DIYOS NA NAGHIRAP? : Reflection for 22nd Sunday in Ordinary Time Year A - August 31, 2008

May
dalawang magkaibigan, isang Kristiyano at isang Intsik ang nag-uusap
tungkol sa kanilang Relihiyon. Ang sabi ng intsik: "Halika, punta tayo
sa aming templo at ipapakita ko sa iyo ang aming diyos na sinasamba."
Pagdating sa templo ay namangha ang batang Kristiyano sa kanyang
nakita. Napakaganda ng loob ng templo. Nababalutan ng mga malagintong
dekorasyon at sa harapan ng altar ay tumambad sa kanya ang napakaraming
estatwa ng ng mga buddha na iba-iba ang itsura at napapalibutan ng
maraming kandilang insenso. Pagkatapos ay sinabi ng Instik: "Dalhin mo
naman ako sa inyong templo para makita ko ang Diyos ninyo."
Nag-aalangang dinala niya ang kaibigan sa isang simbahan. Laking
pagkagulat ng Intsik ng makita ang isang malaking krus sa dambana ng
altar. "Ano yan?" sabi niya. "Bakit may taong nakapako sa krus? Nasaan
na ang Diyos n’yo?" Ang sagot ng Kristiyano: "Siya ang aming Diyos.
Nakapako Siya, naghirap, namatay para sa amin. Ganyan kami kamahal ng
aming Diyos. May ganyan ba kayong Diyos?" Marahil, sa lahat ng
relihiyon sa buong mundo ay tayo lamang mga Kristiyano ang
makapagsasabi na mayroon tayong Diyos na namatay para sa atin. Tayo lamang ang may Diyos na nagdusa at naghirap. Hindi
ito ayon sa pananaw ng mundo. Kaya si Pedro ay labis ang pagtutol ng
malamang si Jesus ay magdaranas ng hirap at mamamatay. Ayaw n’ya ng
Diyos na mahina! Ngunit ito ang kalakasan ng Diyos: Ang maghirap Siya para sa tao! Bakit? Sapagkat
ito ang paraan ng pagpapakita ng Kanyang pagmamahal. Mapalad tayo
sapagkat mayroon tayong Diyos na lubos na nagmahal sa atin. Kaya nga ang simbolo ng krus ay mahalaga para sa atin. Ito dapat ay mag-paalala sa atin na kung papaanong ang ating Diyos ay naghirap, dapat tayo rin bilang mga Kristiyano ay handang magbata ng anumang hirap sa buhay.
Dapat tayo rin ay matutong magbuhat ng ating mga krus at pasanin sa
buhay! Ano ba ang mga krus na pinapasan ko ngayon: problema sa bahay? Sa
trabaho? Sa pag-aaral? Sa asawa? Sa mga anak? Napakarami marahil. Hindi
yan tatanggalin ni Jesus. Ang nais niya ay pasanin natin ang mga ito ng
may pagmamahal… katulad ng pagpasan niya sa atin noong Siya ay
nag-alay ng Kanyang buhay.