PROYOUTH 1

Gospel Reflections for Young People and the Young at Heart

Reflection: 17th Sunday in Ordinary Time Year B - July 26, 2009: WALANG KUWENTA!

Sumagi na ba sa isip mo na wala kang kuwenta? Walang silbi? Wag’ kang malungkot, may pakinabang ka pa rin. Puwede kang gawing “masamang halimbawa!” hehehe.. “Limang tinapay… dalawang isda… galing sa isang bata.” Limang tinapay at dalawang isda para sa maihigit kumulang na limang
libong madla. Ang Panginoon nga naman… mapagbiro! Sinabihan niya ang mga alagad na paupuin ang mga tao. Sumunod naman sila… kahit marahil nagtataka kung ano ang gagawin niya.
At nangyari ang isang himala. Nakakain ang lahat at may labis pa… Ito naman talaga ang “modusoperandi” ng Diyos kapag nais Niyang ipadama sa tao ang Kanyang kapangyarihan. Gumagamit Siya ng maliliit… mahihina… walang kwenta! Upang ipakita na sa Kanya lamang nagmumula ang kapangyarihan! Kung minsan, kapag nanonood ako ng balita sa telebisyon ay nakikita ko ang paghihirap ng napakaraming tao. Nitong nakaraang mga araw mga taong biktima ng karahasan ng digmaan ang aking nakita. Kung minsan mga taong nasalanta ng bagyo at kalamidad.  May mga tao ring namamatay sa gutom dala ng matinding kahirapan. Lagi kong tinatanong ang aking sarili... “anung magagawa ko para sa kanila?” Ako’y isang karaniwang mamamayan… maliit… mahina… walang kwenta! Tandaan mo ang modus operandi ng Diyos. Isang katulad mo ang paborito Niyang gamitin! Kaya wag ka lang manood sa isang tabi… may magagawa ka! Simulan mo silang isama sa iyong panalangin. Pairalin mo ang pagkukusa sa pagtulong sa mga nangangailangan. Iwasan mo ang pagiging makasarili sa halip pairalin mo ang pagiging mapagbigay… Tandaan mo tayong lahat ay parang “limang tinapay at dalawang isda… Walang kuwenta ngunit may malaking magagawa!

Reflection: 16th Sunday in Ordinary Time Year B - July 19, 2009: REST WITH THE LORD

“Pare, Linggo ngayon… magsimba ka naman!” Sabi ng kumpare nya sa kanya. “Hmmp…! Dami kong gagawin, mga anak at misis ko na lang!” Sinabihan din sya ng kanyang mga kasama sa trabaho: “Simba tayo bukas ha?” Ang kanyang sagot: “Hmmmp…! Ang misis at ang mga anak ko na lang! Me pupuntahan pa ako.” Pinaalalahanan din sya ng kanyang kura paroko: “Anak, Linggo bukas. Magsimba ka.” Sagot n’ya: “Padre, wala naman mawawala sa parokya kung di ako pupunta. Hmmmp! Ang misis at ang mga anak ko na lang!” Nagkataong namasyal minsan ang pamilya. Sa kasamaang palad ay nadisrasya ang kanilang sinasakyan. Nakita na lamang nila ang kanilang sarili sa harapan ng pintuan ng langit. Sabi ni San Pedro: “Pamilya Dimagiba… pasok sa loob!” Nang s’ya na ang papasok ay hinarang sya ni San Pedro. “Oooops… san ang punta mo?” “Sa loob! Kasama ng pamilya ko!” Sagot n’ya. Sabi ni San Pedro” “Hmmmp… ang misis at anak mo na lang!” Marahil isang kwento lamang ngunit kapupulutan ng mahalagang aral: Walang oras ang Diyos para sa mga taong walang oras sa kanya! Marami tayong ginagawa araw-araw. Kinakailangan nating magtrabaho para kumita. Kinakailangan nating mag-aral. Kinakailangan nating gawin ang mga gawain sa bahay. Ngunit hindi naman tayo parang mga makina sa pabrika na 24 na oras kung magtrabaho. Hindi naman tayo katulad ng 7-11 store na walang pahinga. Kailangan din nating pahingahin ang katawan… ang pag-iisip ang kaluluwa. Naramdaman ito ni Hesus para sa kanyang mga alagad. Nakita niya ang kanilang kapaguran sa walang humpay na pagtratrabaho kaya nga sinabi niya sa kanila na “Magtungo kayo sa isang ilang na pook upang malayo sa karamihan at makapagpahinga kayo nang kaunti.” Ang araw ng Linggo ay Araw ng Pamamahinga. Ngunit ito ay hidi nangangahulugan ng pagtulog buong araw o kaya naman ay pagasasayang ng oras sa Mall o mga lugar pasyalan. Bilang isang Kristiyano na nagpapahalaga sa araw na ito bilang Araw ng Muling Pagkabuhay ki Kristo, ang Linggo ay araw ng pamamahinga kasama ang Panginoon. Ito ay “day of rest with the Lord. Kaya nga tayo ay nagsisimba. Tayo ay sama-samang nagdarasal, nagpupuri, nagpapasalamat at sumasamba sa Kanya sa araw na ito. Sana ay hindi dahilan ang “nawalan tayo ng oras” para sa Kanya. Hindi naman nawawala ang oras! Bagkus nagpapatuloy pa nga ito… 24 hours a day, 7 days a week. Ibig sabihin 168 hours sa isang Linggo ay mayroon tayo. Ang 167 bigay ng Diyos para sa iyo! Bahala ka kung paano gamitin ito. Ngunit ang isang oras ay nais niyang ilaan natin sa pamamahinga kasama Siya! Naibibigay mo ba ito ng buo sa kanya?

Reflection: 15th Sunday in Ordinary Time Year B - July 12, 2009: TRAVEL LIGHT!

Ang sobrang pagnanasa sa mga materyal na bagay ay delikado! Minsan may paring ang tanging masamang hilig ay magkamal ng salapi, pera at datung! Kahit ano ay gagawin niya basta lamang magkaroon ng pera. Minsan ay sumali siya sa isang “promo” o palaro ng mga advertising companies. May pacontest noon ang isang sikat na “softdrink: simple lang… bumili ka lang ng softdrink, tanggalin mo ang tansan (takip) at buuin mo ang number 1,2,3! Presto! Panalo ka ng limpak-limpak na salapi! Mukahang tinamaan siya ng suwerte sapagkat sa unang bili pa lamang niya ng softdrink e nakuha niya ang number 3. Bumili uli siya at nakuha naman niya ang number 1. Isa na lang… ngunit iyon na ata ang katapusan ng kanyang swerte: ayaw lumabas ng number 2. Nakaubos na sya ng maraming softdrinks. Umabot na ng isang case ang nabili niya… wala pa rin ang number 2. Umuwi sya sa parokyang dismaya. May lumapit na isang lalaki at sinabi sa kanya: “Father puwede po bang magkumpisal…” Ang pari, kahit na medyo dismaya ay sumagot: “Ano yon anak… sabihin mo…” “Father, meron po akong number 2!” Nanlaki ang mata ng pari at sinabi: “Ha??? Talaga? Akin na lang!” Delikado ang sobarang pagnanasa sa mga bagay na makamundo! Isa sa mga malaking tukso ng ating panahon ay ang magnasa at magkamal ng mga materyal na bagay… salapi, gadgets, ari-arian at marami pang iba. Ang ebanghelyo ngayon ay nagsasabi sa atin kung paano tayo dapat mamuhay bilang mga tagasunod ni Kristo: “Travel light!” Isang prinsipyong sinusundan ng mga mahilig maglakbay.Hindi mo kailangan ang maraming dala-dalahin! Ang buhay ay sinasabi nating isa ring paglalakbay. Lahat tayo ay patungo sa kaharian ng Diyos. At ito ang habilin sa atin ni Hesus: “Sa inyong paglalakbay, huwag kayong magdala ng anuman, maliban sa tungkod. Ni pagkain, balutan, salapi sa inyong lukbutan o bihisan, ay huwag kayong magdala. Ngunit magsuot kayo ng panyapak.” Ang Panginoon ay nag-aanyaya sa atin na mabuhay na simple o payak! Hindi ko sinasalungat ang progresso ng makabagong panahon. Kailangan natin ng pag-unlad! Salamat sa Diyos at naimbento ang computers, cellphones, at iba bang hi-tech na gadgets na nagpapadali sa ating buhay. Ngunit kung ang “cellphone” ay nagiging kapalit ng ating “physical presence” sa ating pamilya ay may mali ata! Kung ang computer ay ginagamit upang magpakalat ng kalaswaan… hindi ata tama! Kung ang pera ay nagiging dahilan upang mapabayaan ang pamilya… dapat nating pag-isipan muli ang ating ginagawa. Ang mga materyal na bagay ay dapat mapabuti ang ating pamumuhay at hindi makasira nito. Masyado nang kumplikado ang buhay natin ngayon kaya’t huwang na nating paguluhin pa. Maraming nang nagiging pabigat at sagabal sa ating paglalakbay.Iwanan natin ito at sa halip ay pairalin natin ang ating pananalig sa Diyos! Ito ang “kabanalan sa makabagong panahon”… ang mabuhay na maka-Diyos sa maka-mundong paligid na ating ginagalawan!

Reflection: 14th Sunday in Ordinary Time Year B - July 5,2009: PAGKILALA KAY KRISTO

Lumang joke na natanggap ko sa isang text: May magtxtmate na nagdesisyong mag-eyeball. Excited na excited ang dalawa sa gagawing pagkikita sa unang pagkakataon. Nagtext si lalaki: “Hi! xited n me na mkita k. Suot k ng green shirt at me naman red. ktakits tau sa jolibee tondo bukas ng 8pm!” Sagot ng babae: “cge, ktakits. xited n rin me.” Kinabukasan, alas otso ng gabi sa jolibee, dumating ang lalaki na naka-blue na shirt at nakita n’ya ang isang pangit na babaeng naka-green. Nilapitan siya ng babae at nagtanong: “Excuse me, ikaw ba ang katextmate ko?” Sagot si lalaki: “Haller…! Naka-red ba ako? ha?!!” hehe… Anung feeling mo kung ikaw ‘yun? Masakit ang ma-reject! Mas masakit kung ang gumagawa nito ay mga taong kilala mo. Ito mismo ang naranasan ni Hesus nang sinubukan n’yang mangaral sa kanyang bayan. Tandaan natin na si Hesus ay tanyag na bago pa siya mangaral sa kanyang bayang pinanggalingan. Marami na ang humahanga sa kanyang katalinuhan at galing. Kaya’t marahil ay inaasahan niyang mainit din siyang tatanggapin ng kanyang mga kababayan. Ngunit nagkamali siya. Nang marinig siyang mangaral ng kanyang kababayan ay hindi sila makapaniwala sa kanyang katalinuhan. Ang tanong pa nga nila ay: “Hindi ba ito ang karpinterong anak ni Maria, at kapatid nina Santiago, Jose, Judas, at Simon? Dito nakatira ang kanyang mga kapatid na babae, hindi ba?” At hindi nila siya tinanggap. Kaya’t malungkot din ang naging sagot ni Hesus sa kanila. “Hindi siya nakagawa ng anumang kababalaghan doon… Nagtaka siya sapagkat hindi sila sumampalataya.” Kung minsan tayo rin ay nahaharap sa ganitong sitwasyon. Mahilig nating ipahiya si Hesus. Sa mga pagkakataong hindi natin pinangangatawanan ang pagiging Kristiyano at kung minsan ay ikinakahiya pa nga natin ito ay ipinapadama natin ang ating hindi pagtanggap sa kanya. Dyahe ba para sa iyo ang mag-antanda ng krus sa jolibee, o kaya naman ay sa loob ng jeep? Nahihiya ka bang pagsabihan ang kaklase mong nandaraya sa exam? O kaya naman ay ang katrabaho mong patulog-tulog sa oras ng trabaho? Nahihiya ka bang yayain ang mga kasama mo sa bahay para magsimba? Mag-isip-isip ka… baka katulad ka rin nila na hindi nakakakilala sa Kanya. Baka isa ka rin na ayaw kumilala sa Kanya bilang Panginoon…

Reflection: 13th Sunday in Ordinary Time Year B - June 28, 2009: MABUHAY NA BUHAY!

Gusto mo na bang mamatay? Meganun??? hehe… Walang taong nasa matinong pag-iisip ang magsasabing gusto niyang mamatay! Sa katunayan lahat tayo ay takot sa kamatayan. May isang paring nagpakumpisal. “Padre, patawarin mo po ako sapagkat ako’y nagkasala.” “Anung nagawa mong kasalanan anak?” tanong ng pari. “Padre, ako po ay nakapatay ng tao. Marami na po akong napatay.” Sagot ng lalaki. “Bakit mo nagagawa ito anak?” muling tanong ng pari. “Kasi Father, galit po ako sa mga taong naniniwala sa Diyos. Lahat po sila ay naniniwala sa Diyos. Ikaw, Father… naniniwala ka rin ba sa Diyos?” Pasigaw na tanong ng kriminal. “Naku iho… hindi… minsan lang, pero trip-trip lang yun!” nangangatog na sagot ng pari. hehehe… Wala talagang may gustong mamatay. Ang normal na kalagayan ng tao ay ang maghangad na mabuhay! Kahit ang Diyos mismo ay ninanais na tayo ay mabuhay. “Pagkat ang tao’y hindi nilikha ng Diyos para mamatay, kundi para maging larawan niyang buhay.” Kung gayon ay bakit tayo nakakaranas ng kamatayan? Ang kamatayan ay nanggaling sa kasamaan, sa kasalanan. Ito rin ang binigyang diin sa aklat ng Karunungan: “Ngunit dahil sa pakana ng diyablo, nakapasok ang kamatayan at ito ang kahihinatnan ng mga napailalim sa kanya.” Bagamat tinubos tayo ni Hesus sa kasalanan ay hindi niya tinanggal ang kamatayan. Sa halip siya ay nagbigay sa atin ng pag-asa sa harap ng kamatayan! Pag-asa ang ibinigay niya kay Jairo ng ang anak nito ay mamatay. Para sa mga taong may pananalig ay hindi dapat katakutan ang kamatayan. Tayo ay may pananalig kung tayo ay nagtitiwala na may magagawa si Hesus sa ating buhay. Kaya nga ang pagsunod kay Hesus ay bahagi ng ating pananalig sa Kanya. At papaano ko ipinapakita ang pagsunod sa kanya? Una ay ang pag-iwas sa kasalanan na dala ng ating masasamang hilig at pag-uugali at pangalawa ay ang paggawa ng kabutihan sa ating kapwa lalong-lalo na sa mga nangangailangan at kapus-palad. Sa dalawang gawaing ito nakasalalay ang ating kaligayahan. Ito ang magbibigay ng kahulugan sa ating buhay. Tandaan natin ang kasabihang ito: “Our life is a gift from God. How we live our life will be our gift to God!”

Reflection: 12th Sunday in Ordinary Time Year B - June 21, 2009: GOD IS IN-CHARGE!

Isang kuwento para sa pagdiriwang ng Father’s Day: Isang binata ang takot na lumapit sa kanyang tatay: “Itay, puede po ba akong sumama sa party ng mga kaibigan ko mamyang gabi?” Laking pagkagulat niya ng sumagot ang kanyang istriktong tatay: “O sige… malaki ka na. Bahala ka! Basta tandaan mo, may kasunduan tayo… pag ikaw ay masyadong nagpagabi at dumating ka ng pasado alas dose ay makikita mong patay na ang ilaw sa labas ng bahay. Nakakandado na ang pinto. Sa madaling salita… sa labas ka na matutulog!” “Opo itay!” tuwang-tuwang sagot ng anak. Sapagkat first time niyang pinayagan. Nalibang ng husto ang binata sa party at di niya namalayan ang paglipas ng oras. “Naku! Patay! Alas dose pasado na!” Dali-dali siyang umuwi at totoo nga patay na ang ilaw sa labas, nakakandado na ang pinto. Ibig sabihin, sa labas na siya matutulog. Nanlulumo siyang naupo sa tabi pinto ng biglang bumukas ito at nakita niya ang kanyang tatay. “Itay, hindi po ba may kasunduan tayo na pag nahuli ako ay sa labas na ako matutulog? Bakit lumabas pa po kayo?” Sagot ng tatay: “Anak, may kasunduan nga tayo at paninindigan ko yon pero, wala sa ating kasunduan na puede kitang samahan dito sa labas ng magdamag. Anak… magbeer muna tayo!” Sabay labas ng bote ng San Mig Light… Mapagdisiplina ngunit may puso… May prinsipyo ngunit maunawain… Makatarungan ngunit may awa! Saksi ang kasaysayan sa kapangyarihan ng ating Diyos. Siya ang may likha at nagpapairal ng mundo. Siya ang “in-charge” sa lahat ng kanyang ginawa! Kahit ang kalikasan ay sumusunod sa kanyang utos. Nakita natin sa Ebanghelyo kung papaano Niya pahintuin ang malakas na hangin at alon. Sa kabila nito ang Diyos ay may pusong mapagmahal. Nakakaunawa Siya sa ating mga kakulangan at pag-aalinlangan. May mga sandaling nagdududa tayo sa Kanyang kakayahan. May mga sandaling ang akala natin ay “tinutulugan” Niya tayo dahil sa dami ng suliranin at paghihirap nating nararanasan. Ngunit huwag tayong mag-panic… God is in-charge! Nandiyan lamang Siya. Handa Niya tayong samahan. May pakialam Siya sa ating buhay! Sa pagdiriwang ngayon ng “Fathers’ Day”, sana ay makita at maramdaman din natin ang Diyos bilang tatay na dapat nating pagtiwalaan at mahalin. Totoo na dapat ay may takot din tayo sa Kanya, ngunit pagkatakot na dala ng pagmamahal. Sapagkat ang Diyos ay Ama na may malasakit sa ating kapakanan at kinabukasan. Happy Fathers’ Day sa inyong lahat!

Reflection: FEAST OF THE HOLY TRINITY Year B - June 7, 2009: ANG AKING DIYOS NA 3 IN 1

Alam n’yo bang ang kape palang may gatas ay mas lalong nakapagpapalakas ng kaba? Totoo!!! Ang kape, walang duda ay nakapagbibigay ng kaba (nakagpapabilis ng pulpitate ng puso!). Ang gatas naman ay pampalakas. Resulta: ang kapeng may gatas ay pampalakas ng kaba! hehe… Ganun pa man, ako ay isang certified coffe addict! Grabe! Hindi ako makakatulog sa gabi kapag hindi ako umiinom ng kape. Marami na rin akong kapeng natikman… from brewed o barakong kape ng batanggas to fraps o fancy cofee ng starbucks. Natikman ko pa nga ang exotic na “kape alamid”. Special daw ang kapeng ito na ang beans ay galing sa “shit ng Alamid” hehehe! Talagang mapapa… (sorry for the word) SHIT ka pag nainom mo ito! PhP 170 ba naman sa isang maliit na expresso cofee! hehehe… sabi ko sa sarili ko… doon na lang ako sa aking 3 in 1 na Nescafe! Tubig lang na mainit ang kelangan mo… enjoy ka na! Kalimitan ay ginagawa nating kumplikado ang ating buhay. Kung iisipin ay simple lang naman ito tulad ng kape. Parang Diyos… ginagawa natin Siyang kumplikado sa ating isipan. Pilit nating siyang “pinagkakasya” sa ating isipan ngunit hindi naman maari. Pilit natin inuunawa ang kanyang “misteryo” upang sa kahuli-hulihan ay maunawaan nating “puso” at hindi “utak” ang ginagamit upang maintindihan ang Diyos. Ibig sabihin,ang mga taong marunong lang magmahal ang nakakaunawa sa Diyos! Minsan daw ay naglalakad si San Agustin sa tabing dagat. Pilit niyang iniisip kung papaanong nagkaroon ng “Isang Diyos ngunit may tatlong Persona”. Habang siya ay nagmumuni-muni ay nakita niya ang isang batang pabalik-balik na sumasalok ng tubig sa dagat at pilit na pinupuno ang maliit na hukay na kanyang ginawa. “Anong ginagawa mo?” tanong niya sa bata. “Gusto ko pong ilipat ang tubig ng dagat sa butas na ito.” sagot ng bata. “Hindi mo maaring gawin yan, napakalawak ng dagat!” tugon niya. “Ganyan din ang ginagawa mo ngayon. Pilit mong pinagkakasya ang Diyos sa maliit mong isipan!” At biglang naglaho ang bata. Noong si Mother Theresa, ay buhay pa, siya ay naimbitahang magsalita sa harap ng maraming “Theologians”. Isa lang ang sinabi niya sa matatalinong taong iyon na nakikinig sa kanya: “Love Jesus…” “Mahalin ninyo si Jesus!” Tama nga naman sapagkat ang Diyos ay pag-ibig at mauunawan lamang Siya ng mga taong marunong magmahal. Kaya nga ako… kuntento na sa aking Diyos na 3 in 1… Ang Diyos Ama na sapagkat labis na nagmahal sa akin ay nagbigay ng Kanyang bugtong na Anak at patuloy na gumagabay sa akin sa pamamagitan ng Espiritu Santo. Hindi ko man S’ya lubos na maintindihan, kung bakit 3 in 1, ay alam ko namang mahal N’ya ako at nais Niyang mahalin ko rin Siya. Nais Niyang Siya’y aking mahalin sa halip na unawain. Ang tanong: “Masasabi ko ba na sa aking buhay ay minahal ko kahit na isang sandali ang Diyos?” Baka naman malimit ko Siyang ipinagpapalit sa mga makamundong bagay tulad ng barkada, trabaho, pera, kagamitan at nagiging “optional” na lamang Siya sa aking buhay! Sa tuwing sisipsip ka ng kape… kape ng starbucks man, alamid cofee, o simpleng Nescafe, dapat ay lagi mong maalaa ang Diyos na 3 in 1 na nagmahal sa iyo ng lubos. Coffee… anybody???

REFLECTION: Solemnity of Pentecost - May 30, 2009: KULASISI

Isang paring misyonero na galing Ireland na nakapag-aral ng kaunting tagalog ang naupo sa kumpisalan. Sapagkat kapos ang kanyang bokabularyong nalalaman sa Tagalog ay nagdala siya ng maliit na Tagalog-English Dictionary saka-sakali mang meron siyang salitang hundi maintindihan. Maayos namang naidaos ang unang oras ng kumpisal. Naintindihan niya ang mga kasalanan at nakapagbigay pa siya ng payo. Bigla na lamang may nagkumpisal ng ganito: “Father, patawarin po ninyo ako; ako’y nagkasala. Nagnakaw po ako… yung biyenan ko minura ko… At Father, mayroon po akong ipagtatapat: may dalawa po akong “kulasisi.” Biglang napaisip ang pari, “What is “kulasisi?” Binuksan niya ang kanyang pocket dictionary at tiningnan: “Kulasisi: noun, a little bird, good for pet.” Sabi ng pari: “Magaling, magaling… dalawa pala ang kulasisi mo. Ibigay mo sa akin ang isa ha?” hehe… Ang hirap nga naman pag di malinaw ang pag-intindi mo sa isang salita. Ang resulta: hindi pagkakaintindihan, maling pagkaunawa, pagkakagulo, pagkakawatak-watak! Ang unang biyayang dulot ng Espiritu Santo ay pagkakaisa. Ito ang narinig natin sa unang pagbasa: “At silang lahat ay napuspos ng Espiritu Santo at nagsalita ng iba’t ibang wika, ayon sa ipinagkaloob sa kanila ng Espiritu.” Bagamat iba’t ibang wika ang ipinagkaloob sa kanila ay naiintindihan sila ng mga nakarinig sa kanila. Bakit nagkaganoon? Ang sabi ni San Pablo sa ikalawang pagbasa: “Iba’t iba ang kaloob, ngunit iisa lamang ang Espiritung nagkakaloob ng mga ito.” Ibig sabihin, ang Espiritu Santo ang nag-uugnay at dahilan ng pagkakaisa. Nakakalungkot tingnan ang mga Kristiyanong nagbabangayan at nagsisiraan sa isa’t isa. Ang mas nakakalungkot ay may mga taong gumagamit pa ng Salita ng Diyos upang tuligsain ang kanyang kapwa. Ang dapat na epekto ng biyayang kaloob ng Espiritu ay kapayapaan at hindi kaguluhan. Ito ang pambungad na bati ni Jesus pagkatapos ng kanyang muling pagkabuhay. Pagkatapos, sila’y hiningahan niya at sinabi, “Tanggapin ninyo ang Espiritu Santo.” Tingnan natin ang ating buhay. May kapayapaan ba sa loob ng aking pamilya? May kapayapaan ba sa aking sarili? May kapayapaan ba sa aking kapaligiran? Kung hindi pa natin ito nararanasan ay marahil hindi pa natin hinahayaang maghari ang Espiritu sa ating buhay. Ang Espiritu Santo ay hindi “kulasisi”. Ang “kulasisi” ay sumisira, nagwawatak-watak, naghihiwalay sa ugnayan ng pamilya. Ang Espiritu ay nag-uugnay, nagtitipon, nagbubuklod… ang dulot Niya ay kapayapaan at pagkakaisa…

Reflection: Feast of the Lord’s Ascension - May 24, 2009: MGA BUHAY NA SAKSI

Joke sa isang text: Katutubo 1: Mag-ingat ka s ‘yong babaybayin na daan dahil ito’y mapanganib. Kunin mo itong gamot para sa kagat ng ahas baka sakaling ika’y makagat. Kunin mo itong iang bote ng hamog dahil ito’y nakakatanggal ng uhaw at gutom. Dalhin mo ang balaraw na ito ng ating mga ninuno upang maprotektahan ka laban sa mga mababangis na hayop. Natatandaan mo pa ba ang mga sinabi ko? Katutubo 2: Opo ama… basta, txt2 na lang if ever! Katutubo 1: Ok basta miscol me pag feel mo na lost ka. huh?” Iba na nga talaga ang nagagawa ng makabagong teknolohiya lalo na sa aspeto ng komunikasyon. Kahit, mga tao sa liblib na lugar ay nabibiyayaan na nito. Karaniwan nang makakita ka ng “cell phones” at “computers” kahit sa mga bundok at malalayong isla. Tunay na pinaliliit ng makabagong komunikasyon ang ating mundong ginagalawan. Ang Kapistahan ng Pag-akyat ni Hesus sa langit ang siya ring pinili ng Simbahan upang ipagdiwang ang “Linggo ng Komunikasyong Pandaigdig”. Naaakma sapagkat ng si Hesus ay umakyat sa langit, ay iniwang niya sa mga alagad ang utos na: “Humayo kayo at gawin ninyong alagad ko ang lahat ng bansa.” Ang pinaka-epektibo pa ring pamamaraan ng komunikasyon ay ang “pagiging mga totoong saksi ni Kristo!” Sabi sa turo ng Simbahan: “Ang mga tao ngayon ay higit na naniniwala sa mga saksi kaysa mga guro. At kung sakali mang maniwala sila sa mga guro ay sapagkat sila ay mga saksi!” Ang pagiging saksi ay naipapakita sa ating pananalita at pagkilos. Pagpili sa tama at pagtalikod sa masasamang gawain, pagsasabi ng totoo at pag-iwas sa kasinungalingan, pagbibigay ng mabuting halimbawa sa iba sa halip na manirang puri… Marami tayong maaring gawin upang maipahayag ng makatotohanan ang utos ni Jesus. Gamitin natin ng tama ang mga makabagong paraaan ng komunikasyon upang ikalat ang Mabuting Balita ni Hesus! Kahit simpleng text o maikling e-mail message ay makakatulong upang maipalaganap ang Kaharian ng Diyos… Tayo ngayon ang mga buhay na saksi ni Kristo!  Isinagawa ito noong una sa pamamagitan ng pagpapasa-pasa ng aral ni Hesus (tinatawag ding tradisyon) sa pamamagitan ng pangangaral at pagsusulat. Sa kasalukuyan ay ipinagpapatuloy pa rin ang mga ito sa mga makabagong pamamaraan ng pakikipagtalastasan: internet, video broadcast, tv & cable, tele conferencing, etc… Bagama’t makabago, mawawalan ng saysay ang mga ito kung hindi kapani-paniwala ang mga nagpapahayag. Kaya nga’t kasama ng utos ni Hesus ay ang pagiging kanyang mga buhay na saksi!

KAPISTAHAN NI MARIA MAPAG-AMPON NG MGA KRISTIYANOMay 24, 2009 (para sa mga parokya, oratorio, sentro at mga establisyamento napinaparangalan siya bilang Patron)

Mayroong isang kuwento na minsan daw sa langit ay naglalakad ang Panginoong Hesus at nakakita siya ng mga di kilalang kaluluwa na gumagala sa Kanyang kaharian. Agad niyang tinawag si San Pedro upang tanungin kung sino ang mga bagong “migrants” na iyon. Walang masabi si San Pedro kaya’t katakot-takot na sermon ang inabot niya sa Panginoon. “HIndi ba sabi ko na sa iyong isarado mong mabuti ang pinto upang walang makakapasok dito na hindi natin nalalaman?” Sabi ni Hesus. Tugon ni San Pedro: “Sinasarado ko naman po… kaya lang ang nanay ninyo binubuksan naman ang bintana at doon ipinupuslit ang mga migranteng ito!” hehehe… Marahil isang kuwento lamang ngunit kapupulutan natin ng aral tungkol sa ating Mahal na Birhen. Tunay ngang siya ay “tulong ng mga Kristiyano” o “Help of Christians”. Ang kasaysayan ang ating patunay na si Maria ay laging tumutugon sa pangangailanan ng Simbahan. October 7, 1571 ng magapi ng mga mandirigmang Kristiyano ang mga turko sa malamilagrong “Battle of Lepanto. May 24, 1814 ng nakalaya si Pope Pius VII sa pagkakabihag ni Napoleon at nawala ang pagtatangkang sirain ang Simbahan. Noong panahon ni Don Bosco (1815-1888) ay talamak at hayagan ang pagbatikos sa Simbahan ng mga “Anti-clericals”. Lahat ng pagsubok na yan ay nalagpasan ng Simbahan sa pamamagitan ng pamimintuho at debosyon sa kanya. Kaya nga’t hindi nagdalawang isip si Don Bosco upang kunin siyang patron ng kanyang gawain. Hanggang ngayon ay patuloy ang paggawa ni Maria ng himala at namamagitan siya sa pangangailangan ng Simbahan. Marami pa rin ang sumisira at tumutuligsa sa ating pananampalataya. Hingin natin ang makapangyarihang pamamagitan (intercession) ni Maria… ang Tulong ng mga Kristiyano!

Reflection: 6th Sunday of Easter Year B - May 17, 2009: MAG-IBIGAN KAYO!

Ano ba ang pakiramdam ng isang taong walang nagmamahal? Sabi ng isang text na nareceived ko: “ubod ng lungkot… parang aso na walang amo, parang adik na walang damo, parang dinuguan na walang puto, parang zesto na walang straw, parang tinola na walang sabaw, parang babae na walang dalaw, parang bahay na walang ilaw, parang ako na walang ikaw…” hehehe… Kaya siguro bago lisanin ni Jesus ang mundong ito ang kanyang huling habilin ay tungkol sa pag-ibig: “Ito ang iniuutos ko sa inyo: magibigan kayo.” Nakakalungkot lang isipin na mula sa mensaheng ito ay lumitaw ang mahigit 22,000 na magkakaibang relihiyon at sekta na namumuhi at nasusuklam sa isa’t isa! Bakit nagkaganoon? Nagkamali ba si Jesus sa pagpapaliwanag kung ano ang dapat na katangian ng pag-ibig? Malinaw ang mga katagang binitiwan ngayon ni Jesus sa Ebanghelyo. Ang unang katangian ng pag-ibig ay ang kakayahang magsakripisyo alang-alang sa kapakanan ng iba.“Walang pag-ibig na hihigit pa sa pag-ibig ng isang taong nag-aalay ng kanyang buhay para sa kanyang mga kaibigan.” Ang tunay na nagmamahal ay inuuna ang kapakanan ng iba bago ang sarili. Sulat ng isang binata sa kanyang kasintahan: “handa kong suungin ang mapanganib na gubat para lamang sa iyo. Handa kong lakbayin ang pitong bundok at dagat, makamit lamang ang pag-ibig mo. Handa kong sungkitin ang mga bituin sa kalangitan makamit ko lamang ang matamis mong “Oo”… PS. dadalaw ako sa inyo sa Sabado kung hindi uulan!” Ang tunay na sukatan ng pag-ibig ay sakripisyo! Nangangahulugan ito ng pagbibigay ng sariling oras, kakayahan, karunungan, at kahit kayamanan sa mga taong nangangailangan. Wala sa diksiyonaryo ng taong nagmamahal ang katagang: “Wala akong pakialam!” Ang ikalawang katangian ng pag-ibig ay ang kakayahang magmahal sa lahat na walang itinatangi. Ang kaligtasang ibinigay sa atin ni Jesus sa pamamagitan ng pag-aalay ng kanyang buhay ay para sa lahat ng tao: ano man ang relihiyon, lahi, kultura, kasarian, pag-uugali niyang taglay. Dapat ang ating pagmamahal ay gayun din. Kalimitan, kinasusuklaman natin ang ating kaaway at malambing lamang tayo sa ating mga kaibigan. Ngunit hindi ito ang gawi ng Panginoon. Ang Panginoon ay nagpakita ng habag at pagmamahal sa mga taong hindi kaibig-ibig, sa mga taong makasalanan. Ang sabi nga ni Andrew E: “Kung gusto mong lumigaya ang iyong buhay humanap ka ng pangit at ibigin mong tunay!” Ito ang ginawa ng Diyos, hinanap niya tayo! Tayo na pangit dahil sa ating mga kasalanan. Sana tayo rin kayang maghanap sa mga taong hindi nabibigyang pansin, sa mga kapus-palad, sa mga naliligaw ng landas, sa mga kapos sa pagmamahal. Kung susundi lamang natin ng tama ang sinabi ni Jesus mahigit 2,000 taon na ang nakakaraan, ay siguradong mababawasan ang pagkasuklam at pagkagalit sa isa’t isa. Ito pa rin ang mensaheng nais niyang iparating sa atin: “Mag-ibigan kayo!”