Reflection: Palm / Passion Sunday, Lent Year B - April 5, 2009: MAHAL NA ARAW O BANAL NA ARAW?
Mga Mahal na Araw na naman! Bakit nga ba MAHAL at hindi BANAL ang tawag natin? Di ba Holy Week ang tawag natin sa ingles? Bagama’t mas tama ang translation na “Banal”, ay naangkop din naman, sa aking palagay, ang pagsasalin at paggamit natin sa salitang “Mahal”. Kapag sinabi mong “mahal” maari mong ipakahulugang “something of great value” o “precious”. Para sa ating mga Kristiyano, “MAHAL” ang mga araw na itong darating… sapagkat sa mga araw na ito ay pagninilayan natin ang pagtubos sa atin ni Jesus sa pagkakaalipin sa kasalanan sa pamamagitan ng kanyang paghihirap, kamatayan at muling pagkabuhay! Naaangkop din ang pakahulugang ito sapagkat tinubos tayo ni Jesus sa halagang hindi maaaring tumbasan ng salapi… sa pamamagitan ng kanyang katawan at dugo! Ang “Mahal” din ay nangangahulugang “dearest” o malapit sa sa ating puso. Ang mga araw na ito ay “MAHAL” sapagkat ito ay nagpapakita sa atin ng walang hangang pag-ibig ng Diyos na nag-alay ng kanyang bugtong na Anak upang tayo ay maligtas… Nakakalungkot sapagkat maraming tao ngayon ang ginagawang “cheap” o mumurahin ang mga araw na ito! Imbis na magbisita Iglesya ay beach resort ang binibisita. Imbis na magpunta ng Simbahan at magdasal ay natutulog ng buong araw . Imbis na magnilay at manalangin ay nanood ng sine… ang precious… nagiging cheap… ang mahal nagiging… mumurahin! Sana ay maibalik natin ang tunay na pakahulugan ng mga araw na ito. Simula sa Lunes ang tawag natin sa mga araw na ito ay Lunes Santo, Marters Santo, Miyerkules Santo, Huwebes Santo at Biyernes Santo… dapat lang sapagkat “Banal” ang mga araw na ito. Banal sapagkat “mahal” ang pinuhunan ng Diyos… walang iba kundi ang kanyang bugtong na Anak. Ang mga pagbasa ngayon ay nag-aanyaya sa ating magnilay sa pagpapakasakit at pagkamatay ni Jesus. Kaya nga ang tawag din sa pagdiriwang ngayon ay “Passion Sunday” o Linggo ng Pagpapakasakit ng Panginoon. Sa mga araw an ito ay subukan nating maging seryoso sa ating buhay panalangin at paggawa ng mga sakripisyo. Baka matapos ang mga Mahal na Araw na hindi natin ito nabigyan ng sapat na pagpapahalaga. Sayang!!!