Sa pelikulang pilipino ay nakasanayan na nating ang bida ang palaging panalo sa huli! Ayaw natin ang bidang naargabyado at kinakawawa. Kaya nga kapag namatay ang bida sa katapusan ng palabas ay madalas nating sabihing “pangit ang ending”… malungkot sapagkat “namatay ang bida!” Isipin mo na lang ang ending ng “Darna” na napatay siya ni “Valentina o ng babaeng impakta”… KILL JOY hindi ba? Ayaw nating ang bida ay nasasaktan. Hindi tayo sanay na siya’y maghihirap at mamatay. Ganito ang ating natunghayan sa Ebanghelyo. Ginawang “bida” ni Pedro si Hesus ng tanungin niya sila kung “sino ba siya sa mga tao.” Ibinigay ni Pedro ang tamang kasagutan: “Ikaw ang Kristo!” Ngunit ng marinig mismo ni Pedro sa bibig ni Hesus na siya bilang bida ay maghihirap, itatakwil ng mga pinuno ng bayan at mamamatay ay agad niyang pinagsabihan si Hesus. Hindi niya matanggap na ang kanyang bida ay mamatay! Dahil dito ay napagwikaan siya ni Hesus: “Lumayo ka, Satanas! Ang iniisip mo’y hindi sa Diyos kundi sa tao.” Hindi ba’t kung minsan ay ganito rin tayo mag-isip tungkol sa Diyos? Sino ba ang Diyos para sa atin? Para sa marami ang ating Diyos ay ang “Diyos ng kaginhawaan!” Ang Diyos ang nagbibigay sa atin ng kasiyahan at kaunlaran sa pamumuhay. OK ang Diyos kapag maganda ang takbo ng ating buhay. Ayaw natin ang “Diyos ng kahirapan!” Kaya nga’t kapag nakaramdam na tayo ng kaunting kahirapan sa buhay ay nagbabago na ating pagtingin Diyos. Ang ating mga “aleluya” at “praise the Lord” ay napapalitan ng “Diyos ko! Diyos ko! Bakit mo ako ginaganito?” Tandaan natin: Ang ating Diyos ay hindi lang Diyos ng kaginhawaan ngunit Siya rin ay Diyos ng kahirapan! Kung ang ating Diyos mismo ay dumaan sa paghihirap, dapat tayo rin ay handang magbata ng anumang kahirapan sa buhay… matuto tayong magpasan ng ating mga “krus.” Kaya nga’t ibinigay niya ang kundisyon sa mga nagnanais na maging kanyang alagad: “Kung ibig ninumang sumunod sa akin, limutin niya ang ukol sa kanyang sarili, pasanin ang kanyang krus at sumunod sa akin.” Paano ko ba tinatanggap ang mga paghihirap na dumarating sa aking buhay? Isa rin ba ako sa mga ayaw makaramdam ng sakit at paghihirap? May mga taong tinatawag nating “pabigat” sa atin, paano ko sila “binubuhat?” Minsan ay may lalaking umuwi sa kanilang bahay. Ang una niyang ginawa ay hanapin ang kanyang asawa. Nang makita niya ito ay agad-agad niya itong bihuhat at isinayaw. Nagulat tuloy ang babae at nagtanong: “Dear, anong nangyari sa iyo? Hindi ko naman birthday. Lalo namang hindi natin anniversary. Anung nakain mo?” Ang sagot ng lalaki: “Kasi dear… nagsimba ako kanina at tinamaan ako sa sinabi ng pari. Ang sabi niya: ang dapat daw na alagad ni Hesus ay matutong magbuhat ng kanyang krus!” MEGANON??? Sino ba ang mga pabigat sa buhay ko? Marahil ang asawa kong lasenggero, sugarol at babaero. Siguro ang anak kapatid kong mabisyo. Siguro ang anak kong pabaya sa pag-aaral. Siguro ang kapitbahay kong walang ginawa kundi ang magtsismis at manghimasok sa buhay ng iba. Siguro ang kaibigan kong traidor at manghuhuthot! Siguro ang teacher kong walang gana at hindi marunong magturo… napakarami nating tinuturing na pabigat sa ating buhay. Sana ay ganito ang ating maging panalangin: “Panginoon, hindi ko pinagdarasal na tanggalin mo ang mga pabigat na ito sa aking buhay, bagkus bigyan mo ako ng lakas upang mabuhat ko sila ng may pagmamahal…”
Posted on on September 12th, 2009 in
Uncategorized Tagged spiritual reflection |
No Comments »
Isang batang retarded na pipi at bingi ang umakyat sa isang mataas na puno ng niyog. Nakita siya ng maraming tao at pilit siyang pinabababa sa pangambang siya ay mahulog. Ngunit ayaw bumaba ng bata. Tumawag sila ng tulong sa mga baranggay tanod pero bale wala lang bata. Tinawag na nila ang kapitan ng baranggay ngunit nagmistulang tanga lamang ang kapitan… ayaw bumaba ng bata. Nagkataong napadaan ang parish priest ng lugar. “Father, kayo na nga ang magpababa. Baka sa inyo sumunod.” Napilitang sumunod ang pari. Lumapit sa puno. Tumingala sa itaas at iwinasiwas ang kamay na tila nagbabasbas sabay bulong ng ilang salita. Agad-agad ay bumaba ang bata. Laking gulat ng mga tao at manghang-mangha sa pari. “Ang banal talaga ni Father! Binasbasan lanng ang bata… solve na!” Tugon ng pari: “Anung binasbasan? Sinabi ko sa bata… Hoy bata! Ikaw baba o putol puno… baba o putol puno!” hehehe… Ang hirap talagang kausapin ng taong may ganitong kapansanan. Para kang nakikipag-usap sa pader! Kung mas mahirap para sa atin ay marahil mas mahirap din ang buhay para sa kanila. Ang malaking bahagi ng buhay natin ay ginagamit natin sa pakikipagtalastasan, sa pakikipag-usap. Kaya nga ang taong bingi na kahit ang sarili niyang tinig ay di niya naririnig ay tuluyan na ring na-uutal at ang lagi niyang pangamba ay kung paano siya maiintindihan ng kanyang kausap. Marami sa kanila ay nakakadama ng pagkahiwalay sa karamihan, natatakot na pagtawanan, alipustain at hindi mapabilang sa mga “normal” na karamihan. Kaya’t mas gusto pa nilang mapag-isa na lamang at kung minsan ay maawa ka na lang sa kanilang abang kalagayan. Ngunit may isa pang pagkabingi at pagkautal na mas masahol pa sa pisikal na kapansanan at ito ang nais ni Hesus na ating tugunan. Sa ebanghelyo, narinig natin kung paano pinagaling ni Hesus ang lalaking bingi at utal. “… isinuot ang kanyang mga daliri sa mga tainga nito. Pagkatapos, lumura at hinipo ang dila nito. Tumingala si Hesus sa langit at nagbuntong-hininga, at sinabi sa tao, “Effata,” ibig sabihi’y “Mabuksan!” Hinipo ni Hesus ang tainga at dila ng taong iyon at siya ay gumaling. Ang paghipo ni Hesus ay nagbibigay ng kagalingan sapagkat ito ay paghipo ng “pagmamahal ng Diyos!” Tayo rin ay tinatawagan Niyang hipuin ang puso ng ating kapwa na nakararanas ng kabingihang espirituwal. Kapag nakikiramay ka sa isang taong nagdadalamhati, kapag pinatatawa mo ang kaibigan mong malungkot, kapag pinapatawad mo ang mga nagkakamali sa yo… hinihipo mo ang puso nila… You are bringing healing in their hearts… you are touching them with God’s love... Ito naman talaga ang pagtawag ng bawat alagad ni Kristo, ang maging instrumento ng kanyang pagmamahal. Pinagkalooban niya ng tayo ng puso upang madama natin ang puso ng iba. Ang ating misyon bilang mga Kristiyano ay simple lang… “touching lives!”
Posted on on September 5th, 2009 in
Uncategorized Tagged spiritual reflection |
No Comments »
Isang batang retarded na pipi at bingi ang umakyat sa isang mataas na puno ng niyog. Nakita siya ng maraming tao at pilit siyang pinabababa sa pangambang siya ay mahulog. Ngunit ayaw bumaba ng bata. Tumawag sila ng tulong sa mga baranggay tanod pero bale wala lang bata. Tinawag na nila ang kapitan ng baranggay ngunit nagmistulang tanga lamang ang kapitan… ayaw bumaba ng bata. Nagkataong napadaan ang parish priest ng lugar. “Father, kayo na nga ang magpababa. Baka sa inyo sumunod.” Napilitang sumunod ang pari. Lumapit sa puno. Tumingala sa itaas at iwinasiwas ang kamay na tila nagbabasbas sabay bulong ng ilang salita. Agad-agad ay bumaba ang bata. Laking gulat ng mga tao at manghang-mangha sa pari. “Ang banal talaga ni Father! Binasbasan lanng ang bata… solve na!” Tugon ng pari: “Anung binasbasan? Sinabi ko sa bata… Hoy bata! Ikaw baba o putol puno… baba o putol puno!” hehehe… Ang hirap talagang kausapin ng taong may ganitong kapansanan. Para kang nakikipag-usap sa pader! Kung mas mahirap para sa atin ay marahil mas mahirap din ang buhay para sa kanila. Ang malaking bahagi ng buhay natin ay ginagamit natin sa pakikipagtalastasan, sa pakikipag-usap. Kaya nga ang taong bingi na kahit ang sarili niyang tinig ay di niya naririnig ay tuluyan na ring na-uutal at ang lagi niyang pangamba ay kung paano siya maiintindihan ng kanyang kausap. Marami sa kanila ay nakakadama ng pagkahiwalay sa karamihan, natatakot na pagtawanan, alipustain at hindi mapabilang sa mga “normal” na karamihan. Kaya’t mas gusto pa nilang mapag-isa na lamang at kung minsan ay maawa ka na lang sa kanilang abang kalagayan. Ngunit may isa pang pagkabingi at pagkautal na mas masahol pa sa pisikal na kapansanan at ito ang nais ni Hesus na ating tugunan. Sa ebanghelyo, narinig natin kung paano pinagaling ni Hesus ang lalaking bingi at utal. “… isinuot ang kanyang mga daliri sa mga tainga nito. Pagkatapos, lumura at hinipo ang dila nito. Tumingala si Hesus sa langit at nagbuntong-hininga, at sinabi sa tao, “Effata,” ibig sabihi’y “Mabuksan!” Hinipo ni Hesus ang tainga at dila ng taong iyon at siya ay gumaling. Ang paghipo ni Hesus ay nagbibigay ng kagalingan sapagkat ito ay paghipo ng “pagmamahal ng Diyos!” Tayo rin ay tinatawagan Niyang hipuin ang puso ng ating kapwa na nakararanas ng kabingihang espirituwal. Kapag nakikiramay ka sa isang taong nagdadalamhati, kapag pinatatawa mo ang kaibigan mong malungkot, kapag pinapatawad mo ang mga nagkakamali sa yo… hinihipo mo ang puso nila… You are bringing healing in their hearts… you are touching them with God’s love... Ito naman talaga ang pagtawag ng bawat alagad ni Kristo, ang maging instrumento ng kanyang pagmamahal. Pinagkalooban niya ng tayo ng puso upang madama natin ang puso ng iba. Ang ating misyon bilang mga Kristiyano ay simple lang… “touching lives!”
Posted on on September 5th, 2009 in
Uncategorized Tagged Add new tag, spiritual reflection |
No Comments »
Nakagawian na ni “Mandong Mandurukot” ang dumaan sa Simbahan ng Quiapo at magdasal sa kanyang paboritong patrong Poong Nazareno pagkatapos ng maghapong pagtratrabaho. “Poong Nazareno, maraming salamat po at binigyan mo ako ng matalas na mata! Nakadukot ako ng cellphone sa katabi ko kanina sa bus na walang kahirap-hirap!” Bigla siyang may narinig na mahiwagang tinig: “Mapalad ka Mando… mapalad ka!” Nagulat siya sa sagot na kanyang tinanggap. Hindi niya ito gaanong binigyang pansin. Kinabukasan pagkatapos ng kanyang “trabaho” ay muli siyang dumaan sa simbahan. “Poong Nazareno, maraming salamat po at binigyan mo ako ng mabilis na kamay at paa. Hindi ako inabutan ng pulis na humahabol sa akin!” Muling lumabas ang mahiwagang tinig na ang wika: “Mapalad ka Mando… mapalad ka!” Nagulumihanan si Mando at sa puntong ito ay di na napigilang magtanong. “Panginoon, ikaw ba yan? Anung ibig sabihin mong mapalad ako?” At sumagot ang tinig: “Mapalad ka Mando at mabigat itong krus na pasan-pasan ko. Kung hindi ay ibinalibag ko na ito sa iyo!” hehehe… Marahil ay kuwento lamang ito ngunit may inihahatid sa ating mahalagang aral: Ang tunay na relihiyon ay wala sa panlabas na pagpapapakita ngunit nasa panloob na paniniwala at pagsasabuhay nito. Ano ang sabi ni Hesus tungkol sa mga Pariseo? “Tama ang hula ni Isaias tungkol sa inyo. Mapagpaimbabaw nga kayo, gaya ng kanyang isinulat: ‘Paggalang na handog sa ‘kin ng bayan ko’y paimbabaw lamang, sapagkat sa bibig at hindi sa puso ito bumubukal.” Paano ko ba ipinapakita ang pagiging Kristiyano? Baka naman natatali lang ako sa mga ritwal na panlabas at nakakalimutan ko ang higit na mahalaga? Mahalaga ang pagrorosaryo, pagsama sa prusisyon, pagdedebosyon sa mga santo, pagsisimba tuwing Linggo. Ngunit dapat nating tandaan na hindi lamang ito ang ibig sabihin ng relihiyon. May mas mahalagang hinihingi si Hesus sa atin. Ang sabi nga ng isang sikat na mangangaral na obispo: “Kung paanong ang pumapasok ng talyer ay hindi nagiging kotse… ganun din ang pumapasok ng simbahan ay hindi agad matatawag na Kristiyano.” Hindi sapagkat nagsimba ka ay Kristiyano ka na! Hindi garantiya ang litanya ng mga debosyon, ang paulit na ulit na pagsambit ng panalangin, ang araw-araw na pagtitirik ng mga kandila kung ang lumalabas naman sa ating bibig ay paglapastangan sa kapwa, masasamang salita, paninira, paghuhusga sa kamalian ng iba… Sikapin nating magpakatotoo sa ating pagiging Kristiyano! Ang tunay na “mapalad” ay ang mga nakikinig sa Panginoon at nagsasabuhay ng Kanyang Salita. Ang sarap marinig sa Panginoon ang mga katagang: “Mapalad ka (pangalan mo)… MAPALAD KA!”
Posted on on August 28th, 2009 in
Uncategorized Tagged spiritual reflection |
No Comments »
Minsan may tatlong magkakaibigan, isang Muslim, isang Buddhist, at isang Katolikong pari ang nagpayabangan kung sino sa kanila ang pinaka-makapangyarihang Diyos. Umakyat sila sa isang mataas na gusali at nagskasundong tatalon habang tumatawag ng tulong sa kanilang Diyos. Naunang tumalon ang Muslim, sumigaw s’ya ng “Allah, iligtas mo ako!” Ngunit tuloy-tuloy siyang lumagpak sa lupa na parang isang sakong bigas! Sumunod ang Buddhist. Hanggang nasa gitna siya ng pagbagsak ay sumigaw: “Buddha, iligtas mo ako!” At nakapagtatakang bigla siyang huminto sa ere at parang pakpak ng manok na dahan-dahang lumagpak sa lupa. Ngayon naman ay ang Katolikong pari ang tumalon. Lakas loob niyang isinigaw ang: “Panginoong Hesukristo, iligtas mo ako!” Pabulusok siyang bumagsak na parang kidlat at ng mapansin niyang walang nangyayari ay sumigaw siya ng: “Buddha, Buddha… iligtas mo ako!” Bakit kaya ganoon? Ang daling magbago ng ating isip kapag hindi natin makuha ang ating gusto. Madali natin iwanan at ipagpalit ang Diyos kapag hindi napagbibigyan ang ating kahilingan. Ang tawag sa ganitong mga tao ay “Kristiyanong balimbing!” Sa Ebanghelyo, narinig natin kung paano siya tinalikuran ng mga taong kanyang pinakain ng tinapay. Nakita nila at naranasan ang mahimalang pagpapakain. Saksi sila sa kanyang kapangyarihan. Sa katunayan ay nagbabalak na silang gawin siyang kanilang hari! Ngunit nang marinig nila ang pananalitang nagsasabing siya ang “Tinapay ng Buhay” ay biglang nagbago ang kanilang pagtingin sa kanya. “Mabigat na pananalita ito; sino ang makatatanggap nito?” Mahirap sa kanila na tanggapin ang mga salita ni Hesus na ang Kanyang laman ay tunay na pagkain at ang Kanyang Dugo ay tunay na inumin. Hindi nila matanggap ito. Hindi ba kung minsan ganito rin tayo? Kapag hindi sang-ayon sa ating gusto ang turo ni Hesus o ng Simbahan ay madali nating itatwa ang ating pananampalataya. Bakit maraming Katoliko ang lumalaban sa aral ng Simbahan tungkol sa abortion, contraception, live-in, same-sex marriages, at marami pang usapin tungkol sa moralidad? Kasi nga ay hindi ito sang-ayon sa kanilang gusto. Para sa kanila ay panghihimasok ito sa kanilang personal na buhay! Totoong mahirap maintindihan ang pag-iisip ng Diyos at mas mahirap isabuhay ito. Sa mga pagkakataong nalalagay tayo sa pag-aalinlangan at kinakalaban ng ating pag-iisip ang “pag-iisip ng Diyos”, sana ay masabi rin natin ang mga salitang binitiwan ni Pedro: “Panginoon, kanino po kami pupunta? Nasa inyo ang mga salitang nagbibigay ng buhay na walang hanggan. Naniniwala kami at ngayo’y natitiyak naming kayo ang Banal ng Diyos.”
Posted on on August 21st, 2009 in
Uncategorized Tagged spiritual reflection |
No Comments »
Alam mo bang kakaibang nangyayari kapag ikaw ay kumakain? Ang pagkain ay isang “psychomotor activity” kaya’t marahil ay hindi natin lubos na pinag-iisipan kapag ating ginagawa. Subo lang tayo ng subo. Lunok lang ng lunok. Kain lang ng kain. Kaya tuloy, pataba tayo ng pataba. Pataas ng pataas ang ating bilbil hanggang umabot na sa ating kili-kili. May parang “magic” na nangyayari sa tuwing tayo’y kumakain. Nagiging kabahagi natin ang ating kinakain. Pinapasok natin sa ating katawan ang isang bagay na patay at binibigyan natin ito ng buhay! Kaya nga kung nais mong maging malusog ang iyong pangangatawan ay dapat na masusustanyang pagkain ang kainin mo. Nagiging kabahagi ng ating katawan ang ating kinakain! Alam marahil ni Hesus ang prinsipyong ito kaya’t ginamit niya ang simpleng halimbawa ng pagkain upang iparating ang kahalagahan ng pakikiisa sa kanya. “Ako ang pagkaing nagbibigay-buhay na bumaba mula sa langit. Mabubuhay magpakailanman ang sinumang kumain nito. At ang pagkaing ibibigay ko sa ikabubuhay ng sanlibutan ay ang aking laman.” Sa unang pagkarining ay parang kahibangan ang sinasabi ni Hesus. Sa katunayan, marami ang hindi nakaintindi sa kanya. Maging sa panig ng kanyang mga tagasunod ay may umalis at tumiwalag dahil sa bigat ng kanyang mga pananalita. Para nga namang kanibalismo ang nais niyang ituro sa kanila: “Ang kumakain ng aking laman at umiinom ng aking dugo ay nananahan sa akin, at ako sa kanya.” Ngunit alam nating hindi ito ang kanyang pakahulugan. Mapalad tayo sapagkat ngayon ay alam nating ang Sakramentto ng Eukaristiya ang kanyang tinutukoy. Tunay na katawan at dugo ni Hesus ang tinatanggap natin sa Eukaristiya at hindi lang simbolismo. Kaya nga’t kung naniniwala tayo sa prinsipyong “nagiging kabahagi natin ang ating kinakain” ay dapat maunawaan natin ang ibig sabihin ng pananahan ni Hesus sa atin bilang Kristiyano. Sa tuwing tinatanggap ko si Hesus sa Banal na Komunyon, naniniwala ba akong nagiging kabahagi ko Siya? Ako ba’y nagiging mas mapagkumbaba, mas mapagpatawad, mas maalalahanin, mas matulungin sa aking kapwa? Marahil ay “marami pa tayong kakaining bigas” sa pagiging tunay na Kristiyano. Ngunit ang lahat ay nagsisimula sa unang subo… maniwala tayo na ang ating tintanggap sa Banal na Komunyon ay ang TUNAY NA KATAWAN ni KRISTO!
Posted on on August 16th, 2009 in
Uncategorized Tagged spiritual reflection |
No Comments »
“Ano ang natatanging katangian ni Maria bakit siya iniakyat sa langit?” Tanong ng katekista sa batang kanyang tinuturuan. “Sister, kasi po… si Maria ay ubod ng gaang… magaang tulad ng isang lobo.” Totoo nga naman, ang magaang madaling umangat… ang magaang madaling pumailanlang sa itaas!Pag-aakyat kay Maria sa Langit. Ayon sa ating pananampalataya, katulad ng idineklara ng Simbahan noong Nobyembre 1, 1950 sa pamamagitan ng isang dogma o aral na dapat paniwalaan ng bawat Katoliko na inihayag ni Pope Pius XII , “si Maria, pagkatapos ng kanyang buhay dito sa lupa, ay iniakyat sa kaluwalhatian ng langit katawan at kaluluwa.” Ano ba ang “nagpagaang sa Mahal na birhen?” Ayon sa isa pang dogma na nauna ng itinuro ng Simbahan ay “si Maria ay ipinaglihing walang kasalanan.” Ibig sabihin, kung bibigyan natin ng pagpapaliwanag ang sagot ng bata na magaang si Maria, ay sapagkat sa kanyang tanang buhay dito sa lupa ay naging tapat siya sa pagtupad ng kalooban ng Diyos at di nabahiran ang kasalanan ang kanyang buhay.“Death rather than sin!” Kamatayan muna bago magkasala! Sa murang edad niyang 15 taon ay naunawaan niya na ang magdadala sa kanyan sa “itaas” ay ang pag-iwas sa kasalanan. Ito rin ay paghamon sa ating mga Kristiyano. Kapistahan ngayon ng Ang nagpagaang sa kanya ay ang kanyang kawalang-kasalanan! Isang karangalan na tanging inilaan lamang ng Diyos sa magiging ina ng Kanyang Anak… Isang gantimpala dahil sa kanyang katapatan sa Diyos! Ang nagpapabigat naman talaga sa ating buhay bilang mga Kristiyano ay ang kasalanan. Ito ang naglalayo sa atin sa Diyos. Kaya nga ang batang santong si Sto. Domingo Savio ay may natatanging motto: Tanggalin natin ang nagpapabigat sa ating buhay. Iwaksi ang paggawa ng masama. Isa-ugali ang paggawa ng mabuti. Balang araw, makakamtam din natin ang gantimpalang ibinigay sa Mahal na Birhen na inilaan din sa bawat isa sa atin.. ang kaluwalhatian ng langit! Iaakyat din tayo sa itaas…
Posted on on August 14th, 2009 in
Uncategorized Tagged spiritual reflection |
No Comments »
“Tatay laro tayo!” Sabi ng bata sa kanyang tatay na abala sa trabaho. “Hindi muna ngayon anak marami akong ginagawa.” “Anung ginagawa mo?” “Nagtratrabaho.” “E bakit ka nagtratrabaho?” Pakulit na tanong ng anak. “Para yumaman tayo.” “E bakit gusto mong yumaman tayo?” Tanong uli ng anak. “Para marami tayong pera.” Sagot ng tatay na medyo nakukulitan na. “E bakit gusto nyong magkapera?” Nagtaas na ng boses ang tatay: “Para may makain tayo!” Tanong uli ang anak: “E bakit tayo dapat kumain?” Sumigaw na ang tatay: “Para di tayo magutom!” Tumahimik sandali ang bata at pagkatapos ay sinabi: “Tatay… hindi po ako nagugutom! Laro tayo!” Bagamat hindi gutom ang bata sa pagkain, may pagkagutom pa rin siyang nadarama! Ang pagkagutom ay hindi lang pisikal. May pagkagutom ding espirituwal tulad ng pagkagutom sa katotohanan at justisya, pagkagutom sa kapayapaan, pagkagutom sa pagmamahal… Ngunit ang higit sa lahat ng pagkagutom ay ang “pagkagutom sa Diyos.” Batid ni Hesus ang pagkagutom na ito kaya’t inialok niya ang kanyang sarili upang maging pagkaing nagbibigay buhay! Ako ang pagkaing nagbibigay-buhay na bumaba mula sa langit. Mabubuhay magpakailanman ang sinumang kumain nito. At ang pagkaing ibibigay ko sa ikabubuhay ng sanlibutan ay ang aking laman.”Mapalad tayo dahil maari natng tanggapin ang pagkaing ito linggo-linggo… araw-araw! Bilangin mo ang mga komunyong tinanggap mo… madami na di ba? Anung epekto nito sa ‘yo? Nagbabago na ba ang pag-uugali mo? Nagiging mas mapagmahal ka ba sa yong kapwa? Mapagpatawad sa yong mga kaaway? Namumuhay na matuwid? Tanong lang naman…
Posted on on August 9th, 2009 in
Uncategorized Tagged spiritual reflection |
No Comments »
May malaking pustahan daw na nangyayari ngayon sa langit… Nagpupustahan ang mga anghel at mga banal na naroon kung kaninong libing ang mas maraming tao… ang kay Ninoy ba o kay Cory! Totoo nga naman. Magdamag akong tumutok sa telebisyon upang panoorin ang libing ng ating minamahal na Pangulong Corazon Aquino. Nasa loob ako ng aming community room. Ligtas sa lakas ng ulan. Kumportableng nakaharap sa aking laptop computer. Ngunit damang-dama ko ang kakaibang init ng maraming taong nakalinya at matiyagang naghihintay upang masumpungan sa huling pagkakataon ang labi ng kanilang mahal na Pangulo. Dama ko ang ngalay nilang paa. Dama ko ang kumakalam nilang sikmura. Dama ko ang lamig ng ulan sa katawan ng mga taong walang dalang payong. Dama ko ang kanilang pananampalataya sa taong nagbalik sa kanila demokrasya at kalayaan! Ang tawag daw dito: “Cory Magic!” Ang tawag ko naman… “Cory Miracle!” Isang milagrong bunga ng pananampalataya ng isang taong napakalakas ang kapit sa Diyos sa mga napakahirap na taon ng kanyang pamumuno bilang Presidente. Napakaraming nagduda noon sa kanyang kakayahanng mamuno. Hindi siya pulitiko! Hindi ekonomista! Walang alam sa pagpapatakbo ng bayan. Ang maraming pagtatangka ng ilang militar upang agawin ang kanyang pamumuno ay isang malinaw na halimbawa. Ngunit nalagpasan niya ang lahat ng ito. Ang kanyang sandata… malakas na pananampalataya sa Diyos! Ngayong siya ay inihahatid sa huling hantungan, walang pagdududang isang malaking himala ang kanyang ginagawa at gagawin sa puso ng bawat Pilipino. Ngayong nahaharap tayo sa “krisis ng kredibilidad” ng ating mga pinuno, at ito nga ay nararamdaman na natin sa nalalapit ng halalan, siguradong gagawa siya ng himala sa puso ng mga tao! Nawa ang “Cory Magic” ay magtuloy sa isang “Cory Miracle”, na sana ay hipuin ang matitigas na puso ng ating mga lider at matuto sa pagpapakumbaba, pagiging tunay na tao at pagkamaka-Diyos ng ating mahal na Pangulong Corazon Aquino! Maraming Salamat minamahal naming Pangulo!
Posted on on August 5th, 2009 in
Uncategorized Tagged spiritual reflection |
No Comments »
Mayroong kuwento na minsan daw sa labas ng pintuan ng langit ay naghihintay na tawagin ang isang pari kasama ang kanyang mga parokyano. Asang-asa ang pari na siya ang unang tatawagin sapagkat siya “daw” ang pinakabanal sa lahat. Unang tinawag ang babaeng nagtitinda ng sampaguita sa labas ng gate ng Simbahan. Tahimik lang ang pari. “Di bale, siguro naman, ako na ang susunod!” Laking pagkagulat niya nang ang sunod na tinawag ay ang matandang manang na laging nagtitirik ng kandila sa estatwa ng Mahal na Birhen. “Aba, di na ata makatarungan ito. Nalagpasan na naman ako!” At lalong nag-init ang pari nang biglang tinawag ang kanyang sakristan! Bigla siyang sumingit sa pila at sinabi: “San Pedro, hindi ata tama ang ginagawa ninyo! Bakit ako nauunahan ng mga parokyano ko? Ano ba ang ginawa nila at dapat silang mauna sa akin?” “Simple lang”, sagot ni San Pedro… “Pinagdasal ka nila!” hehe… Ngayon ang araw ng mga Kura Paroko. Sa pagdiriwang ng kapistahan ni San Juan Maria Vianney ay inaalala natin sila. Ipinagdarasal natin na sana sila ay matulad sa ating Mabuting Pastol na si Jesus. Sa Ebanghelyo ay narinig natin ang mga taong labis ang paghahangad na muling makita si Jesus pagkatapos ng mahimala niyang pagpaparami ng tinapay. Bagamat “materyal na kadahilan,” ang nagbunsod sa kanila upang hanapin si Jesus ay naroon pa rin ang katotohanan na para silang mga tupang walang pastol na nangangailangan ng pagkalinga. Kaya nga nais ni Jesus na palalimin nila ang kanilang pag-intindi sa kanya. “Gumawa kayo, hindi upang magkaroon ng pagkaing nasisira, kundi upang magkaroon ng pagkaing hindi nasisira at nagbibigay ng buhay na walang hanggan.” May mga sandali din ba sa aking buhay na hinahanap ko rin ang Panginoon? O baka naman sa sobrang kaabalahan ko sa makamundong bagay ay di ko na pansin ang pangangailangan sa Kanya? Ang mga Kura-Paroko ay nabigyan ng mahalagang responsibilad na gabayan at ihatid ang kanyang kawan sa “pastulang mainam.” Hindi mangyayari ito kung walang pakikiisa ng bawat tupang kanyang ginagabayan. Tungkulin nilang ihatid tayo kay Kristo bilang mga nakababatang pastol. Ngunit tungkulin di nating ipagdasal sila upang sila ay mahubog ayon sa puso ng ating butihing Pastol na si Jesus.
Posted on on July 31st, 2009 in
Uncategorized Tagged spiritual reflection |
No Comments »