Reflection: 25th Sunday in Ordinary Time Year B - September 20, 2009: KAYABANGAN!
Isang turistang hapon ang umarkila ng taxi at nagpalibot sa Metro Manila. Dinala siya ng driver sa gawing Shaw Boulevard at idinaan sa Shangrila. “This building is big! How long did you build this buidling?” “More or less one year!” Sabi ng driver. “One year? Too slow! In Japan, 6 months… very, very fast!” Payabang na sagot ng hapon.” Dumaan naman sila sa Mega Mall at sabat uli ng hapon: : “Ah… this building is very big! How long did you take to build it?” “5 months!” sabi ng tsuper. “5 months??? very slow! In Japan, only 3 months… very, very fast!” Payabang na sabi ng hapon. Medyo napikon na ang driver kaya idiniretso niya sa Pasay… sa Mall of Asia. “Wow! This building is very, very big! How long did you build it?” Payabang na sagot ng driver: “Only 2 months!” Sigaw ang hapon: “2 months??? Very slow… in Japan only 1 month… very, very fast!” Napahiya na naman ang Pilipino. Natapos din ang paglilibot at ng bayaran na ay sinabi ng driver. “Ok Mr. Japanese, pay me 10 thousand pesos!” Sagot ang hapon: “10 thousand? Very expensive!” Sagot ang driver: “Look sir… my taxi meter… made in Japan… very, very fast!” hehehe… nakaganti rin! Nakakaasar ang mga taong mayayabang! Ang sarap nilang yakapin… yakapin ng mahigpit na mahigpit hanggang sa mamatay! hehe. Marahil, isang katangian na dapat nating matutunan bilang mga Kristiyano ay ang “kababaang-loob.” Sa ebanghelyo ay malinaw na sinabi ng Panginoon na “Ang sinumang nagnanais maging una ay dapat maging huli sa lahat, at maging lingkod ng lahat.”Ang kababaang-loob ang nagsasabi sa ating ang lahat ng ating kakayahan ay galing sa pagpapala ng Diyos kaya wala tayong maipagmamalaki. Hindi ito ganang atin kaya hindi dapat natin ipagkait sa ating kapwa. Ang kadakilaan sa mata ng mundo ay hindi kailanman tugma sa pagtingin ng isang Kristiyano. Sa mundo, mas sikat ka kung ikaw ay kilala, may kapangyarihan, kayamanan at pera! Hindi kung anung meron tayo ang siyang nagpapadakila sa atin. Ang tunay na kadakilaan ay nasusukat sa kababang-loob… sa paglilingkod. Ang kababang-loob ay hindi katangian ng mahihina bagkus ay taglay ito ng mga taong may katapangan at lakas ng loob. Kaya ko bang maging mapagkumbaba? Kailan ako huling tumulong sa isang kapwang nangangailangan? Baka naman puno ako ng kayabangan, kasakiman at sariling kapakanan lang ang aking iniisip.