang Diyos n’yo?" Ang sagot ng Kristiyano: "Siya ang aming Diyos.
Nakapako Siya, naghirap, namatay para sa amin. Ganyan kami kamahal ng
aming Diyos. May ganyan ba kayong Diyos?"
Marahil, sa lahat ng
relihiyon sa buong mundo ay tayo lamang mga Kristiyano ang
makapagsasabi na mayroon tayong Diyos na namatay para sa atin. Tayo lamang ang may Diyos na nagdusa at naghirap.  Hindi
ito ayon sa pananaw ng mundo. Kaya si Pedro ay labis ang pagtutol ng
malamang si Jesus ay magdaranas ng hirap at mamamatay. Ayaw n’ya ng
Diyos na mahina! Ngunit ito ang kalakasan ng Diyos: Ang maghirap Siya para sa tao! Bakit? Sapagkat
ito ang paraan ng pagpapakita ng Kanyang pagmamahal. Mapalad tayo
sapagkat mayroon tayong Diyos na lubos na nagmahal sa atin.
Kaya nga ang simbolo ng krus ay mahalaga para sa atin. Ito dapat ay mag-paalala sa atin na kung papaanong ang ating Diyos ay naghirap, dapat tayo rin bilang mga Kristiyano ay handang magbata ng anumang hirap sa buhay.
Dapat tayo rin ay matutong magbuhat ng ating mga krus at pasanin sa
buhay! Ano ba ang mga krus na pinapasan ko ngayon: problema sa bahay? Sa
trabaho? Sa pag-aaral? Sa asawa? Sa mga anak? Napakarami marahil. Hindi
yan tatanggalin ni Jesus. Ang nais niya ay pasanin natin ang mga ito ng
may pagmamahal… katulad ng pagpasan niya sa atin noong Siya ay
nag-alay ng Kanyang buhay.

ALIAS : Reflection for the 21st Sunday in Ordinay Time Year A - August 24, 2008

Bib1016
What’s in a name?
Alam mo ba ang kahulugan ng pangalan mo? Kung minsan mahilig tayong
magbigay ng "alias" sa ibang tao. Kapag panot ang tawag natin ay
"Arabo"(ara-buhok!), kapag payat ang tawag natin ay "Palito", kapag
mataba ang tawag natin ay "Dabiana", kapag bading ay "sioke" at marami
pang ibang pang-asar na "alias" ang ginagamit natin para pangalanan ang
iba. Sa Ebanghelyo ngayon ay nagbigay din ng alias si Hesus sa isa sa
kanyang mga alagad hindi upang mang-asar ngunit upang magbigay ng isang
misyon. Tinawag niyang "Pedro" si Simon. Ang Pedro sa wikang Latin ay
"Petrus" na ang ibig sabihin ay "bato"… matigas, matatag, di
natitinag. "Ikaw ay Pedro, at ibabaw ng batong ito ay itatayo ko ang
aking Iglesia!" (Simbahan). Ano ba ang nakita ni Jesus kay Pedro? Alam
ni Jesus na ang taong ito ay mahina. Iiwan siya ni Pedro sa hardin ng
Getsemani upan mahuli ng mga Judio. Itatatwa siya ni Pedro ng tatlong
beses sa harap ng ibang tao. Alam itong lahat ni Jesus ngunit sa kabila
nito ay pinili niya si Simon Pedro upang pamunuan ang kanyang Iglesia
at ibinigay pa sa kanya ang "susi" ng kaharian ng langit, simbolo ng
kapangyarihang mamuno. Anung nakita ni Jesus kay Pedro? Ang sagot ay
"kahinaan", kahinaan na nagbigay daan upang manaig sa kanya ang
kalakasan ng Diyos! Maganda ang sabi ni San Pablo tungkol dito: "I willing boast of my weakness because in my weakness.. God is strong!" Ito nga marahil ang nais ding makita sa atin ni Jesus… ang masabing "Ang Diyos ang ating lakas sa kabila ng ating kahinaan!"
Kalimitan ay madali tayong panghinaan ng loob kapag lagi tayong
tinatalo ng ating kahinaan: paulit-ulit na kasalanan, masamang
pag-uugali, masamang hilig. Tandaan natin na tayong lahat ay maaring maging "Pedro" kung tatanggapin lamang natin ang Diyos bilang ating lakas!  Sa tuwing tayo ay humihingi ng tawad sa ating mga pagkakasala dapat ay hinihingi din natin ang Grasya ng Diyos upang tulungan tayo sa ating pagbabago. Sa lakas ng Diyos para kang "nakasandal sa pader"… Sa lakas ng Diyos posible!" 

PANALANGING PINAKIKINGGAN : Reflection for 20th Sunday in Ordinary Time Year A - August 17, 2008

Cat1138
Ano pa nga ba ang panalanging pinakikinggan ng Diyos? Kung minsan dasal
tayo ng dasal para sa isang kahilingan ngunit parang hindi tayo
pinakikinggan ng Diyos. Kung minsan naman isang pagluhod lang at
kinabukasan ay nakamit na natin ang ating kahilingan. Ano nga ba ang
katanginan ng isang panalangin? Paano ba tayo dapat magdalasal? Ang
Ebanghelyo ay may sinasabi tungkol dito. Ang una ay ang ating pagtitiyaga o perseverance sa ating pagdarasal.  Pansinin ninyo ang panalangin ng isang babae.  "A
lady’s prayer… At 20 years: Lord, I want the best man. At 25: Lord, I
want a good man. At 30: Lord, I want any man… at 45: Lord, na-
mannnnn…" Sigurado akong maawa din ang Diyos sa kanya! hehe…
Pero ito ang gusto ng Diyos kapag tayo ay nagdarasal.  Nais Niya na "kinukulit" natin siya!  "Ask and you will receive. Seek and you shall find. Knock and the door will be opened!"
Kung minsa tayo rin ang may kasalanan sapagkat kulang tayo sa
pagtitiyaga. Masyado tayong mainipin. Gusto agad natin na maipakaloob
ang ating kahilingan. Ang turing natin sa Diyos ay parang vendo machine
na kapag naglagay ka ng pera ay dapat may lalabas na softdrink. Ngunit
ang Diyos ay may sariling oras… na kalimitan ay hindi tugma sa ating
orasan. Pangalawa ay pagpapakumbaba.
Ang babaeng Cananea sa ebangelyo ay nagpakababa sa harapan ni Jesus.
Tinawag siyang "aso" na walang karapatang makisalo sa hapag ng kanyang
panginoon ngunit sumagot siya na kahit ang aso ay kumakain sa mga
mumong nalalaglag sa hapag! Napakalaking pagpapakumbaba. Tinanggap niya
at minaliit ang kanyang sarili! Kaya nga’t namangha si Jesus sa kanya
at ipanagkaloob ang kanyang kahilingan. At pangatlo ay ang pananampalataya na bunga ng pagtitiyaga at pagpapakumbaba. Ang ganitong uri ng pananampalataya ay nagdadala sa atin sa pagsusuko ng ating mga sarili sa kalooban ng Diyos.  "Sundin ang loob mo dito sa lupa at para ng sa langit…" Ganito ba ang ating mga panalangin?  Suriin natin ang ating mga sarili sa tuwing tayo ay lumuluhod sa Kanyang harapan.   May isa akong text na natanggap na ganito ang sinasabi tungkol sa pagdarasal: "My
child I hear your prayers… If I answer them, it’s because I’m
increasing your faith. If I delay them, it’s because I’m increasing
your patience, endurance and perseverance. If I do not answer them,
wait… I have something better for you… The best is always for
you…!

ANG MAGAANG… TUMATAAS! (Reposted) : Reflection for the Solemnity of the Assumption - August 15, 2008

Mar1013
"Ano
ang natatanging katangian ni Maria bakit siya iniakyat sa langit?"
Tanong ng katekista sa batang kanyang tinuturuan. "Sister, kasi po…
si Maria ay ubod ng gaang… magaang tulad ng isang lobo."
Totoo nga naman, ang magaang madaling umangat… ang magaang madaling pumailanlang sa itaas!  Kapistahan ngayon ng Pag-aakyat kay Maria sa Langit.
Ayon sa ating pananampalataya, katulad ng idineklara ng Simbahan noong
Nobyembre 1, 1950 sa pamamagitan ng isang dogma o aral na dapat
paniwalaan ng bawat Katoliko na inihayag ni Pope Pius XII , "si Maria, pagkatapos ng kanyang buhay dito sa lupa, ay iniakyat sa kaluwalhatian ng langit katawan at kaluluwa." Ano ba ang "nagpagaang sa Mahal na birhen?"  Ayon sa isa pang dogma na nauna ng itinuro ng Simbahan ay "si Maria ay ipinaglihing walang  kasalanan."
Ibig sabihin, kung bibigyan natin ng pagpapaliwanag ang sagot ng bata
na magaang si Maria, ay sapagkat sa kanyang tanang buhay dito sa lupa
ay naging tapat siya sa pagtupad ng kalooban ng Diyos at di nabahiran ang kasalanan ang kanyang buhay.
Ang nagpagaang sa kanya ay ang kanyang kawalang-kasalanan! Isang
karangalan na tanging inilaan lamang ng Diyos sa magiging ina ng
Kanyang Anak… Isang gantimpala dahil sa kanyang katapatan sa Diyos!
Ang nagpapabigat naman talaga sa ating buhay bilang mga Kristiyano ay
ang kasalanan. Ito ang naglalayo sa atin sa Diyos. Kaya nga ang batang
santong si Sto. Domingo Savio ay may natatanging motto: "Death rather than sin!"
Kamatayan muna bago magkasala! Sa murang edad niyang 15 taon ay
naunawaan niya na ang magdadala sa kanyan sa "itaas" ay ang pag-iwas sa
kasalanan. Ito rin ay paghamon sa ating mga Kristiyano. Tanggalin natin
ang nagpapabigat sa ating buhay. Iwaksi ang paggawa ng masama.
Isa-ugali ang paggawa ng mabuti. Balang araw, makakamtam din natin ang
gantimpalang ibinigay sa Mahal na Birhen na inilaan din sa bawat isa sa
atin.. ang kaluwalhatian ng langit!  Iaakyat din tayo sa itaas…

MULTO! : Reflection for 19th Sunday in Ordinary Time Year A - August 10, 2008

Bib1026_1
Totoo
bang may "multo?" Iba’t iba ang pananaw dito… ngunit nakakapagtaka na
sa kabila ng mabilis na pag-unlad ng ating pamumuhay, tayo ay nasa
"information age" na, ay hindi pa rin namamatay ang paniniwala sa mga
espiritu o tinatawag nating multo. May
kuwento na minsan ay may pari na tinawag ng isang pamilya upang
palayasin ang multo na nanggugulo sa kanilang bahay. Naglabas ang pari
ng isang "crucifix" at itinapat ito sa lugar na kung saan ay
nagpapakita daw ang multo. Nakita lamang ito ng multo at tumawa!
Naglabas ang pari ng "holy water" at binasbasan naman iyon ng tubig.
Wala ring nangyari. Ininom lamang ng multo ang holy water. Pagkatapos
ay inalabas ng pari ang "collection basket" na ginagamit sa Misa.
Mabilis pa sa hangin ay biglang naglaho ang multo at di na bumalik!
Lesson:
Hindi lang multo ang naglalaho kundi ang mga tao ring nagsisimba kapag
nagsisimula ng ilibot ang basket sa Misa! hehehe…
Napagkamalang
multo ng mga alagad si Jesus dahil naglakad siya sa ibabaw ng tubig.
Ang kanilang unang naramdaman ay pagkatakot. Ngunit naglaho ito ng
marinig nila ang tinig ni Jesus: "Huwag kayong matakot… ako ito!"
Marami tayong "multo sa buhay" na kinatatakutan. "Multo ng mga
nakaraan" na hanggang ngayon ay pumipigil sa atin upang magpatuloy sa
hinaharap… masasamang pangyayari, karanasan, relasyon, alaala. Sa
katanuyan ay tapos na sila ngunit hindi pa rin natin maiwanan kayat
patuloy ang ating paninisi sa kanila at sa ating mga sarili. "Huwag
kayong matakot!" Ito ang nais sabihin sa atin ni Jesus. Patawarin natin
"sila" at ang ating mga sarili sapagkat pinatawad na tayo ng Diyos! Let go and let God! Hayaan mong ang Diyos ang maghari sa iyong buhay.  Magkaroon ka ng malaking pananampalataya sa Kanya.  Huwag
mong hayaang ilihis ng "malalaking alon" ng pagsubok ang iyong
pagtitiwala sa kanya kapag nagsimula ka ng maglakad sa tubig ng
pag-aalinlangan.
Kailangang nakapako ang ating pag-iisip sa
Panginoon sa kabila ng lahat ng kaguluhan sa paligid natin. Ito ang
kahulugan ng tunay na pananampalataya!

PAGKAGUTOM : Reflection for 18th Sunday on Ordinary Time Year A - August 3, 2008

Cat1003_2
Nilapitan
ng isang bata ang kanyang nanay na abalang-abala sa trabaho. "Mommy,
laro po tayo…" sabi ng bata. "Naku anak, ikaw na lang muna. Ang
daming ginagawa ni mommy." "Anu pong ginagawa n’yo?" tanong ng bata.
"Anak, nagtratrabaho si mommy." "Bakit po kayo nagtratrabaho?" muling
tanong ng bata. "Para, kumita tayo ng pera…" sagot naman ng nanay.
Tila hindi pa kuntento ang bata kaya muling nagtanong. "Bakit po gusto
n’yong magkapera?" Medyo nainis na ang nanay sa sunod-sunod na tanong
ng anak at medyo nagtaas ng boses na sumagot: "Para may pambili tayo ng
pagkain!" Medyo takot ngunit nagpahabol pa ng tanong ang anak: "E para
saan po ang pagkain?" Napika na nanay kaya’t pasigaw na sumagot, "Para
hindi tayo magutom! Umalis ka na nga at naiistorbo ako sa ‘yo!"
Tumahimik ang bata tangan-tangan ang kanyang laruan. Pagkatapos ay
nakatitig na sinabi sa kanyang nanay: "Mommy… hindi po ako gutom!"

Marahil ay may katotohanan ang sinabi ng kanyang anak. Hindi nga siya
gutom! Ngunit kung susuriing mabuti ang kanyang sagot ay masasabi
nating may mas malalim pang pagkagutom na iniinda ang bata…
pagkagutom na higit pa sa pagkain, pagkagutom na tanging ang nanay niya
lang ang maaring makabusog. Maraming uri ng pagkagutom tayong
nararanasan. Isa lamang ang pisikal na pagkagutom. Marami ang gutom sa
pagmamahal… gutom sa katarungan … gutom sa kapayapaan … Ang
Ebanghelyo natin ay tumatalakay din sa isang uri ng pagkagutom.
Pagkagutom na nakita ni Jesus sa mukha ng mga taong nakikinig sa kanya
habang Siya ay nangangaral at nagpapagaling ng kanilang mga maysakit.
Ang sabi niya sa kanyang mga alagad: "Kayo, ang magbigay sa kanila ng makakain…"  Bagama’t si Jesus ang nagparami ng tinapay at isda para makain ng mga tao, ang mga alagad naman ang nagsilbing daan upang magawa niya ito.
Limang tinapay, dalawang isda, mga alagad na kapos sa pinag-aralan,
kakayahan at kayamanan… ngunit ginamit ni Jesus upang maibsan ang
gutom ng mga tao. Tayo rin ay nais gamitin ng Panginoon sa kabila ng ating kakulangan upang tugunan ang pagkagutom ng ating kapwa.  Wag
mong sabihing estudyante ka lang, mahirap ka lang, na wala kang
kaalaman o kakayahan. Mayroon palagi tayong maibabahagi sa iba. Ang
sabi nga ng turo ng Simbahan: "Walang
taong masyadong mayaman para hindi mangailangan ng tulong ng iba at
wala rin taong masyadong mahirap para hindi magkaloob ng tulong sa
iba!"
Lahat tayo ay "tinapay at isda" para sa ating kapwa.  Ano na ang nagawa mo para sa kapwa mo?